Babala ng IPCC ay panawagan para sa aksyong pangklima sa Pilipinas

By John Leo Algo

Kung mayroon mang pagdududa, tayo ay nakararanas ng krisis sa klima o climate change. At maaari pa itong lumala.

Naglabas ang Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) ng isang bagong ulat noong 9 Agosto, na nagbabalita ng kasalukuyang kalagayan at mga epekto ng krisis sa klima. Masasabing kinukumpirma nito ang ating ikinakabahala: tayo ang dahilan ng problemang nagiging mas mahirap solusyonan sa paglipas ng bawat taon.

Ano ang kalagayan ng ating klima?

Tumaas ng 1°C ang pangkaraniwang temperatura sa buong mundo, kumpara sa mga temperatura ilang siglo ang nakalilipas. Dulot ito ng pagbubuga ng mga greenhouse gas (GHG) katulad ng carbon dioxide (CO­2) sa ating kapaligiran. Nagmumula sila sa pagsusunog ng mga fossil fuel, katulad ng coal, na sa kasalukuyan ay ang pangunahing pinanggagalingan ng kuryente sa Pilipinas at sa buong mundo.

Mukhang maliit ang numerong 1 sa unang tingin, pero lumalabas na nagsanhi na ito ng malakihang pagbabago sa pandaigdigang klima na hindi pa nararanasan sa loob ng ilang siglo o milenyo. Pinakamataas ang dami ng CO2 sa ating atmospera sa loob ng 2 milyong taon. Nararanasan na natin ang mas maraming mainit na mga araw, at asahang dadami pa ito.

Umiinit at nagiging mas acidic ang ating karagatan, na nakaaapekto ng maraming kabuhayan, likas-yaman, at iba pang bahagi ng ating ekonomiya. Tumaas ng 0l20 metro ang nibel ng ating dagat; bumibilis ang pagtaas na ito sa pagkatunaw ng mga glacier at ice sheet sa rehiyong Arctic at Antarctica. Dumarami rin ang mga malalakas ng bagyo sa nakalipas na apat na dekada, na nagdadala ng mas malalakas na pag-ulan at mas matinding pinsala.

Upang solusyonan ang krisis sa klima, nabuo ang Paris Agreement noong 2015 na naglalayong limitahan ang pag-init ng mundo nang higit na mas mababa sa 2°C; marami ang naglalayon ng 1.5°C. Ipinapakita ng ulat ng IPCC na malalampasan ang parehong antas ng pag-init pagsapit ng 2050, maliban kung ating higit na babawasan ang ibinubugang mga GHG. Bukod sa CO2, kailangan ring bawasan ang ibinubugang methane, na nagmumula sa sektor ng agrikultura at mga landfill, at black carbon na mula sa mga sektor ng industriya at transportasyon.

Sa bawat antas ng pag-init, lalong dadami at lalakas ang mga sakunang maaaring tumama sa ating mundo. Halimbawa, kung aabot sa 1.5°C ang pag-init, dalawang beses na mas madalas tatama ang matinding tagtuyot, habang 2.5 beses na mas madalas ang magaganap sa 2°C na pag-init. Halos doble ring mas madalas mangyayari ang mga malalakas na pag-ulan sa parehong antas ng pag-init.

Maaalis ang CO2 sa ating atmospera at karagatan sa pamamagitan ng mga kagubatan, bakawan, at iba pang natural carbon sink. Subalit kung patuloy ang ating pagbubuga ng naturang polusyon, hihina ang kanilang kakayahang tanggalin ang CO2 pagkatapos ng 2050, lalo na kung patuloy ang kanilang pagkasira.

Hindi lang dapat alisin ang mga naibugang GHG; kailangan bawasan din ang inilalabas na naturang polusyon. Sa kasalukuyan, kung pagsasamahin ang mga plano ng lahat ng bansa, hindi pa rin ito sapat upang limitahin ang pag-init ng mundo. Kailangan natin ang mas mataas na ambisyon at mas mabilis at epektibong pag-aksyon laban sa krisis sa klima.

