By John Iremil Teodoro
GIN-SURVEY ko agad ang mga maaaring kainan sa paligid ng Sukontha Mansion, isang condotel dito sa Salaya sa distrito ng Phutthamonthon sa lalawigan Nakhon Pathom sa west ng Bangkok, na magiging tirahan ko sa loob ng isang buwan dito sa Thailand. Mga isang oras at sampung minuto ang biyahe mula Suvarnabhumi International Airport papunta rito. Dahil halos mga estudyante ng kalapit na Mahidol University ang mga nakatira sa mga condominium building sa kalye na aking tinitirhan, maraming restawran sa paligid—may sosyal, may fastfood, may turo-turo/karinderya type, at may mga nagtitinda ng mga tusok-tusok sa tabing kalsada sa katapusan ng hapon hanggang gabi.
Walang kusina ang aking kuwarto kung kayâ kailangan kong kumain sa labas. Dahil wala ring electric kettle, bumili pa ako sa isang sosyal na school supplies store sa katabing building. Buti 450THB lang, mga PhP693 lang dahil PhP1.54 ang isang Thai Baht. Kailangan ko kasing makapagkape paggising ko ng mga alas-singko ng umaga. Salamat sa Diyos at may maliit na ref sa kuwarto. Nakapag-imbak ako ng almond milk, whole wheat bread, at mga prutas. May nabili nga ako sa isang grocery store sa tapat ng building namin na dilaw na plums. First time kong kumain. Ang lasa nito ay nasa pagitan ng hinog na Indian mango at peach.
Lumipad ako mula Manila papunta rito sa Thailand noong Easter Sunday. Naimbitahan kasi akong maging Visiting Professor sa Research Institute for Languages and Cultures of Asia (RILCA) ng Mahidol University. Mananatili ako rito hanggang Abril 28. Dapat noong Pebrero pa ako pumunta rito kaso may kaunting di pagkakaintindihan hinggil sa visa na gagamitin ko. Less complicated kung isang buwan na research fellowship na lang para pasok sa 30-day tourist visa bilang citizen ng ASEAN member country. Mabuti na rin ito dahil mas gusto ko talagang nasa Maybato lang ako ngayong sabbatical leave ko.
Bagong karanasan din naman sa akin itong pagiging Visiting Scholar (Parang ini-interchange lang nila sa pagpapakilala sa akin dito sa RILCA ang “professor” at “scholar.”). At least ngayon maki-claim ko na isa akong internationally recognized scholar. Char! Hindi writer ha kundi scholar.
Wika ang pangunahing problema ko rito ngayon sa Salaya. Sa Bangkok medyo okay pa dahil medyo marami ang marunong mag-Ingles. Dito sa Salaya, bihira ang marunong mag-Ingles. Kapag bumili ako, talaga tina-type sa calculator ang presyo para malaman ko. Sa Sukontha Mansion, ang manager lang na si Pipi (Yes, iyan talaga ang totoong pangalan niya) ang marunong mag-Ingles. Ang ibang staff niya hindi talaga. Ang hirap magtanong kung may kailangan ako.
May van ang Sukontha Mansion na naghahatid ng residents nito sa Mahidol kada oras. Kahapon sumakay ako sa 1:30 PM trip. Tatlo lang kami ang pasahero, isang estudyanteng babae ang nasa tabi ko at isang estudyanteng lalaki sa dulong likod. Ang sabi sa akin sa email ng taga-RILCA, bumaba ako sa tram stop sa harap ng Faculty of Science. Sa tapat daw nito ang RILCA at malapit daw ito sa Gate 1. Pagpasok namin ng Gate 1 sinabi ko sa driver na bababa ako ng Faculty of Science. Nagsenyas ang driver na hindi siya makaintindi ng Ingles. At least iyon ang pagkaintindi ko sa mga senyas niya at embarrassed na ngiti. Inulit ko ang Faculty of Science. Wala pa rin. Sabi ko sa katabi kong Girl, “Please translate it to Thai for him. I will go off the van at the Faculty of Science.” Ang sagot ni Girl, “Oh, I’m sorry I also don’t know how to speak Thai.” Naloka ako! Tumayo na si Boy mula sa likod at lumapit sa amin. Sinabihan ko siyang pakisabi sa driver na bababa ako ng Faculty of Science. Ang tanong ni Boy, “Which building, Sir.” Malay ko ba na marami palang building ang Faculty of Science! Kayâ ang sagot ko, “Any building.” Naisip ko, bahala na si Darna. Kahit mainit hanapin ko na lang ang building ng RILCA. Nakababa nga ako sa harap ng isang building na may malaking pangalang nasa Ingles na Faculty of Science. At salamat sa Diyos may signboard sa tabingkalsadang kinatatayuan ko na may English translation ang nakasulat. Klarong nakalagay ang pangalan ng RILCA at may arrow ito—150 meters away daw. Naglakad ako sa labas na 40 degrees ang heat index. Mabuti na lang may payong ako at maraming punongkahoy ang malawak na sidewalk. Kapansin-pansin ang mga golden shower tree na hitik sa mga dilaw na bulaklak!
