By John Iremil Teodoro
MAY pirapirasong memory pa ako sa malaking bahay nina Lola Garâ at Lola Tiyang dito sa Maybato sa lupang kinatatayuan na ng bahay namin ngayon. Bahay iyon na yari sa kahoy, kawayan, at nipa na may mataas na silong sa baba. May hagdanang kahoy ito paakyat sa balkonahe na nasasabitan ng mga halaman na nakatanim sa mga tuyong makapal na balat ng niyog. Sa baba, may bahaging nakasimento ito na kulay pula at sa tabi nito ay may maliit na fishpond. Wala akong maalalang isda o water lettuce. Ang naalala ko, dito ako sa tabi nito naglalaro ng maliit na dilaw na ahas. Maliit na ahas lang naman, parang sinlaki lang ng pancit canton.
Sa San Jose Academy, ang paaralan ng mga Assumption Sister sa San Jose de Buenavista, kung saan ako nag-elementarya, may fishpond sa playground na bilog subalit may mga tatsulok na palamuti sa paligid na mula sa taas ay para itong Star of David. Sa fishpond na ito, na sinasaway kami ng guwardiya at dyanitor kapag hawakan naming ang tubig, may mga lotus na ang bulaklak ay kulay rosas. May mga isdang maliliit doon na gustong-gusto kong hulihin at ilagay sa plastic at iuwi sa bahay. Pero bawal.
May isa pang fishpond sa paaralan naming iyon. Sa isang sulok ito sa harap ng grotto ni Mother Mary. Pahabang kidney-shaped ito na may tulay na simento sa gitna. Kapag birthday ni Mother Mary, sa harap ng grotto na ito kami nag-“papadala” ng birthday card o liham sa kaniya. Gagawa kami ng card gamit ang bond paper at crayons, o magsusulat ng letter sa kaniya sa isang pirasong papel, saka pipila kami papunta roon sa fishpond at doon susunugin ang mga letter namin. Sa isipan ko noon, yung usok ng sinunog na mga card at papel ang magdadala ng mensahe namin palangit. Medyo nakatago ang fishpond na ito sa hardin ng malagong crotons. Doon ako nakakita ng malaking tilapya (Na hindi ko pa alam na tilapya pala iyon) na kapag may lumapit ay itinatago niya sa kaniyang bunganga ang kaniyang mga anak.
Sa bahay namin sa Pasig may maliit na fishpond din ako harap ng gate namin. Nang magkapera na ako, ginawa ko itong grotto. Bumili ako ng mamahaling tiles na pang-Turkish Bath House ang disenyo na ginamit dito. Bumili rin ako ng estatwa ni Mother Mary sa isang pagawaan ng mga santo malapit sa Taal, Batangas at iniluklok dito. Noong pandemic, ang paglilinis nito ang isa sa mga naging libangan ko habang naka-lockdown.
Dito sa bahay namin sa Maybato may fishpond din ako na kasing laki ng bathtub. Pero sa mahabang panahon, umpisa nang magturo ako sa Manila noong 2009, hindi na ito ginamit at sa halip ay naging tambakan ng kung ano-anong basura. Kayâ noong Setyembre ng nakaraang taon sa pag-umpisa ng aking sabbatical leave, nilinis namin ito ng partner kong si Jay. Marami kaming nakuha mga lata, bote, kalawanging barbed wire, at ilang seedling ng niyog. Halos punô na rin ito ng lupa at mga tuyong dahon ng langka dahil nalililiman ito ng dalawang malaking puno ng langka. Nang lagyan namin ng tubig, natuyo ito kinaumagahan. May leak. Kayâ nilagyan pa namin ng waterproof cement. Paulit-ulit ang paglagay kasi mabilis talagang maubos ang tubig na nilalagay namin. Sa ngayon, marami na itong cabbage lily at swordtail.
Mapalad ako na nakatagpo ng makakasama sa buhay na mahilig din sa fishpond bukod sa mahilig ding maghardin. Ngayong nakabakasyon ako rito sa Antique, umiinog ang buhay namin sa paghahardin.
Noong nakaraang Huwebes, market day sa Malandog na katabing barangay lang, naisipan naming ni Jay na dumaan sa Provincial Fisheries Office – Antique ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) pagkatapos naming mamalengke. Ang koi pond kasi na ginawa ni Jay sa hardin namin ay wala nang koi. Masyado kasing mainit ang sikat ng araw nitong mga nakaraang linggo dito sa Antique at hindi yata nakayanan ng limang koi ang init. Bagamat okay ang mga lotus at cabbage lily at nagsu-survive naman ang mga guppy at white molly, nabanggit ni Jay na parang gusto na niyang lagyan ng tilapya. May nakapagsabi sa amin na maaaring bumili ng fingerlings ng tilapya sa BFAR.