Ano ang dapat gawin ng Pilipinas?

Mahalaga ang ulat ng IPCC para sa Pilipinas, isa sa mga bansang pinakaapektado ng krisis sa klima. Ang mga bagyong tulad ng Yolanda at Ulysses, ang matinding tagtuyot na sanhi ng insidente sa Kidapawan noong 2016, ang pagtaas ng nibel ng dagat na dalawa o tatlong beses na mas mabilis kumpara sa buong mundo, at iba pang kalamidad ay nagdulot ng matinding pagkasawi at pinsalang na hindi malilimutan ng maraming komunidad. Ang lahat ng ito ay tumama sa atin sa mundong uminit ng 1°C.

Gusto ba nating maranasan ang epekto ng higit pang mas mainit na mundo?

Base sa ulat ng IPCC, kailangang palakasin ng Pilipinas ang pamamahala laban sa krisis sa klima, na may kakayahang magpatupad ng mga solusyong batay sa agham at hustisya na magdadala sa ating bansa sa daan patungo sa likas-kayang pag-unlad o sustainable development. Habang nilalayon ng bansa na bawasan ang ibinubuga nitong GHG nang 75% sa loob ng kasalukuyang dekada, mayroon pa ring mga suliranin sa ating sistema na kailangang lutasin.

Una, kailangang bumuo ng malinaw na stratehiya sa pagbabawas ng mga GHG, na hanggang ngayon ay hindi pa rin nailalantad sa publiko. Kabilang dito ang pagtanggi sa mga fossil fuel, lalo na ang coal, at pagsisimula ng tuluyang paglinang sa ating renewable energy resources. Dapat tandaang pangalawa ang Pilipinas sa bansa sa Asyang may pinakamahal na kuryente dahil sa ating pagtangkilik sa coal at mga lumang planta at kagamitan.

Pangalawa, kailangang makuha ng Pilipinas ang sapat na pondo, teknolohiya, at iba pang kagamitan upang ipatupad ang mga programa laban sa krisis sa klima, simula sa pandaigdigang pagpupulong na idaraos sa Nobyembre sa Scotland. Kabilang dito ang mas aktibong pakikilahok ng bansa sa mga negosasyon, na humina dahil sa hesitasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa partisipasyon sa ilalim ng Paris Agreement.

Dapat nating makuha ang nasabing pondo at kagamitan mula sa mga mayayamang bansa, na pinagmulan ng karamihan sa polusyong sanhi ng pag-init ng mundo. Hindi dapat dumating ang mga tulong na ito sa anyo ng pagpapautang sa Pilipinas, kundi sa mga grant na nakahanay sa ating paninidigan ng hustisyang pangklima.

Pangatlo, kailangang pagtibaying ng pamahalaan ang whole-of-government at whole-of-society na prinsipyong palagi nitong binabanggit pagdating sa pag-aksyon. Dapat palakasin ang kapasidad ng mga lokal na pamahalaan at komunidad sa pagpapatupad ng pangmatagalang programang mitigasyon at adaptasyon, lalo na’t sila ang unang nakararanas ng mga kalamidad. Kailangan ding pagbutihin ang pakikilahok ng iba’t ibang sektor ng lipunan, lalo na ang mga mahihirap at vulnerable na grupo, sa pagbuo, pagpapatupad, at komunikasyon ng mga solusyon.

Dalawampu’t anim na taon na ang dumaan mula nang unang magpulong ang buong mundo upang aksyunan ang krisis sa klima. Mahigit isang dekada na ang lumipas mula nang tumama ang bagyong Ondoy. Pero ganito pa rin tayo, nag-uusap kung paano lutasin ang krisis na ating sinimulan. Paano tayo tutugon ngayon?

(Si John Leo ay ang Deputy Executive Director for Programs and Campaigns ng Living Laudato Si’ Philippines at miyembro ng interim Secretariat ng Aksyon Klima Pilipinas. Isa siya sa mga may-akda ng unang Philippine Climate Change Assessment Report series, na ibinatay sa mga ulat ng IPCC)