By John Leo Algo
Naimulat ba ng COVID-19 ang ating mga mata para sa tunay na pagbabago sa pamamaraan ng pamamahala sa Pilipinas?
Base sa nakalipas na mga buwan, ang sagot ay hindi.
Nakadidismaya na sa kalagitnaan ng pandemya na nagpapalala ng kahirapan sa bansa, nakatuon ang atensyon ng marami sa mga media sa mga tradisyunal na pulitiko o “trapo”, na ngayon pa lang ay nangangampanya na at pinapabango ang kanilang pangalan. Nag-aaway na ang mga matagal nang magkaalyado na parang mga batang nagbabangayan para sa papuri ng kanilang abusadong ama.
Dahil sa isang desisyon ng Korte Suprema noong 2018, wala nang maituturing na premature election campaigning. Malaya na ang mga trapo na dungisan ang ating telebisyon, computer, at cellphone gamit ang kanilang mga patalastas ilang buwan bago ang opisyal na panahon ng pangangampanya. Ilang beses na nating nakikita ang mga naturang infomercial na may nakaiiritang kanta, pag-angkin ng mga proyektong hindi sila ang nag-umpisa o nagpatupad, o pagyayabang na sila lang ang may kakayahang solusyunan ang mga problema ng bansa. Marami sa kanila ay may pamilyar na apelyido.
Kahit ang mga kakandidatong nagpepresentang outsider sa kasalukuyang namumunong partido (kahit na sila mismo ay maituturing na trapo) ay nagpapalabas na rin ng mga infomercial na sa totoo lang ay maagang pangangampanya.
Ang mas malala pa ay hindi naman kailangan ng mga network ng telebisyon at social media ang perang ibinabayad sa kanila upang ipalabas ang mga political advertisement, lalo na sa dami ng patalastas ng mga kumpanyang e-commerce na naglitaw mula sa simula ng pandemya. Nararapat na kuwestiyunin kung talagang nais panindigan ng mga naturang network ang mataas na pamantayan sa pamamahayag o ang kanilang papel sa walang-kinikilingang pag-impluwensya ng pambansa o lokal na diskurso, kumpara sa pagnanais nilang pataasin ang kanilang kita.
Ganito rin ang sitwasyon sa maraming lalawigan at munisipyo. Kasimbilis ng pagkalat ng COVID-19 sa Pilipinas ang paglitaw ng mga tarpaulin at poster ng mga namumuro sa pagtakbo sa 2022. Natatandaan niyo pa ba nang lumitaw ang mga tarpaulin na humihikayat na tumakbo si Sara Duterte sa pagka-Pangulo sa mga unang buwan ng pandemya?
Ngunit hindi tulad ng COVID-19, wala nang mekanismo upang pigilan ang maagang pangangampanya dahil sa desisyon ng Korte Suprema at Section 13 ng RA 9389, na nagsasabing maituturing lamang ang sinuman bilang kandidato pagkatapos magpasa ng kaniyang certificate of candidacy.
Hindi dahil hindi iligal ang isang bagay ay nangangahulugang ito ay tama. Hindi ito nagsasabing dapat nating kalimutan ang batas; alam nating talamak ang paglabag ng maraming opisyal ng pamahalaan. Sa kasamaang palad, ito ay nagsisilbing masalimuot na paalala kung paano sinasamantala ng ating mga lider ang tatlong sangay ng gobyerno. Halata namang pag-abuso ng kalayaan sa pagpapahayag ang mga political ad, kung saan kayang sabihin ng mga trapo ang anumang nais nila basta’t hindi nila sasabihin ang mga katagang “iboto niyo ako bilang [ilagay ang posisyon dito]”.
Harapin nating ang katotohanang mababa ang pamantayan ng maraming botante pagdating sa pagpili ng kandidato. Lalong pinalala ni Duterte ang ganitong kultura; nasa punto na tayo kung saan maituturing na good governance ang kasalukuyang gobyernong responsable sa palpak na pagtugon sa pandemya at paghina ng ekonomiya.
