Ni John Iremil Teodoro
GINISING pa rin ako ng musika ng banda na umiikot sa buong barangay mga alas-singko ng madaling araw noong Linggo, pista sa baryo naming Maybato Norte. Bago ako matulog noong besperas ng gabi, gin-set ko pa ang alarm clock ko sa cellphone ng 5:30 para makadilig agad ako ng mga halaman at makapagkape pa bago ako maligo upang makapagbihis para magsimba sa kapilya sa tapat ng bahay namin ng alas-otso ng umaga. Matagal na kasing hindi ako nakapagpiyesta dito sa Maybato at iniisip ko baka hindi na uso ang banda.
Pero may banda pa rin! Tuloy umagang-umaga very nostalgic ang mode ng Sirena. Naalala ko kasi na noong maliit pa ako, naaabutan kong gising palagi ang pagpamukaw ng banda kapag pista dahil madaling araw pa lang naririnig ko na ang turawik ng baboy na kinakatay sa likod ng bahay namin. Ibang level maghanda sa pista sina Nanay at Tatay noon. Normally, dalawang baboy ang kinakatay. Kung minsan may kambing pa. Saka mag-o-order pa sila ng lechon. Naisip ko rin na kung buháy pa ang matandang dalaga naming tiya na si Tita Nening ay hindi ko puproblemahin ang paghanda ng mga pinggan, baso, at kubyertos dahil besperas pa lang ay nailabas na niya ang mga ito mula sa platera at nahugasan na.
Hindi ako nang-imbita ngayong piyesta kahit na maghahanda naman kami ng ilang putahe. Baka kasi isipin ng mga kamag-anak namin at mga kakilala na Nanay levels na paghahanda ito at marami ang pupunta. Dahil dalawa lang kami ng partner kong si Jay dito sa bahay, nagpaluto ako ng bam-i, menudo, lumpiang shanghai, at sinakol sa isang kaibigan dito sa Maybato na magaling magluto. Ako naman nag-adobo ng tatlong kilo ng manok. Saka dinamihan na namin ni Jay ang biniling juice at softdrink, at pastries sa Bischocho House (Thank God may kiosko sila sa Robinsons Place Antique) dahil iniisip namin, sakaling marami ang dadating at maubusan kami ng pagkain, at least may maiinom silang malamig at may manguya konti. Bumili rin kami ng maraming Maling at delatang corned beef para may maluto rin kung sakali.
May dumating kaming ilang kamag-anak at kaibigan. Anim na kaibigan lang ang talagang gin-message ko na pumunta. Sapat naman ang handa namin. Dalawang araw na nga kaming kumakain ni Jay ng iniinit na adobo, manudo, at bam-i. Andami pa ring lata ng softdrink at bote ng juice sa ice box na binili namin. Yes, ice box dahil may announced brown-out dito sa Antique last Sunday—6AM to 6PM.
Sa hirap ng buhay ngayon at sa mahal ng mga bilihin dahil nga nasa Golden Age na tayo (kayâ malaginto na rin ang presyo ng mga bagay-bagay), hindi na rin naman kailangang magpabongga sa piyesta. Diyos ko tag-PhP400 na ang kilo ng baboy at PhP60 ang kilo (Hindi pa rin po PhP20, yung PhP20 ay per cup ng rice sa mga restawran) ng bigas, parang hindi na talaga advisable na mangutang sa Bombay para lang may panghanda.
Naisip ko, ang piyesta naman ay pasasalamat para sa lahat ng bugay at pagbibigay parangal sa Santong Patron ng barangay. Dito sa Maybato, si Nuestra Señora de los Remedios o Our Lady of Remedies. Kada second Sunday of March ang pista sa amin. Ang magsimba at magsindi ng kandila ay sapat na sa tingin ko. Dito ako nalulungkot. Kapansin-pansin na kakaunti na ang nagsisimba sa barangay chapel namin. Naalala ko noong maliit ako, nag-uumapaw hanggang sa kalsada ang mga nagsisimba. Maraming mga debotong may panata ang dumadayo para magsimba. Ngayon parang wala na. Kahit nga ang prusisyon noong takipsilim ng besperas ay kakaunti ang sumama. Noong maliit ako, akay-akay ako ni Tita sa prusisyong ito.
