Ni Michael Thomas Nelmida
Sa ilang buwan kong paglalagi Thailand at Indonesia, hindi ko maiwasang mamangha kung paano nila ginagamit ang sariling wika sa pamantasan bilang lundayan ng diskurso at usapang intelektuwal. Maging sa payak na pagsakay ng pampublikong transportasiyon, simpleng pagbili ng pagkain, o mga palatandaan sa daan. Laging matingkad ang pagtatampok sa kanilang kultura at wika mula sa komunikasiyon o intelektuwal na pagsulong.
Hindi ko naiiwasang magkumpara hinggil sa similaridad, at ilang pagkukulang sa aking bayang pinagmulan. Sa kabila ng mayaman na wika at kultura, unti-unting binubura ng neokolonisasiyon at rumaragasang globalisasiyon ang sarili kong wika at kultura. Sa ilalim ng panukalang batas bilang 2457 ni Senador Win Gatchalian, ganap nang ibinabasura ang unang wika bilang moda ng pagkatuto sa primarya at unang tatlong taon ng elementarya. At ganap na panunumbalik sa bilingguwal na polisiya sa sistema ng edukasiyon. Nakahain na sa tanggapan ni Pangulong Marcos Jr. upang lagdaan na magbubunsod sa pagtatanggal at pagpapawalang bisa sa multilingguwal na polisiya.
Ayon kay Bonifacio P. Sibayan, noong 1992 sa Kongresong Pangguro sa Baguio, ang bilingguwal na polisiya ang isa sa mga dahilan ng mababang kalidad ng edukasyon sa bansa. Bagaman may mga nagsusulong ng kabuoang Ingles na kurikulum bilang solusyon, pinaalala ni Sibayan ang mga natuklasan ng Swanson Survey Committee noong 1960 na hindi ito sapat na tugon sa mga suliranin ng edukasyon. Malinaw na ang pagbabalik sa isang binaryong polisiya ay hindi solusiyon sa malubhang krisis pang-edukasyon na nararanasan sa kasalukuyan.
Sa liham mula sa UNESCO Multisectoral Regional Office, tinitingala ang patakarang pangwika ng Pilipinas sa buong Asya bilang isang modelong nakasusog sa dekadang pag-aaral at inisiyatiba. Sa napipinto nitong pagkalusaw, nagbabadya ang demokratikong regresiyon sa polisiyang pangwika, sa kabila ng geyopolitikal na tensiyon na nagtatakda sa tunguhin at direksiyon ng bansa na nakakawing sa ekonomiya at ilalim ng Amerika.
Ang epekto ng neokolonyalismo, na inilalarawan ni Ann Laura Stoler bilang “imperial debris,” ay nananatili sa mga istruktura at institusyon ng ating lipunan, at patuloy na humuhubog sa ating kasalukuyang pagkakakilanlan. Hindi maitatanggi na ang mababang pagtingin sa Filipino at mga katutubong wika ay isa sa mga labi ng kolonyalismo na nananatili sa ating kamalayan.
Sa ilalim ng naturang batas, ilang milyong mag-aaral ang mananakawan ng pagkakataong masilayan at matuto sa kanilang wika at kulturang kinagisnan. Maraming pandaigdigang obligasyon at umiiral na batas, kabilang na ang proteksyon para sa Filipino Sign Language, ang nasasagasaan ng pagbabagong ito. Sa ulat ng UNESCO, higit 1,500 wika ang pinangangambahang maglaho sa pagtatapos ng siglo. Inilunsad ang Pandaigdigang Dekada para sa Katutubong Wika (2022-2032) upang pangalagaan ang mga umiiral na wikang ito, ngunit ang mga inisyatiba at programang naipatupad sa ilalim ng multilingguwal na polisiya ay nanganganib na maetsapuwera at mawalan ng halaga.
Minsan kong pinangarap na maging abogado upang bumuo ng isang pambansang balangkas sa pagsasalin ng batas—isang hakbang upang lubos na magagap at maunawaan ng sambayanan ang kanilang mga karapatan sa kabila ng antas at katayuan sa buhay bilang pag-igpaw ng intelektuwalisasiyon ng Filipino sa larang ng batas.
Sa ngayon, higit kong naunawaan na bago maging intelektuwalisado ang wika, kailangan munang intelektuwalisado ang taal na gumagamit nito. Tumatalima ang transformatibong pagbabago ng isang lipunan mula sa inklusibidad na walang napag-iiwanan na nagtataguyod ng makatao, makatarungan at mapagpalayang pag-unlad.
(Kasalukuyang lektyurer sa UP-Mindanaw si Michael Thomas Nelmida na nagtatapos ng kaniyang Masterado sa Mahidol University at Gadjah Mada University, aktibo siya sa mga adbokasiyang pangwika na nagsusulong sa dekolonisasiyon at Intelektuwalisasiyon ng Filipino.)