By Jaime Babiera
Noong 2020 ay nagpasya akong lumapit at kumunsulta sa isang dermatologist sapagkat nararamdaman ko na tila ay hindi na normal ang pangangati at pamumula ng aking mukha. Na-diagnose ako ng isang kondisyon sa balat na tinatawag na seborrheic dermatitis. Ayon sa aking doktor, isang uri ito ng eczema kung saan ang apektadong balat gaya ng anit, kilay, dalawang gilid ng ilong, at likod ng mga tenga ay abnormal na namumula, nangangati, at nangangaliskis. Niresetahan niya ako ng ilang gamot at moisturizer upang kaagad ay humupa ang nararamdaman kong sintomas. Gayundin ay pinayuhan niya ako na piliin ko raw nang mabuti ang aking kinakain at iwasang magbabad sa matinding sikat ng araw. Aniya, ang katulad ko raw na may ganitong skin condition ay sensitibo hindi lamang sa malalansang pagkain at polluted na hangin kundi pati at lalo’t higit sa pabago-bagong temperatura.
Tumagal ng ilang linggo ang aking treatment. Ilang beses akong nagpabalik-balik sa clinic para sa routine checkup. Ngunit ilang araw bago ang huli kong scheduled na checkup ay kinausap ako ng aking butihing ama. Tinanong niya ako kung maaari raw ay kanselahin ko na lamang ang aking appointment dahil wala na raw pamumula sa aking mukha at sa palagay niya ay nanumbalik na ang malusog nitong itsura. Ang kanyang rason ay mahal daw ang doctor’s fee at nakapanghihinayang daw magbayad nito kung magaling na daw ako at wala na akong isasangguni pa. Nauunawaan ko ang puntong nais tumbukin ng aking ama. Batid ko na noong mga panahong iyon ay limitado lamang ang aming budget, kaya hangga’t maaari ay kailangan naming magtipid. Gayunpaman, nagpasya pa rin akong magpa-check up upang makasiguro. Tama naman ang hinuha ng aking ama. Kinumpirma ni doktora na tuluyan nang humupa ang flare-up ng aking seborrheic dermatitis at ipinatigil na niya ang pag-inom at pagpapahid ko ng mga gamot.
Pinili kong magpagamot sa pribadong clinic dahil may trabaho akong hinahabol at wala akong ekstrang oras para pumila nang matagal sa pampublikong pagamutan. Kapalit ng convenience ay pinaglaanan ko ito ng sapat na halaga kahit medyo masakit sa aking bulsa. Aaminin ko na kagaya ng aking ama at ng marami pa nating kababayan, may mga pagkakataon din na tila ay namamahalan at nanghihinayang ako sa ibinabayad kong professional fee sa doktor lalo sa tuwing ang consultation session namin ay tumatagal lamang nang hindi hihigit sa tatlumpung minuto. Para sa isang ordinaryong mamamayan na walang labis-labis na salapi, sa tingin ko ang makaramdam ng panghihinayang sa malaking halaga na ating ginagastos ay normal lamang na reaksyon lalo kung alam natin na mayroon naman tayong mas praktikal na opsyon. Gayunpaman, nauunawaan ko ang ating mga magigiting na doktor. Alam nating lahat na hindi biro ang kanilang pinagdaanan upang makatapos sa med school at makakuha ng lisensya. Katakot-takot na halaga ng salapi at hindi mabilang na oras ang kanilang ipinuhanan upang maging isang ganap na manggagamot. Kaya nauunawaan ko na bilang kanilang pasyente ay kailangan natin bigyan ng karampatang kompensasyon ang inihahandog nilang serbisyong pangkalusugan para sa atin. Ang kalayaan nilang magtakda ng kaukulang doctor’s fee nang naaayon sa kanilang pagkadalubhasa ay isang pribelihiyong pinaghirapan at pinagsumikapan nilang makamtan.
Halos walang pinagkaiba sa atin ang mga tinitingala nating mga doktor. Sila rin ay kailangan maghanapbuhay sapagkat kagaya natin ay mayroon din silang mga pangangailangan na kailangan tustusan. Masakit man sa ating bulsa, ngunit sana ay huwag tayong manghinayang sa ibinabayad nating doctor’s fee sa kanila lalo kung maganda naman ang naging resulta ng treatment. Isa pa ay sana matutunan natin na huwag tayo manghinayang gumastos kung ito ay para sa ating kalusugan. Ani nga ng tanyag na business coach na si Chinkee Tan: “Ang iyong kalusugan ay isa sa iyong pinakamahalagang kayamanan, kaya higit pa sa pera, ito ay lagi dapat pangalagaan.”
*****
Bago ko tapusin ang kolum na ito, nais kong ipaabot ang aking pagbati sa aking partner na si Justine at sa lahat ng mga mag-aaral ng medisina na nagsipagtapos ngayong taon. Mabuhay ang bagong henerasyon ng mga doktor sa ating bansa.
Email: jaime.babiera@yahoo.com