By John Iremil Teodoro
HABANG nag-iisa ako rito sa aking condo sa ika-18 na palapag ng isang gusali rito sa Taft Avenue sa tabi De La Salle University, ang kantang “Walang Hanggang Paalam” ni Joey Ayala ang naririnig ko sa aking isipan. Siguro dahil medyo nalulungkot ako dahil umuwi na sa Sweden ang kapatid kong si Mimi at ang dalawang taong gulang niyang anak na si Evert John noong Sabado matapos ng isa at kalahating buwan na bakasyon dito sa Filipinas. Kahapon, nag-post na si Mimi sa group chat naming magkakapatid ng mga larawan nila sa airport sa Copenhagen kung saan sila sinundo ng bana niyang si Jonas at ng panganay nilang anak na si Juliet. Tatlong oras ang biyahe sa kotse mula sa paliparan sa Denmark pauwi sa bahay nila sa Lenhovda sa southern Sweden. Nag-post din siya ng larawan ng makapal na snow na sumalubong sa kanila dahil kasagsagan ng winter ngayon doon.
“Ang pag-ibig natin ay / Walang hanggang paalam / At habang magkalayo / Papalapit pa rin ang puso. / Kahit na magkahiwalay / Tayo ay magkasama / Sa magkabilang dulo ng mundo,” ayon sa chorus ng lyrics ng kantang ito na mas madalas inaawit ng mga aktibista. Pero sa nararamdaman ko ngayong pag-iisa rito sa Manila, parang angkop na angkop ang kantang ito. Sinubukan kong hanapin sa Apple Music, wala. Ni hindi ko mahanap si Joey Ayala. Mabuti at mayroon pala sa Youtube.
Ginplano ko talaga na mag-stay muna rito sa Metro Manila ng isa pang linggo pag-alis nina Mimi bago umuwi ng Antique. Gusto ko rin naman kasing makita ang ilang kaibigan. Katulad na lamang noong Sunday, nag-staycation kami ng La Salle BFF kong si Ronald sa Manila Hotel. At Lunes ng umaga, nag-join sa amin ang isa pa naming La Salle BFF na si Shirley sa breakfast sa Café Ilang-Ilang. Long breakfast siyempre dahil bongga ang tsikahan, mula alas-siyete hanggang alas-diyes ng umaga! Puno ang schedule ko para sa linggong ito.
Naninibago ako ngayon na nag-iisa ako. Simula kasi nang mag-sabbatical leave ako noong Setyembre, kasama ko na palagi ang partner kong si Jay. Sunod-sunod din ang pagdating nga mga bisita sa bahay namin sa Antique. Nobyembre, ang mga kaibigan kong manunulat from Manila, kasama dyan si Ronald, at ang kapatid naming lalaki na si Gary kasama ang asawa niyang si Verna at ang anak ni Verna at girlfriend nito. Then nitong Disyembre nga, sa Antique nag-Christmas at New Year sina Mimi at Evert John, at ang bunsong kapatid naming si Sunshine na siyang nakatira sa bahay namin sa Pasig.
Hindi naman ako depressed. May kaunting kurot lang ng lungkot sa aking pagkatao. Simula nang maging kami ni Jay (nag-celebrate kami ng second anniversary namin noong Disyembre 25), hindi na ako sanay mag-isa. Talagang bahagi na yata ito ng postmodern condition ng buhay natin sa kasalukuyan na ang iba sa atin may maraming tahanan. Sa ngayon may tatlong bahay akong inuuwian: dito sa nirerentahan kong condo sa Taft, sa bahay namin sa Pasig, at sa ancestral house namin sa Antique. Kapag tinatanong ako kung tagasaan ako, itong tatlong bahay ang sinasabi ko. Siyempre sa mga official document, mas madalas ang address namin sa Pasig ang ginagamit ko. In fact may pang-apat pa akong bahay—ang Sirenahus sa Sweden. Ang maliit na bahay sa likod ng bahay nina Mimi na naging writing cottage ko nang magbakasyon ako sa kanila noong 2016. Sa pagpunta ko roon sa kanila ngayong taon, doon na daw ako magsi-stay sabi ni Mimi dahil naayos na nila ang kuwarto roon.
