‘WIKA NG KASAYSAYAN, KASAYSAYAN NG WIKA’

Ang mga Katutubong Wika sa Maka-Filipinong Bayanihan Kontra Pandemya

Hinggil sa Pagdiriwang

Nakasentro ang tema ng Buwan ng Wika 2020 sa halaga ng Filipino at mga katutubong wika sa bansa bílang mabisang sandata sa pakikidigma laban sa pandemya. Layunin nitóng himukin ang BAYANIHAN ng sambayanan upang masugpo ang patuloy na paglaganap ng COVID-19 sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga impormasyon o pabatid-publiko na nása Filipino at mga katutubong wika. Pagbabantayog itó sa kahalagahan ng mandato ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na itaguyod ang pagpapalaganap ng Filipino at mga katutubong wika sa bansa bílang pinakamabisang midyum sa pagkakaroon ng kolektibong pag-uunawaan ng sambayanan.

 

Ano ang kaugnayan ng wika sa BAYANIHAN?

Ang pagresolba sa pandemyang dinaranas ng buóng mundo ay hindi lámang nakasalalay sa pagdiskubre ng “bakuna”—malaking papel ang ginagampanan ng kamalayan o awareness ng bawat tao ukol sa virus na sa tamang impormasyon ay magkakaroon ng kolektibong hakbang pára sa prebensiyon ng nakamamatay na sakít. Wika ang tuláy sa paghahatid ng kamalayan sa sangkatauhan upang ang COVID-19 ay mapigilan. Tinitingnan dito ang Filipino at mga katutubong wika sa bansa bílang tagapamansag ng kolektibong paghahanap ng pag-asa sa gitna ng krisis o matinding pangangailangan. Hindi nga ba’t sa pagpapaunawa sa mga Filipino, sa anumang antas ng búhay, hinggil sa kinakaharap na sitwasyon, kadalasang napag-iiwanan ang mga nása laylayan ng lipunan lalo’t banyaga ang wikang ginagamit sa pagpapaliwanag?

Ngayong taón ay humarap at kasalukuyang humaharap sa maraming pagsubok ang ating bansa tulad ng pagputok ng Bulkáng Taál at pagkakaroon ng maraming káso ng COVID-19. Sa araw-araw na humaharap ang mga Filipino sa pagsubok na itó, humaharap din ang (mga) wika sa mabigat na isyung hatid ng pandemyang itó. Dahil dito, naging mahalaga ang pagpapása at paghahatid ng mga impormasyon sa mamamayán. Nagbigay-daan itó upang makita ang pangangailangang maibantayog ang bawat wika bílang pagtugon sa ibá’t ibáng kalamidad at pandemya. Ang pagsandig sa wikang sinasalita ng isang pamayanan ay higit na epektibo hindi lámang sa paghahatid ng impormasyon sa bawat mamamayán nitó kundi sa pag-aalis ng tákot o stigma dahil nagagawang pag-usapan ang pandemya sa mga wikang komportable ang mamamayán.

 

Bakit kailangan ang Maka-Filipinong BAYANIHAN?

Ang BAYANIHAN ay tatak Filipino na malawakang nauunawaan at nagpapatatag sa mga lokal na komunidad sa buóng bansa. Pagbabantayog itó sa kahalagahan ng paggamit ng Filipino at katutubong wika sa pagpapalaganap ng impormasyon sa panahon ng pag-iral ng kuwarentena o quarantine upang bigyang-daan ang pagsibol ng BAYANIHAN. Maging sa Cebu o buong Kabisayaan hanggang Mindanao ay malaganap na ginagamit ang BAYANIHAN sa mga kampanya kontra COVID-19. Pagpupugay din itó sa mga frontliners na itinuturing nating BAYANI sa panahon ng pandemya.

Binibigyang-pansin ng BAYANIHAN ang idea ng pagbibigay ng impormasyon na naaayon sa wika ng pamayanan. Patunay dito ang isinagawang malawakang pagsasalin sa mga katutubong wika sa bansa bílang paunang inisyatiba ng Kagawaran ng Kalusugan kaugnay ng mga bagay na mahalagang mabatid ng publiko ukol sa COVID-19. Itó rin ang itinatagubilin ng Senate Bill No. 1539 (Language Accessibility of Public Information on Disasters Act) na isinusulong ni Sen. Manuel “Lito” M. Lapid upang higit na mapalakas ang mga pagsisikap na pahalagahan ang Filipino at mga katutubong wika ng pamayanan dahil madali at mabilis nitóng naitatawid ang mensahe ng pamahalaan tungo sa komunidad.

Ang BAYANÍHAN ay para sa lahat, itó ang pagkakaisang lubhang kailangan upang mapagtagumpayan ang pandemya sa pamamagitan ng pagdadamayan.

