By John Iremil Teodoro
May pa-New Year ang inutil na National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa mga taga-Western Visayas: blackout sa buong rehiyon simula Enero 2 hanggang Enero 4. Turuan galore ang mga sangay ng gobyernong may kinalaman sa elektrisidad at kaniya-kaniyang press release ang mga politiko. May mga politiko ring masyadong tahimik na para bang hindi sila apektado ng brownout at wala silang pakialam sa mga nasasakupan nilang napanisan ng mga natirang handa sa media noche at sumakit ang mga kamay sa kapapaypay sa mga anak nila. May mga matandang hikain din na hirap sa paghinga dahil bukod sa walang elektrikpan at aircon, hindi nila magamit ang kanilang nebulizer.
Dito sa Antique, torture ang dalawang gabi na brownout at isang gabi na patay-sindi ang ilaw. May El Niño ngayon at ang init. Parang summer dito sa amin. Super kawawa ang dalawang Swedish kong kamag-anak na nagbabakasyon dito sa Maybato! Sumakit ang kamay ng kapatid kong si Mimi sa pagpaypay sa dalawang taong gulang na cute kong pamangking si Evert John. Mabuti ang partner kong si Jay, umuwi sa Manila para mag-New Year kasama ang mga magulang at kapatid. Siyempre, walang brownout sa condo namin doon sa Taft.
Dahil nga matagal na ako nagtatrabaho sa Manila, hindi na ako masyadong sanay sa brownout. Sa condo kasi namin sa Taft Avenue, may sariling generator. Bongga rin ang generator ng De La Salle University kung saan ako nagtuturo. Sa bahay naman namin sa Pasig, wala nang surprised brownout. Laging may pa-notice ang Meralco at ang Barangay kapag may napipintong brownout. Hindi na ako sanay matulog na walang aircon.
Nakakadismaya pero hindi ako surprised na ang tahimik ng tatlong lideres ng Antique. Wala man lang akong nabasang statement nina Governor Rhodora Cadiao, Congressman AA Legarda, at ni Madam Senadora Loren Legarda hinggil sa pa-New Year na blackout ng NGCP. Nanggagalaiti na sa kanilang mga social media account at press statement sina Iloilo City Mayor Jerry Treñas at Iloilo Governor Arthur Defensor, Jr. pero masyadong tahimik ang mga politiko sa aming probinsiya. Why kaya? Nagbabakasyon pa? Wala naman dito sa Panay kayâ hindi affected? May generator ang bahay?
Gin-check ko ang FB account ng beloved leaders namin dito sa Antique. Por Dios por santo! Ang kay Governor Cadiao, Dec. 31 ang last post na share lang ng pasasalamat ng Tourism and Cultural Affairs Office ng Antique na “2023 Thank you for the Love” daw. Deadma ang FB account niya sa nangyaring blackout. Habang sinusulat ko ang kolum na ito (January 9), wala talagang post tungkol sa brownout. Ang official FB page naman ng Province of Antique, mukhang na-hack. Puro shares ng Netflix movies. Ano ang nangyari sa social media team ng probinsiya? Meron ba talaga o wala?
Ang kay Congressman Legarda naman, deadma rin sa Panay Blackout. Ang January 2 post ay tungkol sa pamamahagi ng Php20 milyong halaga ng gamit pangisda sa mga bayan ng Anini-y, Dao, Hamtic, at San Jose de Buenavista. Na maganda naman. Pero mas maganda pa rin sana kung stable ang koryente sa probinsiya. Kapansin-pansin lang ang mga poster nilang magkapatid. Mukhang package deal sila palagi ng ate niyang senadora. Laging magkasama ang mga pix sa mga streamer. Then ang next post ay five days after: reshare ng video ng 2023 achievement ni Senadora Legarda. Nilaktawan ang mga araw na walang koryente sa Antique na tila bang hindi ito nangyari. Nakakaloka! Ang FB page naman ni Senadora Legarda, puro press releases tungkol sa sarili niya. Silent din sa Panay Blackout. Buti pa ang Pista ng Black Nazarene may statement siya. Sa blackout nada. Pareho namang black. Char! (Sorry, Lord!)
Naiisip ko tuloy, hanggang fashion show na lang ba ng patadyong ang mga politiko sa Antique? Kunsabagay, hindi kailangan ng koryente ang paghabi ng patadyong!
Hindi na akong nag-abala pang mag-check ng FB at Instagram accounts ng mga minor politician ng Antique tulad ng mga Sangguniang Panlalawigan members at mga meyor. Baka lalo akong madisyama. Kabubukas lang ng 2024 utang na loob!
