By John Iremil Teodoro
(Ang sanaysay na ito ay binasa bilang keynote address sa Alumni Homecoming ng 20th San Agustin Writers Workshop noong Nobyembre 16, 2023 sa Santa Monica Hotel ng University of San Agustin sa Lungsod Iloilo.)
***
“Tolle lege…Take up and read…Kunin mo at basahin…” Ito ang mga salitang kinakanta ng mga bata sa hardin ang narinig ni San Agustin, na siyempre hindi pa santo noon. Nasa loob siya ng kaniyang kuwarto at ang librong pinakamalapit sa kaniya ay ang Bibliya at agad niya itong dinampot at binasa. Ang pahinang nabuksan niya ay Liham ni San Paulo para sa taga-Roma (Romans 13:13-14) at ang sabi, “Let us walk properly as in the daytime, not in orgies and drunkenness, not in sexual immorality and sensuality, not in quarreling and jealousy. But put on the Lord Jesus Christ, and make no provision for the flesh, to gratify its desires (seedbed.com).” Naging turning point ito sa buhay ni San Agustin at nagsimula ang kaniyang conversion. Mula sa isang makasalanang nilalang tungo sa pagiging isang banal, hanggang sa naging Doktor ng Simbahan.
Hindi nakapagtataka na ang boses na narinig ni Agustin ay mula sa hardin. May malakas na ugnayan ang hardin at ang pamimilosopiya ayon kay David E. Cooper sa kaniyang librong A Philosophy of Gardens (Oxford University Press, 2006). Ang tema ng ika-dalawampung San Agustin Writers Workshop ngayon at pati itong selebrasyon natin ngayong gabi ay, “Twenty years of nurturing writing on blessed ground.” Ang hardin ay isang banal na espasyo.
Iniisip ninyo siguro, at naisip ko rin ito, masyado namang strict at Victorian itong Romans 13:13-14. Bawal daw orgies at paglalasing pero naisip ko, puwedeng-puwede ang mga writing orgies at paglalasing sa pagbasa ng magagandang libro. Bawal din ang mga sexual immorality (aray!) at sensuality pero sa tingin ko maaaring kilalanin ng manunulat ang sariling katawan sapagkat paulit-ulit ang mga panelist sa pagsabi sa mga workshop ng “our writing should appeal to the five senses.” Bawal ang palaaway at inggitera pero alam natin na ito ang kadalasang kalakaran ng writing community sa Filipinas dahil limited ang resources at halos walang suporta mula sa gobyerno ang malikhaing pagsulat.
Pero gusto ko ang sinasabi ng huling pangungusap: ang unahin si Hesus kaysa mga pangangailangan ng ating laman, na sa pagitan ng ating katawang lupa at kaluluwa, ang kapakanan palagi ng ating kaluluwa ang uunahin dahil ang katawang lupa natin ay mamamatay at mabubulok at ang kaluluwa naman natin ay mabubuhay nang walang hanggan. Madaling sabihin ito subalit mahirap gawin kasi ang anumang sarap at ligaya na aabot sa ating kaluluwa ay dadaan muna sa ating mga pandama. Paano ka masasarapan sa isang tula kung hindi mo ito nababasa o naririnig? Paano magbibigay ng ligaya sa ‘yo ang isang peynting kung hindi mo ito nakikita? Paano masisiyahan ang kaluluwa mo sa mga masarap na pagkain sa Lungsod Iloilo kung hindi mo ito malalasahan?
Kayâ siguro mahalaga ang meditasyon sa lahat ng relihiyon. Kailangang makontrol natin ang ating isipan na siyang may kontrol sa ating katawan. Mind over matter. At bilang manunulat, maaaring ang pagsulat ang paraan natin ng meditasyon. Para sa akin, halos walang pagkakaiba ang panalangin, ang meditasyon, ang pagsulat. Kung Kristiyano tayo, ang tatlong gawaing ito ay pakikipag-usap sa Diyos. At kung trinitarian pa tayo, tatlong persona ng Diyos ang kausap natin: ang Diyos Ama na tapaglikha, ang Diyos Anak na tagapagligtas, at ang Diyos Espiritu na tuburan ng karunungan. Kayâ mahalaga na unahin natin lagi si Hesus, ang Diyos, upang mananatili tayo sa panig ng katotohanan, ng kabutihan, ng kagandahan. Kayâ gusto ko ang huling bahagi ng Lasallian prayer: Mananatili si Hesus sa aming puso, magpakaylanman.
Paano bang maging mabuting manunulat? Paano bang maging mabuting tao? Nitong tatlong nakaraang araw sa workshop, paulit-ulit na binabanggit naming mga panelist na ang layunin talaga ng literatura—ang pagsulat at pagbasa nito—ay gawin tayong mas tao. To make us more humane. Kayâ ang literature na kurso ay bahagi ng Humanities. Malalaman natin na naliligaw tayo ng landas, nawawala tayo sa blessed ground, bilang manunulat kapag masyado tayong nagiging makasarili, egoistic, at masama.