Nagkálat kaming magkakapatid: si Gary sa Qatar nagtatrabaho at ang pamilya ay nasa Bataan. Sina Mimi nasa Sweden. Si Sunshine sa Pasig. Ako sa Manila nagtatrabaho pero dahil naka-sabbatical leave ngayon ay mas madalas nasa Antique nakatira. May group chat din naman kaming apat na magkapatid sa Messenger kayâ araw-araw ay updated kami sa buhay ng isa’t isa. Ultimo mga ulan namin ay napo-post namin sa GC. Talagang literal na kahit na magkahiwalay ay magkasama pa rin kami kahit nasa iba’t ibang sulok kami ng bansa at mundo. Bahagi ng postmodern condition ang pagiging boderless ng mundo dahil sa teknolohiya.
Dahil gustong-gusto ni Mimi ang Boracay, twice kami nagbakasyon doon nitong pag-uwi nila. Pumunta kami bago mag-Pasko. Pumunta uli kami bago sila umuwi ng Sweden. Doon na nga kami sa Caticlan Airport sumakay pabalik dito sa Manila. Nakakapagod! Nakaka-stress din para sa akin dahil napaka-protective ko kay Evert John. Kahit may nagbabantay, binabantayan ko pa rin kasi napapraning ako na bakâ kung ano ang mangyari sa bata. Sa bahay sa Antique, kahit alam kong nakakandado na ang gate, tinitsek ko pa rin ang kandado kapag lumalabas si Evert sa pinto. Paano, nasa tabi kasi ng national highway ang bahay namin. At alam ng bata buksan ang gate kung hindi nakakandado!
Sa panahon ngayon na marami na ang eroplano at may biyahe na nga sa airport sa amin sa San Jose de Buenavista kung tinatamad kang magbiyahe pa pa-Iloilo Airport o Caticlan Airport, parang hindi na rin naman ganoon kalayo ang Manila at ang Antique. Basta may pambili ka lang ng ticket, madaling umuwi sa amin. Kayâ hindi na rin kailangang magdrama pa masyado dahil isang oras lang naman ang lipad ng eroplano sa pagitan ng Manila at Panay. Kuwarenta minutos nga lang kung via Caticlan Airport. At kahit pa ang Sweden. Labimpitong oras na biyahe lang ito sa eroplano. Sabi nga ni Mimi, parang gusto na niyang umuwi taon-taon dahil napaayos ko na ang bahay namin sa Maybato.
Kapo-post lang ni Mimi sa GC namin na lumabas sila ni Evert John sa kalsadang may snow dahil nag-grocery sila. Balot na balot si Evert at tulog sa kaniyang stroller. Napapangiti ako kapag naalala kong naka-shorts at kamiseta lang siya na tumatakbo-takbo sa hardin namin ni Jay sa Maybato at nilalagyan ng mga bato at buhangin ang mga fishpond namin. Dahil may El Niño ngayon, mistulang summer ang Disyembre namin sa Antique at natatakot akong baka ma-sunburn si Evert dahil mahilig lumabas kahit tirik na tirik ang sikat araw. Nagpupumiglas din siya kapag nilalagyan ni Mimi ng sunblock sa mukha at leeg. Kapag naiinitan siya kasi, namumula agad ang kaniyang mga pisngi at lalo siyang gumuguwapo.
Nililinis na ni Jay ngayon ang mga fishpond namin. Sabi niya sa akin sa Messenger, kahit na maraming bato at buhangin na nilagay si Evert John, marami pa ring mga anak ang mga isda niya. Excited na akong umuwi at magdagdag ng mga tanim sa aming hardin. Ang ruins ng dating kusina kung saan namumunga na ang mga cucumber at watermelon, binubungan ni Jay ng itim na net. Puwede na akong mag-umpisang mangulekta ng orchids. Ito ang gagawin ko pagdating ko sa Antique. Mula airport dadaan kami sa tindahan ng mga halaman sa may public market ng San Jose de Buenavista. Gusto ko talagang punuin ng mga halaman ang hardin namin sa likod ng bahay. Tropikal na hardin na worthy puntahan ni Irene Chen upang i-feature sa Youtube channel niyang Leafing Around. Gustong-gusto kong pinapanood ang channel niyang ito dahil tungkol ito sa mga magagandang tropical garden sa Southeast Asia.
May pitong buwan pang natitira sa sabbatical leave ko. Pero pupunta pa ako ng Thailand para mag-visiting scholar sa Mahidol University mula Pebrero hanggang Abril. Sa Hunyo at Hulyo, magbabakasyon din ako sa Sweden dahil tag-araw doon. Talagang walang hanggang pamamaalam talaga ito sa mga palangga ko sa buhay. May mga iiwanan, may mga babalikan. Talagang ang buhay natin ay isang serye ng mga paglalakbay, o paglalakbay mismo ang buhay. Tayo ay mga homo viator.