Self-care is not selfish’

By Jaime Babiera

Kamakailan sa aming monthly meeting ay nag-present ng kanyang report ang isa kong officemate. Ang napili niyang paksa ay tungkol sa self-care. Binigyang-linaw niya sa kanyang ulat kung ano nga ba ang self-care at kung ano ang kahalagahan nito. Nagbanggit din siya ng ilang simpleng paraan na maituturing na self-care gaya ng pagtulog nang walo o higit pang oras, pagbili ng masasarap na pagkain o inumin, pag-add to cart sa mga online shopping sites, pagsulat ng personal entries sa journal, at marami pang iba. Sa isang bahagi ng kanyang presentation, tinuran niya na “self-care is not selfish.” Tumatak ang ideyang ito sa aking isipan sapagkat aminado ako na ang self-care ay isang aspetong hindi ko gaanong napagtutuunan ng karampatang pansin simula noong nag-aral ako sa kolehiyo hanggang sa nagsimula akong magtrabaho.

Kaugnay nito, nais kong talakayin at ibahagi sa inyo ang ilan sa mga naiisip kong dahilan kung bakit kagaya ko ay hindi prayoridad ng marami sa atin ang self-care.

Una ay responsibilidad. Karamihan sa atin ay may mga tinutustusan na pangangailangan. Mayroong nagbabayad ng samot-saring bills, bumibili ng maintenance na gamot, nagpapa-aral ng anak, at iba pa. Madalas ay isinusugal natin ang sarili nating kapakanan at isinasantabi ang ating mga personal na kagustuhan upang mabigyan ng sapat na atensyon ang ating mga obligasyon.

Pangalawa ay pressure. Sa tingin ko ay pangkaraniwan na sa isang working individual ang makaramdam ng iba’t ibang uri ng pressure gaya ng pressure dala ng mabigat na gawain sa trabaho, unfair judgements mula sa ibang tao, extreme demands ng mga kliyente, sunod-sunod na deadlines, at marami pang iba. Kaya ito ang isa sa mga nakikita kong dahilan kung bakit ang marami sa atin ay subsob sa trabaho at madalas ay isinasakripisyo pa ang pagkakataon na paminsan-minsan ay makapagpahinga.

Panghuli ay paniniwala. Naaalaala ninyo pa ba ang bukambibig ng ating mga magulang noong tayo ay bata pa? “Mahirap maghanap ng disente at maayos na trabaho. Paglaki mo ay mahalin mo ang iyong trabaho.” Namulat marahil ang ating murang isipan sa paniniwalang ito kaya madalas ay trabaho ang palaging una sa listahan ng karamihan. Hindi naman ito masama. Sa katunayan ay marami ngang maiaambag sa pagyabong ng ating career ang pagsusumikap at pagpapahalaga sa ating trabaho. Ngunit sa aking palagay ay isa ito sa mga rason kung bakit may mga pagkakataon na hirap na hirap tayong iwanan ang trabaho para sa mga personal na kadahilanan. Iniisip agad natin na walang kabuluhan ang isang bagay kung wala itong magandang maidudulot sa ating trabaho.

Panigurado, marami pang ibang dahilan kung bakit madalas ay pumapangalawa lamang ang ating sarili sa ating trabaho. Huwag kayong mag-alaala. Nauunawaan ko ito nang lubusan. Batid ko na ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang kinagisnang mga karanasan, tungkulin, at paniniwala sa buhay kaya’t hindi na kataka-taka kung bakit gayon na lamang natin pahalagahan ang ating mga trabaho. Ngunit hayaan ninyong gamitin ko ang pagkakataon na ito upang ipaalaala muli sa inyong lahat ang tinuran ng aking officemate: “Self-care is not selfish. Self-care is self-love.” Nawa ay ito ang palagi nating itanim sa ating mga isipan, lalo sa mga panahong nag-aalinlangan tayong piliin ang ating sarili.

Para sa akin ay hindi maituturing na pagmamalabis ang pangalagaan ang ating pisikal, mental, emosyonal, at ispiritwal na kalusugan. Karapatan natin ito bilang tao at mamamayan ng isang demokratikong bansa. Kaya kung sa tingin natin ay mayroong magandang dulot sa ating overall well-being ang pagbili ng masasarap na pagkain tuwing sweldo; pag-check out ng ilang items sa online shopping sites; pagtanggi sa ilang mabibigat na gawain sa ating workplace; minsanang pag-file ng leave upang makapagpahinga at makapag-bonding kasama ang mga mahal sa buhay; matulog nang sapat na oras; mag-social media detox paminsan-minsan; mag-disconnect sa mga messaging platforms tuwing walang pasok; at marami pang iba, sa tingin ko ay hindi natin ito dapat ipagkait sa ating mga sarili.

Email: jaime.babiera@yahoo.com