Nitong mga nakaraang taon, I’m flirting with the idea of Buddhism. Gusto kong maging Buddhist. Hindi kasi talaga relihiyon ito kundi isa itong way of life at hindi conflict sa pagiging Katoliko ko. Ang problema, hirap na hirap ako sa tatlong dapat gawin ng isang Buddhist sa araw-araw: Good Deeds, Good Words, Good Thoughts. Keribambuley ko ang gumawa ng kabutihan for the day. May konting problema ako sa ikalawa kasi masyado akong mataray, irreverent kung minsan, at hindi naniniwala sa censorship. Ngunit sa pangatlo ako hirap na hirap. Mapuwersa ko man ang sarili ko na gumawa ng mabuti sa kapuwa at kagatin ang dila kapag may sasabihing improper, ang isipan ko talaga ang tila imposible kong makontrol. Kunsabagay, halos ganito rin ang nararamdaman ko kapag dinadasal ko ang “Our Father.” Napapaigtad ako lagi kapag inuusal ko na ang bahaging, “Forgive us our trespasses as we forgive those who trespass against us.” Kung minsan napapamura pa ako sa aking isipan ng, “Leche! Ang hirap naman maging Kristiyano!” Ewan ko ba, hirap na hirap kasi ako magpatawad sa mga taong may atraso sa akin. Naiinggit ako sa mga taong kakilala ko na parang ang dali sa kanila ang magpatawad. Iniisip ko na lang, at least alam ko ang pagkukulang ko at tanggap ko ito. Baka sakaling first step ito para matutuhan kong maging forgiving.
Iniisip ko rin, baka ang pagiging mabuting tao at ang pagiging mabuting manunulat ay isang panghabangbuhay na proseso. Wala nga namang taong perpekto, although maraming manunulat na delusional na akala nila perpekto sila, na sila ang final arbiter kung ano ang tula at paano tumula sa mundong ito. Mga GGS, galing na galing sa sarili.
Siguro nagtataka kayo kung bakit parang nagsesermon ako ngayon. Huwag kayong mag-alala, mas sermon ko ito sa sarili ko at captive audience ko nga lang kayo. Heto ang ilang bagay na maipapayo ko para ating mga manunulat upang mananatiling mabuti. Base ito sa mga naoobserbahan ko sa ibang mga manunulat na hindi ko gusto ang ginagawa at ayaw kong maging.
- Huwag isipin na ang be all and end all ng pagsusulat ay ang manalo ng Palanca, ng National Book Award, o ng National Artist Award. Siyempre masarap manalo ng Palanca, ng NBA, at ng National Artist. Bukod sa 15 minutes of fame may kasamang kaunting pera ito. At kung nasa academe ka, malaking puntos ito para sa promotion. Pero hindi dahilan upang mag-plagiarize ka, mang-agaw ng idea ng mga kaibigan mong manunulat, sumali sa literary mafia, gumawa ng literary empire, magsipsip sa mga politiko, para lamang makamit ang mga award na ito.
- Iwasang mainggit sa mga kakilala ko kaibigan natin na mas maraming libro o mas maraming award kaysa atin. Huwag isipin na beauty contest ang pagsulat at kailangang ikaw palagi ang kokoronahan. Walang masama sa pagiging number one, sa pagiging reyna, basta wala kang natapakan na ibang tao. Isipin lagi na kaniya-kaniyang pacing tayo pagdating sa pagsulat. Hindi kailangang tingnan bilang kakumpetensiya ang ibang manunulat.
- Huwag na huwag ibenta ang talento sa mga kurap na politiko at mapang-abusong negosyo. Hindi maaaring feminist poet tayo pero susuportahan natin ang isang misogynist o homophobic na presidente. Hindi pupuwedeng environment journalist tayo o ecocritic pero magsusulat tayo para sa mga kompanya ng minahan.
Tandaan natin, walang kuwenta ang mga medalya, plake, at mga libro nating mga manunulat kung nakamit natin ang mga ito na may natatapakan tayong mga tao. Hindi kasi natin madadala ang mga ito kapag namatay tayo sa langit o sa impiyerno o sa purgatoryo man tayo mapupunta. Tayong mga manunulat ang mas nakakaalam nito dahil may kakayahan tayong magmunimuni upang intindihin ang mga bagay-bagay. Lalo na ang ideang ang pinakamahalagang layunin ng pagsulat ay ang gawin tayong mas tao at makatao.
Ngayong ipinagdiriwang natin ang ika-dalawampung taon ng San Agustin Writers Workshop, ito ang nais kong yakapin nating lahat. Na isipin lagi na ang pagsusulat ay gawin lang natin sa banal na lupa, sa banal na hardin, ng ating puso’t isipan upang hindi tayo maligaw ng landas bilang mga manunulat, bilang mga tao.
Mabuhay ang San Agustin Writers Workshop! Viva San Agustin!