Ni John Iremil Teodoro
ISANG linggo na ako sa Manila ngayon at ito na ang pinakamatagal kong pananatili rito simula nang mag-sabbatical leave noong Setyembre. Nang pumunta ako ng Bali noong Oktubre, a day before lang ako lumipad pa-Manila at pagbalik mula Indonesia, dalawang araw lang ako nanatili rito at umuwi na agad ng Antique. Miss na miss ko na talaga ang bahay namin sa Maybato. Lalo na ang nasimulan naming hardin ng partner kong si Jay sa likod ng bahay. Araw-araw, ina-update niya ako ng progress ng medyo malaking koi pond na ginagawa niya.
Sa totoo lang ayaw ko sanang lumuwas dito sa Manila. Kaso dadating ang kapatid kong si Mimi at ang maliit niyang anak na si Evert John mula Sweden. Kailangan ko silang sunduin dito sa Manila. Puwede naman akong lumuwas a day before ng arrival nila. Kayâ lang inagahan ko na nang ilang araw dahil gusto kong mag-attend ng HARVEST 2023, ang mega-book launching ng Ateneo de Manila University Press noong Nobyembre 28 na kasama ang libro kong KEMBANG KERTAS, koleksiyon ng mga tula ko sa Kinaray-a at Filipino tungkol sa Mindanao at mga paglalakbay ko sa Southeast Asia. May Christmas lunch din kami ng mga kaibigan kong manunulat na Lasallian sa bahay nina Ma’am Rose Marie Bautista sa Sta. Mesa Heights noong Disyembre 2. Isa itong tradisyon na ilang dekada na naming ginagawa at ipinagpapatuloy kahit wala na si Papa Cirilo F. Bautista. Saka kailangan ko ring dumalo sa book launching ni Sir Rio, National Artist Virgilio Almario, ng pinakabago niyang libro ng mga tula na LEMLUNAY sa Gimenez Gallery sa UP Diliman sa umaga ng Disyembre 2. Gusto kong personal na iabot sa kaniya ang kopya ng KEMBANG KERTAS at magpasalamat sa kaniyang Paunang Salita sa libro.
Medyo matrapik mula De La Salle University sa Taft Avenue patungong Ateneo de Manila University sa Katipunan Avenue. Ang dalawang magkaribal na unibersidad sa magkabilang dulo ng mundo ng Metro Manila! Pero wala akong pakialam sa basketball, kayâ no guilty feelings ako sa pagpunta sa Ateneo at masayang makita ang ilang kaibigang manunulat na tagaroon, lalong-lalo na ang Palanca award-winning playwright kong kasimanwang Antikenyo na si Glenn Sevilla Mas. Nag-dinner pa nga kami pagkatapos ng launching sa Sweet Inspiration, ang paborito kong restawran sa Katipunan noong nagtuturo pa ako sa Miriam College. Masarap pa rin ang Mongolian barbecue nila kahit hindi na eat-all-you-can. Guests ko sa launching sina Yasmin Arquiza at Criselda Yabes na akala mo naman miss na miss namin ang isa’t isa gayung kababakasyon lang nila sa Antique. Nabati ko rin ang triumvirate ng mga bagong university press directors na mga ka-generation ko lang: sina Rica Bolipata Santos ng Ateneo de Manila University Press, Ned Parfan ng University of Santo Tomas Publishing House, at Galileo Zafra ng University of the Philippines Press. Proud ako na published author ako nitong tatlong nangungunang university presses ng bansa. Nakamamangha na 46 na libro ang inilathala ng ADMU Press ngayong taon. Hindi nakapagtataka na pitong taon na silang sunod-sunod na hinirang na Publisher of the Year sa National Book Awards ng National Book Development Board at Manila Critics Circle. May two-volume na koleksiyon ng mga dula si THE Nicanor Tiongson na kasama sa mga inilunsad at ang unang bati niya sa akin nang makita ako ay, “Bakit ka sunog ng araw?” Tumawa lang ako at sinabi ko sa kaniyang naka-sabbatical leave kasi ako at naggagarden lang buong araw sa Antique.
Na-late ako nang bongga sa launching ni Sir Rio dahil tinapos ko pa ang thesis proposal defense ng isang mentee ko. Mga 10:30 talaga ito natapos at nang makarating ako ng UP Diliman mag-a-alas dose na ng tanghali. Kainan na. Agad akong lumapit sa mesang kinauupuan ni Sir Rio at ibinigay sa kaniya ang kopya ng libro ko at nagpasalamat para sa kaniyang Paunang Salita. Nakita ko rin doon ang isang kaibigang matagal ko nang di nakikita dahil sobrang busy sa kaniyang mga coverage sa iba’t ibang sulok ng bansa at kung minsan sa abroad pa—si Roel Hoang Manipon. Kaklase ko sa MFA Creative Writing sa La Salle si Roel a long time ago. Siya ang editor ko sa AGUNG, ang pangkulturang magasin ng National Commission for Culture and the Arts, at sa Daily Tribune. Nabigyan ko siya ng KEMBANG KERTAS at bilang kapalit binigyan din niya ako ng LEMLUNAY na siya pala ang nagsilbing art director. Dahil nagmamadali ako, ilang kaibigang manunulat lang ang nakumusta at nakatsika ko nang madalian tulad nina Mike Coroza, Roland Tolentino, Vim Nadera, John Torralba, Joti Tabula, Aldrin Pentero, Ralph Fonte, at Ei Narvaez. Nang umaabang na ako ng GRAB papuntang Sta. Mesa Heights, nakasabay kong maghintay ng sasakyan sa waiting shed si Dr. Ping Delima, dating komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino na ilang beses kong nakasama sa mga paseminar ng KWF noong panahong si Sir Rio pa ang chair nito.
