Ang Balete ni F. Sionil Jose sa Entablado

By John Iremil Teodoro

NAANTIG ang buong pagkatao ko habang pinapanood ang dulang adaptasyon na ‘Balete’ ng Tanghalang Pilipino sa nobelang ‘Tree’ ni National Artist F. Sionil Jose noong Sabado, Setyembre 28, sa Tanghalang Ignacio Gimenez ng Cultural Center of the Philippines. Ito ang kapangyarihan ng teatro. Ang bigyang laman ang mga karakter mula sa nasabing nobela na halos nakalimutan ko na dahil nasa kolehiyo pa ako nang binasa ko ito. Ang nobelang ito ay bahagi ng magnum opus ni Jose na “The Rosales Saga” na binubuo ng limang libro.

Kuwento ng limang henerasyon ng dalawang pamilya ang Rosales Saga na kilala rin bilang Rosales Novels dahil ang lunan nito ay ang Rosales, Pangasinan. Isa itong historiko-politikal na nobela tungkol sa pamilyang Samson na mga mahirap na magsasaka at ng pamilyang Asperri na mga mayamang mestizo. Ang panahon ng kuwento nito ay mula sa panahon ng Kastila hanggang sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, at hanggang maging malaya sa kolonyalisasyon ang Filipinas.

Ito ang mga pamagat ng nobela ayon sa pagkakasunod-sunod na nakabase sa panahon ng saga: ‘Poon’ (sinulat noong 1984), ‘Tree’ (sinulat noong 1978), ‘My Brother, My Executioner’ (sinulat noong 1973), ‘The Pretenders’ (sinulat noong 1962), at ‘Mass’ (sinulat noong 1973). Konektado ang mga nobelang ito na inumpisahang sulatin ni Jose noong 1962 at natapos noong 1984. Pangunahing tema nito ang pagiging mahirap ng mga magsasaka dahil wala silang sariling lupa, at nagtatrabaho lamang sila na parang mga alipin para sa mga absentee landlord katulad ni Don Vicente sa kuwentong ito.

Mula libro patungo sa entablado. Magkaibang estetikong karanasan ang makukuha ng mambabasa sa pagbasa ng libro at ang makukuha ng mga manonood sa panonood ng dula na live. Madalas mas magandang karanasan talaga ang pagbabasa ng libro dahil mas napapatingkad nito ang ating imahinasyon. Laging may kulang sa mga adaptasyon, lalo na sa pelikula. Mas malawak at mas malalim kasi ang mundong nililikha ng libro na madalas mahirap ipasok lahat sa isang pelikula o sa isang dula.

Ang adaptasyon ay isang uri ng pagsasalin. Sa pagsasalin maraming nawawala dahil ang sabi nga ng mga Italyano, “traduttore, traditore.” Traidor ang tagasalin. Traidor ang pagsasalin. Kadalasang napapaslang ang akdang isinalin. Pero parang hindi ito nangyari sa adaptasyon ng premyadong mandudula na si Rody Vera. Sa tulong ng matalinong direksiyon ni Chris Millado at ng mga aktor na nag-iisip din, naging isang mabungang karanasan ang dulang ‘Balete’ na lalong nagpatingkad sa ganda at halaga ng nobelang ‘Tree’ ni Jose.

Sa open forum pagkatapos ng performance, kinuwento ng mga aktor kung paano nabuo ang pagtatanghal nila. Ito ay sa pamamagitan ng improvisation at sa pagkikinig nila sa isa’t isa. Lahat sila, mula mandudula, direktor, aktor, stage designer, at crew ay nag-ambag upang maiprisinta ang dula nang maayos at maging matagumpay ang kung ano mang eksperimentasyon ang gawin nila sa establado.

Kahanga-hanga ang ginawa ni Nonie Buencamino bilang artista sa dulang ito. Tatlo ang ginampanan niyang tauhan! Ang di pinangalanang batang bida sa nobela, ang tatay ng batang ito na si Espiridion na encargado ng plantasyon, at ang batang lumaki na siyang tagapagsalaysay sa nobela. Maganda ang teknik na ginawa ni Vera sa kaniyang adaptasyon: nasa Ingles ang narration dahil galing ito sa nobela mismo at sa isa pang libro ni Jose na ‘Promdi,” na isang autobiography, at nasa Filipino naman ang mga diyalogo.

Magaling din si Jonathan Tadionan na gumanap bilang matandang babaeng yaya at marami pang ibang papel tulad ng isang manggagawa sa bukid na naputulan ng paa habang nagtatrabaho sa gilingan. Katulad ni Buencamino, kapani-paniwala ang pagpapalit nila ng karakter sa establado mismo at nakikita ng mga manonood at nauunawaan ang pagpapalit na ito upang patuloy na makipamuhay nang sandaling iyon sa mga karater ng dula.