Kahit ang pari late sa misa ng 30 minutes. Sa isip ko, guwapo sana pero hindi on time. Buti medyo magaling mag-sermon. Pero naisip ko rin na Sunday iyon, ang araw na pinaka-busy ang mga pari. Malamang nanggaling pa siya sa isa pang misa sa San Jose Cathedral o kung saan pa mang barangay. Habang nagmimisa, bigla kong naisip, matanda na nga siguro ako dahil madalas kapag nagsisimba ako ngayon, mas bata na ang mga pari kaysa akin! At feeling propesor ako na puwede ko na rin silang sermonan. Kakaloka!
Ang talagang naloka ako ay sa nangyari noong Biyernes. Kinahapunan kasi may parada ang mga estudyante ng Maybato Elementary School bilang bahagi ng piyesta at lalo na ng Tubigon Festival. Festival ito na inspired ng sinulat kong maikling kasaysayan ng Maybato na ang lumang pangalan ay Tubigon (na actually ay Tubigën dapat ang ispeling dahil schwa sound ang huling patinig). Nagpasulat kasi sa akin ang barangay noon ng history ng Maybato Norte para may maibigay daw sila kapag may magtanong, lalo na ang mga estudyanteng nagri-riserts. Nang dumaan ang parada sa harap ng bahay, masaya ako dahil aktibong nakikilahok sa piyesta at festival ng barangay ang paaralan. Ang kaso, nang matapos ang parada, may programa pala sila sa Barangay Center na nasa likod lang ng Barangay Chapel.
Habang nagga-garden kami ni Jay, naririnig kong nagrorosaryo sa kapilya at nagpoprograma naman sa Barangay Center. Parehong may sound system kayâ nagpapaligsahan talaga sila. Masagwa pakinggan. Parang nababastos naman ang Santa. Noong maliit pa ako, talagang pinapatigil ng Barangay Kapitan ang musika sa Barangay Center habang may nagrorosaryo at nagmimisa. Hindi ako nakatiis at sinabihan ko si Jay na pumunta kami ng chapel. Tinanong ko ang Hermana Mayor kung ano ang nangyari. Nakiusap daw sila sa Barangay na bigyan sila ng isang oras lang sa pagdasal subalit hindi sila pinagbigyan. Nag-volunteer ako na kausapin ang Kapitan dahil kaibigan ko naman ito hinggil dito dahil baka maulit ito sa piyesta mismo at nakakahiya. Pero ang sabi hindi naman daw sasabayan ng barangay ng ingay ang misa sa piyesta.
Sana huwag kalimutan ng lahat na ang piyesta ay para sa Santong Patron. Hindi ito kasiyahan lang, inuman, at kainan. Araw ito ng pasasalamat at pagbibigay-pugay sa Santong Patron para sa lahat ng biyaya. Kung iba ang relihiyon mo, dahil may nagsabi sa akin na nag-iba na raw ng relihiyon ang Kapitan, puwede namang respetuhin lang ang rosaryo at misa ng mga Katoliko. Sa kaso dito sa Maybato Norte, maaari naman talagang paghiwalayin ang petsa ng Tubigon Festival at ang Kapistahan ni Nuestra Señora de los Remedios para walang conflict sa schedule at sa ingay. Pero kahit sabay naman ito, maayos na pag-uusap at koordinasyon ng mga iskedyul lang ang kailangan.
Nairaos din naman nang maayos ang pista. In fairness sa barangay, maraming aktibidad ang inorganisa nila. Ang tradisyonal na paligsahan ng mga bangka at pump boat—ang Bangkarera—ay mas marami ang sumasaling hindi taga-Maybato ngayon. Mayroon pa ngang Pawshion Show na paligsahan ng mga alagang aso. Sayang nga lang at kailangan kong mag-istima ng mga bisita sa bahay kayâ hindi ko napuntahan ang mga ito.
Naalala ko noon na palaging sinasabi ni Nanay kapag may problema siya, lalo na kapag wala siyang pera, na huwag kaming mag-aalala. Magdasal lang daw kay Nuestra Señora de los Remedios at manalig na siya na ang maghahanap ng “remedyo.” Kaya raw Remedios ito.
Kayâ laking tuwa ko nang minsang mapunta ako sa Malate Church sa Manila. Nadiskubre ko na ang Patron Saint ng simbahang ito ay si Nuestra Señora de los Remedios din. Mahigit pitong taon na ako nagtuturo sa De La Salle University ngayon na nasa Malate. Nakatira man ako sa Malate o Maybato, siya talaga ang aking Santong Patron. Lagi naman talaga. Marian devotee ako dahil kay Nanay. Walang araw o oras na hindi ko kinakausap ang Mahal na Birhen. Sa maniwala man kayo o hindi!