Mga aplikasyon para sa Kampong Balagtas 2020, maaari pang ipása hanggang 13 Disyembre

Upang mahikayat ang mas malawak na pakikilahok, maaari pang magpása ng mga aplikasyon para sa Pambansang Kampong Balagtas 2020 ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) hanggang 13 Disyembre.

Ang Pambansang Kampong Balagtas ay taunang seminar-palihan ng KWF tuwing Buwan ng Panitikan ng Filipinas sa Abril. Tinitipon nito ang mga kabataang manunulat mula sa iba’t ibang pook sa Filipinas upang sumailalim sa pagsasanay sa malikhaing pagsulat sa gabay ng mga nangungunang manunulat at guro ng bansa.

Mangyayari ang kampo mula 2–4 Abril 2020 sa Orion Elementary School, Orion, Bataan. Sasagutin ng KWF ang transportasyon, akomodasyon, at pagkain ng mga mapipiling kalahok.

Ipinangalan ito kay Francisco “Balagtas” na nagdiriwang ng kaarawan tuwing 2 Abril at isa sa mga dahilan sa proklamasyon ng Buwan ng Panitikan ng Filipinas.

Batay sa Proklamasyon Blg. 968, s. 2015, ang Buwan ng Panitikan ay ipagdiriwang tuwing Abril upang himukin ang mga Filipino na patuloy na tuklasin at ipalaganap ang mayamang lawas ng panitikan ng Filipinas. Budyong Panitikan ang tema ng pagdiriwang sa Abril 2020.

Kinakailangan lamang magpása ng aplikasyon ng mga kabataang manunulat na nása baitang 7–11 sa pamamagitan ng koreo o digital na paraan. Makikita ang buong tuntunin sa paglahok at maaaring mag-aplay onlayn sa kwf.gov.ph.