By John Iremil Teodoro
Masyado nang matagal ang huling pasyal ko rito sa Boracay. Noong nagtuturo pa ako sa University of San Agustin 15 years ago. Palagi kasi akong iniimbitahan noon ng Department of Education Region 6 na magbigay ng lecture at workshop hinggil sa basic journalism at malikhaing pagsulat at ilang beses na sa Boracay ito ginagawa.
Palagi kong sinasabi sa mga kaibigan at kakilala sa Manila na hindi ko na gusto ang Boracay ngayon. Iba kasi ang Boracay noong early 1990s. May malawak na niyugan ang white beach at ang mga resort na yari sa kawayan at nipa ang nakasingit na magkalayo. Sa mga boat station talaga kayo bababa at sasakay paalis. Ngayon magkadikit na ang mga simentong gusali sa white beach at boring na ang arrival at departure sa piyer sa Barangay Manoc-Manoc. Naalala ko noong minsan nandoon kami ng mga kaklase ko sa kolehiyo, isang umaga naglakad kami papunta sa Manoc-Manoc at isang maliit itong sityo ng mga mangingisda na maliliit ang kubo an may mga hardin.
Pero dahil nagbabakasyon ngayon dito sa Filipinas ang taga-Sweden kong kapatid na si Mimi at ang two-year-old niyang anak na si Evert John, sumama na kami ng partner kong si Jay sa Boracay at si Erika, ang dalagitang anak ng pinsan namin. Kaming tatlo ang mga yayabels ng super cute at guwapo kong pamangkin. Nang mag-post nga ako ng picture namin ni Jay, sinabi kong hindi iyon honeymoon kundi yayabels duties.
Sa unang tatlong gabi namin sa Boracay Newcoast kami tumira. Isang condominium unit na ang terrace ay overlooking sa forest at dagat kayâ nagustuhan ko. Hapi kami roon kahit na baduy ang pagka-decorate ng condo. Cheapanggels ang mga picture frame at may mga plastic na halaman! Marami talaga ang may pera lang pero walang taste.
Talagang “bagong dalampasigan” ito na nililok sa mga bundok na apog ng Barangay Yapak. Nag-e-enjoy man ako sa karangyaan ng lugar, as in may part na parang Bonifacio High Street sans the crowd at sa dulo ay may white sand beach, nasa isipan ko lang na I’m sure may na-displace na mga katutubo at sinisira nito ang kapaligran at kalikasan ng luntiang bahagi sana ng Boracay. Naalala ko ang kuwento sa akin ng anthropologist na si Alice Magos na ang Yapak ay tradisyonal na libingan ng mga Ati. Binabalot nila sa banig ang patay at itinatali sa mga sanga ng mataas na kahoy. Ang mga ati ang orihinal na may-ari ng isla. Ang maganda lang sa Boracay Newcoast, halos e-trikes at e-buses na ang bumibiyahe. Kabawasan din kahit papaano sa air at noise pollution.
Happy discovery para sa akin ang Diniwid Beach. Short ride sa e-trike lang ito mula sa Boracay Newcoast. Papasók sa western side mula sa Citi Mall sa main road. Gusto kasi ni Mimi mag-dinner kami sa Dinibeach Bar and Restaurant dahil Swedish ang may-ari at chef nito. Masarap nga ang köttbular nila pero chicken laksa ang kinain ko. Old Boracay feels ng bar na ito: malaking structure na yari sa kawayan at nipa, at kahoy ang mga upuan at lamesa. Nakaharap ito sa cove ng Diniwid na siyempre puti at pino ang buhangin. Dito ako naligo dahil kahit sunset, kaunti ang mga tao di tulad sa white beach na aakalain mo may concert kapag lulubog na ang araw. Hindi ko rin naman sila masisisi dahil maganda talaga ang Boracay sunset katulad ng sunset namin dito sa San Jose de Buenavista.
Gusto ko pa rin ang D’Mall. Masarap pa rin mag-shopping dito. Pigil na pigil ako sa sarili na bumili ng t-shirts. Isa lang ang binili ko sa Island Souvenir. Medyo mahal pero maganda ang quality at ang XL nila ay talagang kasya sa akin. Bumili rin ako ng wind chime na Capiz shells para sa aming hardin dito sa Maybato. Noong huling gabi namin sa Boracay, nag-dinner kami sa iconic na Hobbit Tavern. First time kong kumain dito dahil noon hindi ko pa abot-kaya ang mga kainang ganito sa Boracay. Medyo disappointed lang ako dahil hindi naman pala masarap ang pagkain doon, masyadong commercialized and lasa. Pero gusto ko ang malalaking copies ng mga klasikong painting doon tulad ng “Starry, Starry Night” ni Van Gogh at “The Scream” ni Edvard Munch.
