By John Iremil Teodoro
GANITO magsalita ang mga tradisyonal na politiko. Gamit nila ang mga salitang walang laman, o mga salitang sinulat lamang ng speech writer nila at hindi rin nila naintindihan. Ang masaklap pa ngayon, baka nga ang mga tamad nilang staff ay gumagamit lamang ng Chat GPT. Obvious na obvious kasi. Iba ang sinasabi, iba ang ginagawa ng mga trapong ito.
Noong nakaraang Rizal Day, Disyembre 30, 2024, kaniya-kaniyang palabas ng mensahe ang mga trapo na kunwari pinapraktis din nila ang values ni Rizal katulad halimbawa ng pagrespeto sa katotohanan at katarungan, at lalo na ang pagmamahal sa bayan.
Paborito ko talaga ang kay Bise Presidente Sara Duterte. Ang sabi nitong Bratinela ng Davao, “Parangalan natin ang kaniyang [si Rizal] alaala sa pamamagitan ng paninindigan para sa tama at kolektibong pagsusumikap tungo sa mas makatarungan, pantay, at tunay na malayang Pilipinas.”
Tambling ang Sirena! Paninindigan para sa tama? E bakit ayaw niyang sagutin ang mga tanong sa Senate at Congressional Inquiries tungkol sa pagwaldas ng mga opisina niya (Office of the Vice President at Department of Education) ng mga confidential fund? Bakit siya pa ang gumagawa ng paraan para hindi umattend at makapagpaliwanag nang maayos ang mga tauhan niya? Sa PhP125 million na confidential fund na ginasta ng opisina niya sa loob ng 11 araw, bakit may mga acknowledment reciept na nakapangalan sa mga gawa-gawang pangalan tulad ni Mary Grace Piattos na sabi ng Philippines Statistics Office ay walang records sa kanila?
Kung paulit-ulit siyang nagta-tantrums ala shiminet sa Kongresso, nang live sa internet, at sa national TV dahil hindi nasusunod o sinusunod ang mga gusto niya, ano itong tsinitsenes niyang mas makatarungan, pantay, at tunay na malayang Filipinas? Baka nakalimutan niyang Duterte ang apelyido niya at ang pamilya nila, lalo na ang ama nila, ay walang respeto sa rule of law dahil paboritong proyekto nila ang EJK a.k.a . tokhang na karamihan sa pinatay ay mahihirap. So anong katarungan at pagiging pantay ang ginangasal niya? Ang totoo niyan, mas magiging malaya ang Filipinas kung matalo sa eleksiyon ang angkan nila at makulong silang mag-anak.
Sa mensahe naman ni House Speaker Martin Romualdez sinabi niyang, “Ang tunay na pagmamahal sa bayan ay naipamalas hindi lamang sa salita kundi sa gawa.” Kayâ siguro ang 2025 National Budget ay nakadisenyo para magamit nilang mga trapo sa eleksiyon. Binonggahan nila ang budget ng dole-out na AKAP (Ayuda sa Kapos ang Kita Program) at tadtad ng mga unprogrammed na item para sa infrastructure na mala-pork barrel. Dagdag charot pa niya, “Bilang lider ng Kongreso, atin pong sinisiguro na ang mga batas na ating pinagtitibay ay tumutugon sa pangarap ni Rizal na magkaroon ng makatarungan at maunlad na lipunan.” Sana buháy si Rizal ngayon para mahampas man lang niya ng baston niya once itong si Romualdez.
Saan kayâ ang katarungan sa pag-zero budget nila ng Philhealth lalo na’t isang malaking negosyo na talaga ang health services sa bansa. Kung magkasakit ka at wala kang pera, hintayin mo na lang na mamatay ka. Hindi ka naman kasi tatanggapin sa mga private hospital kung wala kang ni pang-down payment. Kahit hospital pa ‘yan ng mga madre o hospital na nakapangalan sa santo, kung wala kang pera, hindi ka nila gagamutin. Kung pupunta ka naman sa mga public hospital, may mga overworked ng na doktor na titingin sa ‘yo pagkatapos kapag niresetahan ka na, wala ka namang pambili. Lalo na’t malaking negosyo rin ang pharmacy sa ating bansa. Mabuti ang mga politiko, dahil marami silang ninakaw, kapag magasakita sila hindi nila pinuproblema ang pambayad sa ospital. Ang iba nga sa kanila, pumupunta pa talaga abroad para magpagamot.
Puro naman motherhood statement at pambobola ang mensahe ni Presidente Bong Bong Marcos noong Rizal Day. Aniya, “I call on my fellow Filipinos to look back in pride and embody all the things he [Rizal] cherished—love of country, dedication to the truth, and commitment to the betterment of our people.” Nakakahiya ang Filipinas sa ngayon. Kulelat tayo sa maraming bagay tulad ng edukasyon subalit nangunguna naman tayo sa mga nakakahiyang bagay tulad ng pagkakaroon ng worst airport at pagiging korap. So ano ang ilo-look back in pride natin? Ano naman ang nakaka-proud na anak ng isang presidenteng diktador ang presidente natin ngayon?
Anong “dedication to the truth” ang pinagsasabi niya na pamilya niya ang nangunguna sa pagrebisa ng kasaysayan upang maging mabango at malinis ang kanilang pangalan? Yung tungkol naman sa “betterment of the people,” baka ang ibig niyang sabihin betterment ng mga trapo tulad niya at betterment ng mga political dynasties tulad nilang mga Marcos. Nasaan ang kabutihan para sa nakararami sa pagpirma niya ng 2025 Annual Budget?
Kung buháy si Rizal ngayon, mahaha-high blood ‘yun sa mga pinagsasabi ng mga politiko gamit ang kaniyang pangalan. Kunsabagay, ang mga trapo sanay talagang magsabi ng mga bagay na hindi naman nilang naiintindihan. O sadyang mahilig ilang gumamit ng mga mapanlinlang na mga salita. Sanay naman talaga silang magsinungaling. Sanay na sanay silang mangako ng mga bagay na wala naman silang planong tuparin. Ang ipinangakong PhP20 per kilo na bigas ni BBM noong eleksiyon ay mukhang napako na talaga nang bongga. Kinikilabutan din ako kapag sinasabi ni Sara na, “Mahalin natin ang Pilipinas.” Iba ang sinasabi nila, iba ang ginagawa.
Gustong-gusto ko ang meme na kumalat sa Facebook bago mag-New Year na nagsasabing: “Kahit bilhim mo pa lahat ng bilog na prutas, kung ang bibilogan mo naman sa May 2025 ay mandurugas, araw-araw kang malas!” Totoong-totoo. In fairness kahit mali ang gamit ng mga period sa orihinal na post, perfect naman ang tugmaan ng bawat thought unit.
Mga mandurugas ang ibinoto natin noong Mayo 2022. Kayâ heto, hanggang ngayon minamalas ang mahal nating Filipinas.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong 2024.