Ang central metaphor o ang pangunahing imahen ng dula (at ng nobela siyempre) ay ang malaking puno ng balete sa lunan ng dula. Parasite ang isang balete. Kinakain nito at host nitong puno o ang estruktrang madikitan nito. Ang pinakahuling talata ng nobela ni Jose ay ito: “Who then lives? Who then triumphs when all others have succumbed? The balete tree—it is there for always, tall and leafy and majestic. In the beginning, it sprang from the earth as vines coiled around a sapling. The vines strangle the young tree they had embraced. They multiplied, fattened, and grew, became the sturdy trunk, the branches spread out to catch the sun. And beneath this tree, nothing grows.”

Napakaangkop itong imahen para sa isang sistema ng lipunan kung saan nananaig ang mga may lupa, ang mga may pera, ang mga may kapital. Sila na hindi kailangang magbanat ng buto tulad ng mga magsasaka, sila na kahit hindi magtrabaho ay kumikita pa rin, at sa mga masisipag na tulad nila, magaling silang gumawa ng paraan para lalo kumita at yumaman gamit ang pawis at dugo ng mga manggagawa. Sa sistemang ganito, lalong yumayaman ang mayayaman, at lalong naghihirap ang mahihirap. Ang mga mayaman ay parang balete na lumaki dahil may tinapakan at kinain, at walang halaman o punongkahoy ang mabubuhay at lalagi sa paligid at lilim nito.

Kayâ sa dula napakalakas ng dating ng karakter ni Baldo na pinag-aral ni Espiridion ng pagiging surveyor. Nang makatapos ng pag-aaral si Baldo at isang ganap na siyang agrimensor, sinarbey niya ang mga lupain nilang magsasaka na inagaw ni Don Vicente sa kanila. Sa kabila ng pagtutol ni Espiridion, inorganisa ni Baldo ang mga magsasaka na maghabla sa Korte upang mabawi ang kanilang lupain. Tinanggihan din ni Baldo ang isang milyon na bribe na ipinadala ni Don Vicente para huwag nang ituloy ang paghabla. Natalo sina Baldo sa kaso nila. Pera ang labanan pagdating sa hustisya sa ating bansa. Dahil sa labis na kabiguan at pagkapahiya sa mga magsasakang umasang matulungan niya, binitay ni Baldo ang sarili sa balete. Mahusay ding ginampanan ni Earvin Estioco ang papel na Baldo.

Ang metapora ng balete sa dula ay pinatingkad ng magaling na set design ni Wika Nadera. Ang bilog na entablado sa gitna ng teatro ay nasa lilim ng apat na malalaking poste na may mga gutay-gutay na tela na may naka-project na mga dambuhala at tila sawang ugat ng balete. Saksi ang balete sa lahat ng kasiyahan at kasawian ng mga karakter sa dula. Nagmistulang silang mga huklubang mandirigma na nakatindig subalit tahimik na pinapanood ang mga trahedya sa buhay ng mga karakter. Mistulang inaabangan rin ng mga ito ang reaksiyon ng mga manonood.

Dahil black box theater ang Tanghalang Ignacio Gimenez, angkop ang eksperimental na estilo ng adaptasyon ng dulang ito. May bilog na establado sa gitna na napapalibutan ng mga upuan ng mga manonood. Dati na rin namang ginagawa ito ng Tanghalang Pilipino sa Tanghalang Huseng Batute ng gusali ng CCP na sarado ngayon dahil under renovation. Napaka-intimate ng black box theater at lalong nagiging matingkad ang karanasan ng manonood dahil mas dama ang buhay na buhay na presensiya ng mga aktor sa entablado na ang pakiramdam ay kasama ka mismo sa dula na hindi na isang dula kundi isang reyalidad na habang nanonood sa isang maliit at maitim na parisukat na teatro.

Masaya ako at muli akong nakapanood ng dula, at lalong dula pa ito ng Tanghalang Pilipino dahil pinapanood ko na sila noon pa mang nag-aaral pa ako sa La Salle (kalagitnaan ng dekada 90). Hindi ko na rin matandaan kung kailan ang huli kong panonood ng dula. Basta bago pa iyon magkapandemya. Ngayon lang uli ako nakapanood ng dula post-pandemic. Iba talaga ang estetikong ligayang hatid ng panonood ng dula sa teatro. Involved kasi ang ating katawan, isapan, at kaluluwa kapag nanonood tayo nito.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here