Kumakain na sila nang makarating ako sa bahay nina Ma’am Rose. Nandoon sina Alice Sun-Cua at ang bana niyang si Alex, si Shirley Lua, at Dinah Roma. Nauna pa akong dumating kay Ronald Baytan. Alam naman nilang mali-late ako dahil sasaglit pa ako sa book launching ni Sir Rio sa UP Diliman. Si Shirley ay umalis din agad pagdating ko dahil may thesis defense din ang mentee niya. Iyon kasi ang araw ng mga thesis at dissertation defense sa Department namin sa La Salle. Kasama namin si lunch si Laura, anak nina Ma’am Rose. Ang ate niyang si Ria ay masama ang pakiramdam at sa halip ay ipinabigay lang nito kay Laura ang regalo niya sa amin. Autographed na libro ng collected stories ni Gregorio Brilliantes! Kasama ang librong ito sa inilunsad sa HARVEST 2023. May kakilala yata si Ria na anak o apo ni Brilliantes. Sa saya ng kuwentuhan namin, inabot kami ng takipsilim. Kapag pumupunta ako bahay ng mga Bautista, laging nabubusog ang katawan ko’t kaluluwa.
Ang isa sa mga pinakapabarito kong essay of all time ay ang “To the Young Writer” ni National Artist F. Sionil Jose. Isa ito sa mga naging gabay ko noong nagsisimula akong maging seryoso sa aking pagsusulat. Pinapabasa ko rin ito sa mga estudyante ko sa creative writing. Ang isa sa mga sinabi ni Manong Frankie sa sanaysay na ito ay bilang manunulat, huwag na huwag nating iwanan ang baryo na ating pinagmulan. Iwanan man natin ito physically pero huwag na huwag nating iwanan sa ating puso’t isipan. Kayâ siguro hanggang ngayon, ang Rosales Saga pa rin niya ang gusto kong mga nobela niya dahil naka-set ito sa Rosales, Pangasinan kung nasaan siya ipinanganak at lumaki, at ang mga karakter, kahit na nasa Manila na, ay nanggaling doon.
Naalala kong muli ang sanaysay na ito ni Manong Frankie nang umuwi ako sa bahay namin sa Pasig noong Linggo. Doon ako nananghalian. Nang itsek ko ang kuwarto ko, nandoon pa rin ang mapa ng Western Visayas sa dingding sa gilid ng aking writing table. Noong 2008 nang magsimula akong magturo sa Metro Manila. Una muna sa Miriam College sa Katipunan Avenue sa Lungsod Quezon ng pitong taon at ngayon naman ay pangwalong taon ko na sa De La Salle University sa Taft Avenue sa Lungsod Manila. Mga labinlimang taon ito pero kahit kailan hindi ko iniwanan ang Maybato, ang Antique, ang Panay, ang buong Kanlurang Bisayas sa aking isipan. Ang disertasyon ko nga ay tungkol sa isang siglong kasaysayan ng mga babaeng manunulat sa Hiligaynon. Itong mapa ng Western Visayas sa tabi ng writing table ko sa bahay namin sa Pasig ay isang physical manifestation lang ng hindi ko pag-iwan sa aking pook na pinanggalingan.
Sa Huwebes pa kami lilipad pauwi ng Antique. Excited na akong makita ang koi pond namin. Ang gusto kong unang gawin ay ang mamili kami ni Jay ng marami pang mga tanim lalo na ng mga ilalagay namin sa paligid ng pond. Maghahanap kami ng mga tanim na may laban sa init. Hinihintay pa kasi naming lumago ang mga sanga ng malaking mangga na ginpatriman naming dahil nabalot ito ng vines noon. May mga itinanim na rin kami na magiging shade din kapag lumaki tulad ng kape, rambutan, at kalamansi. May itinanim din kaming niyog. Gayundin ng dalawang puno ng kalatsutsi mula sa mga sangang kinuha namin sa mga kalatsutsi sa Nogas Island.
Mula nang simulan namin ni Jay ang hardin namin sa likod ng aming ancestral house sa Maybato noong Setyembre, marami na kaming naitanim at nagawa roon. Hinihintay na lamang naming lumago, lumaki, mamulaklak, at mamunga ang mga itinanim namin. Ang paghihintay na ito ay nagtuturo sa amin na maging patient at maging mapagpakumbaba rin. Maraming bagay sa mundong ito ang hindi maaaring madaliin. Kailangan lang magsipag, magtiyaga, at manalig na maging maayos ang lahat.