Ang Online Aklatang Balmaseda ay dinamikong tugon ng serbisyong aklatan ng KWF sa panahon ng pandemya (KWF Library Response to COVID-19) upang makaagapay (adaptive response) sa mga pagbabagong dulot ng bagong normal.
Kinakailangan lámang sumagot ng form na matatagpuan sa https://library.kwf.gov.ph. Kapag nabigyan na ng mga credential, maaari nang maakses ang mga nakapaskil na PDF file ng mga aklat ng KWF.
Ilan sa mga mababásang e-book ay may kinalaman sa mga pag-aaral sa wika at kultura kasama ang mga bokabularyo, glosaryo, gramatika, at iba pa.
Sa hinaharap, inaasahan na madadagdagan pa ang mga e-book at e-journal na mababása nang onlayn. Maidagdag din sa koleksiyong ito ang mga luma at iniingatang aklat ng KWF.
Ipinangalan ang aklatan ng KWF kay Julian Cruz Balmaseda (1885–1947), isang iginagalang na manunulat at iskolar sa wikang pambansa. Mula 1938 –1947, naglingkod siya bilang direktor ng Surian ng Wikang Pambansa na KWF ngayon.
Ang paglulunsad ng Online Aklatang Balmaseda ng Wikang Filipino ay pangungunahan ng Sangay ng Literatura at Araling Kultural (SLAK) sa pangangasiwa ni Dr. Sheilee B. Vega. Ang paglulunsad ay mapapanood nang live sa opisyal FB page ng Radio Television Malacañang (RTVM) at Komisyon sa Wikang Filipino.