In fairness, quarter to eight ng umaga ay may mga tao na sa opisina ng BFAR. Nagtanong kami kung puwedeng bumili ng fingerlings ng tilapya. Pinasulat ng guwardya si Jay ng contact details niya sa isang log bog at sinabihan kaming maghintay na lamang na tawagan nila kung may available na. May mga nauna raw kasi sa aming magpa-reserve. Tag-PhP40 daw ang isandaan. Sabi namin, sobra-sobra naman ang isang daan para sa maliit na pond namin na wala pang 10 square meters. Mga sampu o dalawampung piraso lang ay puwede na sa amin. Humirit ako na baka meron na silang available kahit konti lang. Kunin na namin. Pinahintay kami konti at parating na raw ang in-charge. Baka nga raw meron. Nang dumating ang babaeng in-charge sa pag-release fingerlings sabi niya, pasensiya na raw at first-come-first-serve basis daw ang pagbenta nila ng tilapya dahil maliit lang ang hatchery nila doon. Pero nakiusap ako na ilang piraso lang ang kailangan namin dahil para lang ito sa maliit na fish pond sa garden namin at hindi naman talaga kami professional na fish farmer. Nang ma-gets nila na hindi naman pala daan-daang fingerlings ang kailangan namin, pinahintay uli kami saglit para i-check daw nila.
Maya-maya may isang staff na lalaking pumunta sa amin. Pinapabayad kami ng PhP30 para daw sa plastic. Bibigyan na lang daw nila kami. Nang i-abot sa amin, medyo marami. Fifty na piraso! Habang naghihintay sa waiting area nila, may napansin akong mga babasahin. Nang nagtanong ako kung puwede bumili, kuha lang daw kami at libre ang mga iyon. Adik ako sa reading materials kayâ mabilis akong kumuha. Mga pag-aaral itong ginawa ng BFAR hinggil sa pangisda sa bansa. May dalawang isyu rin ng newsmagazine na Haw-as na inilalathala quarterly ng BFAR Region 6. Salitang Kinaray-a at Hiligaynon ang “haw-as” na ibig sabihin ay pag-harvest ng isda sa mga fishpond. Maayos ang pagkasulat at pagka-lay-out ng publikasyong ito. Very informative sa mga proyekto ng BFAR sa rehiyon. Mukhang maayos na government agency itong BFAR Region 6.
Ilang araw na ang mga fingerling ng tilapya sa koi pond namin na tilapia pond na ngayon. Mukhang kayang-kaya nila ang init at parang dumoble na nga ang size nila. Sana sa paglaki nila hindi nila kakainin ang mga guppy at white molly. Ito ang panalangin namin ni Jay.
Ngayon pa lang napagkasunduan na namin na sa unang ipapagawa naming maliit na bahay sa Aningalan, kailangang may fish pond. Ang lote namin doon ay pupunuin namin ng mga tanim na bulaklak at gulay. Gusto ko ring may mga pine tree. Sabi ko sa kaniya gusto kong Balinese ang peg. Gusto kong ala-Zen garden din. Ang lugar namin doon ay ipapangalan namin kay Nanay—Hardin Milagros.
Sa mga Japanese Zen garden essential elements talaga ang mga bato, halaman, at tubig. Sa water element ng lugar kailangan ding may lotus at water lilies. May ilang lotus na kami sa tilapia pond namin. Marami na rin kaming cabbage lily. Doon sa Aningalan, may nadadaanan kaming malaking fishpond na may mga lotus katulad sa Star of David na fishpond sa San Jose Academy noon. Bakâ puwede kaming humingi o bumili kapag may sariling fishpond na kami doon.
Hindi ko sasabihing mababaw lang ang kaligayahan ko. Mas akmang sasabihing, simple lang ang mga bagay na nagpapaligaya sa akin. Sa napipinto kong retirement—five or ten years from now—maliit na bahay sa gitna ng malawak na hardin na may fishpond lang ay sapat na sa akin, sa amin ni Jay. Tiyak makakapagsulat at makakapagbasa ako. Healthy at tipid din kami sa pagkain dahil kami mismo ang magtatanim ng mga gulay at prutas na kakainin namin. Salamat sa Diyos at magkasundo kami sa mga ganitong bagay.