Another pleasant discovery ang Bulabog Beach. Doon kasi ang apartment na gin-book ni Mimi para sa last two nights namin. Ang iniisip namin, mas maganda ito kaysa tinirhan namin ng tatlong gabi sa Boracay Newcoast dahil pang-good for 8 ito. Iniisip ko nga, baka dawala ang room. Naging nightmare ang paghahanap nitong apartment. Mabuti na lang mabait ang drayber ng e-trike namin. Ang nakalagay kasing address Bulabog Beach Area lang. Napipikon na si Jay kasi hindi sinasagot kapag nagri-ring ang contact number ng resort. Pinapatayan pa siya ng phone. Nagtanong-tanong kami at doon ko nakita ang mga nagka-kitesurfing sa Bulabog Beach at ang ganda nitong panoorin! Nang mahanap namin finally ang aming titirhan, nasa looban ito na maputik ang daan. Ang pangit ng apartment na ito! Dugyot at sobrang cheap. Ang good for 8 na room maliit na may walong higaan na parang nasa barko. Pang refugee camp ang peg at higit sa lahat, may ipis at palaka sa room! Shocked ang mga Swedish at agad akong nagdesisyon na maghanap ng ibang titirhan. Nakakainis. Dapat tinitsek ng Boracay Tourism Council ang mga resort sa isla at ipasara o i-require na magpa-renovate ang mga ganitong basurang accommodation. Na-book ito ni Mimi online at maganda naman daw sa mga pix. Napakamahal ng kuwebang iyon for 3.5K a night!
Kaunti yata ang mga turista sa Boracay ngayon at hindi kami nahirapan ni Jay na maghanap ng lilipatan na doon lang din sa Bulabog Area. Another pleasant discovery sa amin ang Canvas Inn. Maliit na resort lamang subalit may hardin sa gitna na may mga puting kalatsutsi na namumulaklak at nahuhulog ang mga busilak ng bulaklak sa Bermuda grass. Simple ngunit tasteful ang mga kuwarto na pakiramdam mo nasa Bali ka.
May kakaibang lungkot akong nararamdaman kapag pinagmamasdan ko ang mga abandonadong resort sa tabingdagat ng Bulabog. Talagang iginupo ng anim na buwan ng pagpapasara ng Boracay noon na sinundan pa pandemya na badly managed din ng incompetent na gobyerno ni Duterte. Ang press release ng pamahalaan noon, ipinasara ang Boracay para ayusin ito at maisalba ang kapaligiran na hindi naman nangyari. Lalo yatang nagulo ang Boracay. Kung naging simentado man ang main road ngayon, hindi ito nakatulong sa kapaligiran. Mas naging accessible para sa mga ganid na developer ang buong Boracay. Kahit saan ka lumingon ngayon may construction.
Sa huling umaga namin sa isla, habang tulog pa sina Mimi, Evert John, at Erika, ginising ko si Jay matapos kong mag-walking sa Bulabog Beach para mag-agahan sa Café del Sol. For sentimental reason. Isa ito sa mga comfort café ko sa Boracay noon. Naging setting din ito ng ilang kuwentong Boracay ko na nalathala sa mga libro kong HASANG: MGA KUWENTO NG PAG-IBIG (UP Press, 2016) at SAD-SADAN, HAPPY-HAPIHAN (UP Press, 2019).
Nitong huli kong pagbakasyon sa Boracay, masasabi kong maganda pa rin naman ang Boracay. Masarap pa rin magligo sa White Beach. Masarap kumain sa isla. Saka nadiskubre ko ang Canvas Inn na magandang tirhan dahil para kang nakatira sa maliit na hardin sa gitna ng kaguluhan ng Boracay.
Pero iyon nga, may “pa rin.” Halos wala nang itinira ang mga resort at mga pasyalan ng turista sa isla. Mukhang hindi na maisasalba ang kapaligiran ng Boracay. It is a matter of time tuluyan na talaga itong masisira maliban na lamang kung may gawin mismo ang mga taga-Boracay para ma-manage nang husto ang pagpapatayo ng mga bagong hotel at resort, ang dami ng taong dumadating sa isla araw-araw, ang pag-manage ng mga basura, at maraming pang iba. Mga bagay na ginawa sana ng pamahalaan nang ipinasara ang Boracay.
Para sa isang katulad ko na nakita ang Boracay noong wala pang mga malaking resort at mga malaking estrukturang simento sa isla, magkahalong lungkot at saya ang nararamdaman ko habang nag-iikot. May lungkot ng panghihinayang sa aking kasingkasing at pilit na tinatanggap ang mapait na katotohanang biktima ang Boracay ng mapagsamantala at mapanirang sistema ng kapitalismo. At nakikibahagi ako sa maitim na sistemang ito sa aking paggigitnang-uring fantasya sa Boracay. Sa kabila ng lahat, babalik pa rin naman talaga ako sa Boracay. Marami naman akong mga masayang alala sa islang ito.