Kung paniniwalaan ang mga survey, maituturing na magandang pamamalakad ang gobyernong hindi tumutugon sa pangangailangan ng mga frontliner pero may planong magtayo ng memorial para sa mga nasawing frontliner, at kulang ang nakalaang budget para sa mga ahensyang direktang rumeresponde sa pandemya/ Malinaw na may hindi tama sa ganitong larawan. So sobrang baba ng ating standards, maiinggit ang Marianas Trench.
Paano natin maipapaliwanag na sa ating Senado ay may nakaupong anak ng napatunayang magnanakaw na diktador, isang dakilang alalay, dating pulis na kulang sa karanasan, at isang boksingerong talagang walang mahalagang nagawa sa kaniyang mga termino sa Kongreso?
Kung titignan ang mga survey sa nakalipas na mga halalan, ang mga nangunguna ilang buwan bago ang eleksyon ay hindi nanalo sa pagiging Pangulo o Pangalawang Pangulo. Madalas na numero uno si Manny Villar noong 2009, at nagtapos siya sa pangatlong puwesto nang siya ay tumakbo. Panay ang pangunguna nina Grace Poe at Jejomar Binay sa kanilang kampanya, pero wala sa kanila ang naging runner-up sa halalan noong 2016.
Nagbabago man ang ating kalagayan sa pagitan ng mga eleksyon, sadyang iba ang ating kasalukuyang kalagayan. Nagkalat ang fake news at maling impormasyon sa maraming uri ng media, sa kabila ng hinaing ng publiko. Base sa mga ulat, maaaring hindi agad matatapos ang pandemya at ang epekto nito sa ating pamumuhay.
Ang hindi nagbabago ay ang mensahe para sa edukasyon ng mga botante. Dala ng hindi-magandang kalagayan ng ating bansa, dapat ipaalala sa mga botante na walang mabilisang solusyon sa ating hinaharap na mga problema, kahit sino man ang iboto nila o anuman ang sabihin ng mga kandidato. Sa halip, ang eleksyon sa 2022 ay ang pagkakataon upang talagang simulan ang pagpapalakas ng ating humihinang demokrasya, na kayang labanan ang katiwalian, paglabag sa batas, at kaguluhan.
Hindi dapat iboto ang mga kandidatong maagang nangangampanya dahil hindi ito tugma sa nararapat na katangian ng isang naglilingkod-bayan. Hindi dapat iboto ang mga kandidatong walang malinaw na plataporma at magandang track record dahil pamilyar ang kanilang apelyido, sikat sila sa telebisyon, o nakita niyo silang nagkawang-gawa ng isang beses.
Dapat nating ipaalam sa mga botante na hindi limitado ang kanilang partisipasyon pampulitikal sa pagboto bawat tatlo o anim na taon. Dapat makita ng mga marginalized na mga komunidad na kaya nilang magtulung-tulong na ipaglaban ang kanilang karapatan at interes. Dapat nating ipakita na mas magandang itulak ang pamahalaan na magpatupad ng mga tunay na reporma kaysa sa pagtanggap ng masalimuot na kasalukuyan o pagiging bulag na tagasunod sa kung sino ang nasa kapangyarihan.
Sadya bang mas gusto ng mga Pilipino na manood ng teleserye habang naghihintay ng biyaya? Dahil kung hindi ang pandemya ang tuluyang gigising sa mga mamamayan sa kapalpakan ng kasalukuyang estilo ng pamamahala ng mga trapo, at magtutulak sa atin patungo sa tunay na pagbabagong ating kailangan, ano pa kaya? Mayroon pa tayong hinaharap na krisis sa klima, pero hihintayin pa ba nating lumala iyon?
Si John Leo ay isang climate at environment advocate at pangmamamayang mamahayag. Kumakatawan siya sa lipunang sibil ng Pilipinas sa pandaigdigan at panrehiyong pagpupulong sa ilalim ng UN mula noong 2017.