Ang pangalan ng mga restaurant dito sa Salaya ay nasa Thai din. Yung iba may konting translation. Kayâ hirap akong maghanap ng vegetarian restaurant. Ang mga waiter at waitress nila ay hindi rin marunong mag-Ingles. Kung hindi ko mapanindigan ang plano kong mag-vegetarian food dito sa Thailand, language problem ang dahilan nito at hindi ang kahinaan ng aking self-discipline. Hayan, may valid excuse na ako.
Mga alas-dos ng hapon kahapon nang makapag-settle ako sa mesa ko sa silid ng mga visiting professor sa ikaapat na palapag ng RILCA. Tatlo raw kaming bumibisitang propesor ang nandoon ngayon sa RILCA pero wala sila roon. Ang sabi sa akin, hanggang 4:30 ng hapon lang ang opisina. Kayâ 4:15, pinatay ko ang aircon at ang mga ilaw sa may kalakihang silid. Nag-CR muna ako bago sumakay ng elevator pababa. Sa harap ng building, sa ilalim ng mga punongkahoy, may maliit na tindahan. Mukha itong high end na kiosko base sa dekorasyon sa harap nito na parang Mom and Tina’s ng Manila ang peg. Nauuhaw kasi ako at gusto kong bumili ng tubig. To my delight, may ice cream din sila! Bumili ako ng tubig at dalawang scoop ng chocolate flavored ice cream na inilagay sa apa (Pinapili ako ng tindera: ilalagay sa plastic cup o sa apa) at malamig na bottled water. May mga mesa at upuang simento roon sa paligid na isa lang ang okupado. Doon ako nagtambay muna para magpalamig. Masyado pa rin namang mainit ang sikat ng araw. Habang dinidilaan ang ice cream, nabubusog naman ang mga mata ko sa gintong alindog ng mga golden shower tree sa tabing-kalsada. April 1, at salamat walang nang-April Fool’s Day sa akin, at tinatawag ding April showers ang mga bulaklak na ito.
Bago pa man mag-alas-kuwatro, gin-check ko sa Google Map kung walkable mula RILCA pauwi ng Sukontha Mansion. Puwede! Mga 2.7 kilometers away lang ito at 36 minutos lang kung lalakarin. Nag-desisyon akong iyon na ang aking walking for the day. Saka ma-explore ko pa ang campus. Nakita ko rin sa mapa na may Starbucks sa kabilang building sa tapat sa Prince Mahidol Hall Conference Building. Siyempre, gusto ko ring makita itong Prince Mahidol Hall na iconic building ng unibersidad.
Paborito ng kapatid kong si Mimi na taga-Sweden ang Starbucks. Naisip kong bilhan siya ng tumbler na may pangalang Thailand o Bangkok para ipasalubong ko sa kaniya sa Hunyo. May napusuan naman agad akong disenyo at nang pumunta ako ng cashier sinabi sa akin hindi sila tumatanggap ng cash. Walang akong credit card. Ang debit card naiwan ko sa bag ko sa Sukontha. Pero marami akong cash. Give up na sana ako dahil ang hirap mag-explain at makiusap (o magmaldita) pero ang babaeng naghihintay sa kape niya ay nag-volunteer na card na niya ang i-swipe. Sa kaniya ko na lang ibigay ang 1,200THB na presyo ng tumbler. Magaling siyang mag-Ingles. Baka professor o nanay ng mga mukhang anak-mayaman na estudyante doon sa Starbucks. Nang tingnan ko siya, mistula siyang Diwata sa aking paningin. Mahiwaga ang kaniyang ganda lalo na’t may ibon na nakahapon sa kaniyang kaliwang balikat. Noong una akala ko part lang ng costume niya. Pero napansin ko buháy ang ibon! Gumagalaw. Mas maliit nang kaunti kaysa kalapati at hindi naman pikoy pero ang balahibo ay may kulay ng pula, dilaw, at berde!
Nagpasalamat ako sa babae at sa kaniyang ibon bago ako umalis ng Starbucks. Magical experience sa unang araw ko sa Mahidol! Iyan lang ang sabi ko sa aking sarili. Mukhang magandang pangitain ito.
Nag-selfie ako sa harap ng Prince Mahidol Hall, isang engrandeng gusali na hugis korona. Sa harap nito ay may malawak na artificial lake at may warning sa karatula. Malalim daw. Umaabot ng limang metro. Siguro may mga trying hard na sirena at siyokoy na tumatalon doon paminsan-minsan.
May apat na linggo pa ako rito sa Mahidol University. Ang napansin ko lang, marami silang mga lawa at pond. Marami ring mga punongkahoy na kahit sa kalagitnaan ng tag-araw ay mga luntian pa rin. Marami ring hardin. Marami pa akong panahon na bisitahin at kilalanin ang mga ito, at tiyak marami pa akong madidiskubre. Masaya ako na natuloy ang biyaheng ito kahit na nahidlaw agad ako sa Maybato.