 

Ang Poster ng BWP 2020

-Ang bangka na sumasagisag sa sambayanang Filipino at ang mga lulan nitó ay kumakatawan sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

-Ang pagsagwan na sumasagisag sa BAYANIHAN sapagkat hindi itó gawaing mag-isa kundi sáma-sáma.

-Ang mga alon ay pagsubok (pandemya) na iláng ulit kinaharap ng bansa sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan nitó bágo ang COVID-19 gaya ng (kolera (panahon ni Rizal), tuberculosis (pre at post WWII), Spanish flu, SARS (2003), Meningococcimia (2005), Ebola (2009), AH1N1 (2009), MERS (2015), at nitó lámang nakaraang taón ay muling nagbalik ang tákot sa tigdas at polyo na matagal nang nawala.

-Ang sagwán ay simbolo ng mga katutubong wika na siyang pangunahing kasangkapan sa pagtutulungan ng mga nakasakay sa bangka upang makarating sa paroroonan nang mabilis, matiwasay, at ligtas.

 

Dahil ang BAYANIHAN ay panawagan túngo sa pagbibigkis at pagkakaisa…

Tulad ng iba pang virus na nagdudulot ng nakamamatay na sakít, ang pag-unawa ng publiko upang makaiwas dito ay isa nang mainam na paunang gamot. Ang gamot ay nása wikang nauunawaan. Anumang anunsiyo sa anyo ng infographic na naglalaman ng mga tagubiling pangkalusugan gaya ng regular na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask, pag-iwas sa matatáong lugar, pagkakaroon ng social distancing, at mga tanong at sagot ukol sa COVID-19 ay mawawalang saysay kung hindi itó ganap na nauunawaan ng publiko. Anupa’t napapanahon ang pagtangkilik sa Wikang Pambansa at mga wikang katutubo bílang mga wikang tumatagos sa sentido kumon at sensibilidad ng taumbayan. Malimit nating matunghayan ang mga pagsisikap at inisyatiba ng pamahalaan na gamitin ang wikang Filipino sa bawat pagharap ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte at mga opisyal ng pamahalaan upang iulat sa bayan ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa sa gitna ng pandemya.

Kung ang isyu ay pagbibigay-proteksiyon sa sarili at sa kapuwa mula sa mikrobyo, tirahan ng mikrobyo, sa nilalabasan ng mikrobyo, paraan ng paglipat ng mikrobyo, sa pinapasukan ng mikrobyo, at sa táong maaaring mahawahan ng COVID-19 tulad ng ibig mangyari ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at iba pang organisasyong pribado at publiko, walang dudang epektibo itóng magagawa sa Filipino at mga lokal na wika. Gayundin sa aspekto ng pagbibigay-linaw sa mga patakaran ng pamahalaan gaya ng ECQ, GCQ, MGCQ, atbp. Mas madaling mapapawi ang tákot at pangamba ng publiko kung walang sagabal sa paghahatid ng mensahe.

Napatunayan ng buong mundo na walang mayaman at mahirap sa panahon ng pandemya. Lahat táyo ay pantay ang oportunidad na mahawa at mailigtas ang sarili sa mapaminsalang COVID-19. Gayunman, mas may laban táyo kung pantay-pantay ang akses ng sambayanan sa impormasyon. At kung hindi táyo pagwawatak-watakin ng wika dahil sa usapin ng prestihiyo o katayuang panlipunan, mapagtatagumpayan natin ang mapaminsalang COVID-19.

Bakit FILIPINO ang gamit ng KWF para tukuyin ang wika, mamamayan, at kultura ng bansa?

Ito ay dahil sa Kapasiyahan 2015-08 ng Kalupunan ng Komisyoner ng KWF na nagpapatibay sa paggamit ng “Filipino” sa halip na “Pilipino” para tumukoy sa Mamamayan at Kultura ng bansa.

Sa bisa ng 1987 Konstitusyon, ganito ang isinusulong ng KWF na itawag sa tao at kultura. Hindi kinakatawan ng F sa Filipino ang katawagang Ingles kundi kinakatawan nitó ang iba’t ibang katutubong kulturang Filipino. Iniiiwas nitó ang walang-saysay na tuntunin hinggil sa kaibahan ng tawag sa wika, sa tao, at sa kultura.

Higit kaysa pagiging wika sa pang-araw-araw na usapan, wikang panturo, at wikang opisyal ng pamahalaan, kailangang maging bahagi ang Wikang Pambansa ng katauhang Filipino sa paraang ginagamit itóng kasangkapan sa lahat ng pangangailangan ng lipunang Filipino.

(Virgilio S. Almario, “Pagpaplanong Wika at Filipino,” Komisyon sa Wikang Filipino (2015), p.116.)