In fairness sa magkapatid na Legarda, na we must not forget pumunta lang ng Antique para tumakbo sa eleksiyon, maraming positibong bagay akong naririnig at nakikita tungkol sa kanila. Halimbawa, maganda ang bagong airport terminal ng Evelio B. Javier Airport sa San Jose de Buenavista. Sana mabuksan sa madaling panahon. Proyekto raw ito ni Madam Loren. Na-restore din ang Old Capitol Building na may maayos na Provincial Library. Maraming libro tungkol sa kulturang Panaynon ang pinondohan ng opisina niya. Mayroon na ring esplanade sa San Jose de Buenavista. Kuwento ng isang kaibigan kong taga-University of Antique, maraming proyektong ipinasok ang mga Legarda sa kanila. May plano na nga raw na magkaroon ng College of Medicine. Ang mga tagahabi ng patadyong sa Bagtason sa Bugasong organized na rin at maganda ang kanilang building na siyempre maraming picture ni Madam Loren na nakapatadyong apparel. Maganda naman talaga si Madam at lalong napapaganda niya ang patadyong. Ang hindi ko kinakaya, ang mga picture ni Vice President Sara Duterte na nakapatadyong shirt din. Hindi talaga siya magandang modelo—sa patadyong man o pagiging Filipino. Not to mention being an Education Secretary. Pero siyempre naiintindihan naman ng lahat kung bakit nagsisipsip sa kaniya ang mga politiko sa Antique. After all, siya ang may pinakamataas na approval rating sa latest survey ng Pulse Asia.
Ang point ko lang naman, tumulong sana ang mga politiko sa Antique sa pag-pressure sa NGCP na gawin ang trabaho nila. Aanhin mo ang magandang airport kung wagas ang brownout sa probinsiya at sa isla? Maiimbudo ang mga maarteng turista! Aanhin mo ang magandang facilities sa mga unibersidad kung pag-uwi ng estudyante brownout sa bahay o boarding house nila?
Ayon sa balita ng Daily Guardian, sina Senator Risa Hontiveros at Senator Francis Tolentino ay nananawagan na para sa Senate Investigation. Nag-file na nga talaga ng resolusyon si Senator Hontiveros. Ito rin ang gustong gawin nina Senator Raffy Tulfo, Senator Ronald dela Rosa, at Senator Sherwin Gatcalian. Wala ang pangalan ni Senator Legarda. Again, why kaya?
Nagsalita na rin ang Malakanyang: NGCP ang sinisisi. Ito ang sabi nina Pangulong Bongbong Marcos at Energy Secretary Raphael Lotilla, na taga-Sibalom, Antique ang pinanggalingang pamilya. Ani Lotilla, at gusto ko talaga i-quote siya na galing sa quote ng Daily Guardian, “The Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP) has pointed out that there was a two-hour window when the National Grid Corporation of the Philippines could have proactively called on the distribution utilities and electric cooperatives in Panay to reduce their load in order to prevent a subsystem-wide collapse.” Claro M. Recto na ang NGCP ang may kasalanan!
Ayon sa Local Economic Development and Investment Promotion office ng Lungsod Iloilo, 1.5 bilyong piso ang nalugi sa lungsod dahil sa tatlong araw na blackout. Buti pa sa Iloilo may nag-abalang mag-compute. Dito sa Antique, again, nada.
Lessons learned sa Panay Blackout 2024? May apat na naiisip ang inyong Sirena.
Una, dapat may sariling generator ang bahay namin para sakaling makatulog uli o maging tulala ang NGCP, may alternatibong koryente. Actually may generator set kami rito sa bahay sa Maybato noon. Ibinenta lang ng tatay namin at ng second wife niya. Magastos daw sa gasolina. Henewey, patay na rin naman si Tatay (God bless his soul!) at marami na kaming perang magkakapatid ngayon, iniisip namin na sa susunod na pagbakasyon ng mga kamag-anak naming Swedish, dapat may generator na uli kami.
Pangalawa, dapat talagang seryosong pag-isipan na pagiging off-grid ng aming bahay at mga future bahay. Mukhang hindi na mag-i-improve ang NGCP, not in the next century, at wala namang paki ang mga servant leader ng Antique, at ng buong bansa, mas magandang kung may sarili nang source of power ang inyong tahanan.
Pangatlo, dapat makapagpatayo na talaga kami ni Jay ng bahay sa Aningalan para kapag brownout, akyat na lang kami roon. Madali talaga ang buhay off-grid doon dahil malamig at hindi kailangan ng electric fan o aircon.
At pang-apat, lalong tumitibay ang paniniwala kong bulok talaga ang ating pamahalaan at wala talagang moral at intellectual compass ang political at business elite ng bansa. Ito ang tinatawag noon ni Rodrigo Duterte na mga “oligarch,” na siyempre kasama siya, ang pamilya niya, at ang kanilang mga alipores.
Gayunpaman, God bless the Philippines! Kaawaan Po Ninyo ang bansang ito at iadya sa lahat ng masamang politiko.