Si Thep

By John Iremil Teodoro

HABANG naglalakad ako sa mga guho ng Sinaunang Bayan ng Si Thep at pinagmamasdan ang mga pagoda at stupa na yari sa mga bloke ng bato at mga tisang brick na kulay pulang lupa, naiisip ko kung bakit walang mga ganito sa ating arkipelago. O kung mayroon man bakâ hindi pa nadidiskubre? Nagmumuni-muni ako habang tinitiis ang mainit na sikat ng araw. Kung may tinatawag na “tiis-ganda,” tinitiis ang hirap at sakit sa ngalan ng kagandahan tulad ng pagpapa-liposuction, mayroon ding “tiis-talino,” tinitiis ang hagupit ng araw ngayong tag-init sa panahon ng El Niño sa ngalan ng pag-aaral at pagkatuto.

Nitong weekend sumama ako sa field-trip ng mga PhD in Multicultural Studies student ng Research Institute for Languages and Cultures of Asia (RILCA) ng Mahidol University kung saan ako Visiting Professor ngayong buwan ng Abril. Maliit na grupo lang naman kami. Pitong estudyante ang kasama namin nina Dr. Morakot Meyer (RILCA Director) at Dr. Somrak Chaisingkananont, faculty member ng RILCA. Isinama ako ni Dr. Morakot dahil gusto niyang magsulat ako ng tula tungkol sa Si Thep na isang bagong deklarang World Heritage Site sa probinsiya ng Phetchabun sa north-central Thailand na mga apat na oras ang biyahe mula rito sa Salaya kung nasaan ang Mahidol.

Ang Sinaunang Bayan ng Si Thep ay may lawak na 4.7 kilometro kuwadrado na napapalibutan ng pader at kanal (moat). May dalawang bahagi ito: ang Muang Nai o Inner Town at Muang Nok o Outer Town. Hanggang ngayon makikita pa ang mga ebidensiya ng mga pader at kanal na ito. Nagsimula ang arkeolohiyang pag-aaral ng Si Thep nang bisitahin ni Prinsipe Damrong Rachanuparb ang lalawigan ng Petchabun noong 1904 dahil nabasa niyang may isang sinaunang lungsod na tinatawag na “Si Thep” na nababanggit sa mga rekord ng Late Ayutthaya at Early Rattanakosin periods. Sa ngayon, itong Ayutthaya ang mas kilala dahil sikat na destinasyon ng mga turista dito sa Thailand ang Historic City of Ayutthaya dahil mga dalawang oras lang na biyahe ito mula sa Bangkok. Ang Ayutthaya, isang 14th to 18th century na sibilisasyon, ay matagal nang nadeklarang World Heritage Site.

Ayon sa librong Si Thep: A Center of Early Civilization in the Pak Sak River Basin (Hindi ko mabasa ang publisher at date of publication dahil nasaThai ito at may ilang pahinang summary lang sa Ingles sa dulo ng libro) na binili ko sa souvenir shop sa Si Thep Historical Park, pinasok ng dalawang kultura ang Si Thep: Buddist culture na kilala bilang Dvaravati culture noong ika-7 hanggang ika-11 na siglo, at ng Hindu Culture ng sinaunang Khmer culture noong ika-11 at ika-13 na siglo. Sa loob ng 700 na taon naging malagong bayan ang Si Thep at inabandona ito sa katapusan ng ika-13 na siglo at hindi pa alam ng mga eksperto kung anong dahilan.

May tatlong malaking monumento sa Muang Nai: ang Khao Klang Nai, Prang Si Thep, at Prang Song Phi Nang. Bukod dito, mayroon pang 45 na maliliit na monumento at istruktura, at may mga 70 na lawa-lawaan na imbakan ng tubig. Nasa mataas na bahagi kasi ng Thailand and Si Thep at kailangan nilang mag-imbak ang tubig-ulan para may magamit silang tubig. Sa Muang Nok naman may 64 na maliliit na monumento at napapalibutan din ito ng pader at kanal.

Sa labas naman ng Si Thep ay may nakakalat din na 50 na monumento. Dalawang kilometro mula sa sinaunang bayang ito ay ang malalaking monumento na Khao Khlang Nok at Prang Ruesi. Labinlimang kilomentro pakanluran naman dito ang sagradong bundok na Khao Thamorat. Sa taas nito ay may kuwebang may mga nakaukit na imahen ng Buddha at Bodhisattva. Bahagi sana ng field trip namin ang akyatin ang bundok na ito at bisitahin ang sagradong kuweba. Mabuti na lang kinansela ito dahil may “heatwave” ngayon sa Thailand. Mas mainit ng dalawang sentigrado rito kaysa Manila. Habang tinatanaw ko mula sa malayo, alam kong hindi ko kakayaning akyatin ang bundok na ito!

Dahil nasa lakbay-aral kami, dinala kami ng dalawang guide na mga anthropologist ng Si Thep Historical Park na sina Sachipan Srikanlaya at Napas Kiatkraikul sa taas ng Khao Khlang Nok. Salamat sa Diyos at marunong mag-Ingles itong dalawang guide namin. Hindi pinapayagan ang mga turista na umakyat doon pero dahil nandoon kami upang pag-aralan ang lugar, dinala kami roon. Tiis-talino ang peg dahil tanghaling-tapat kaming umakyat doon! Isang parisukat na estruktura ang base nito na may habang 64 metro ang kada side. Sa taas nito may malaking stupa na yari sa mud bricks na baka raw noong unang panahon ay nababalot ito sa plaster. Tinatayang ang edad nitong monumento ay bumabalik pa sa ika-7 at ika-8 na siglo. Sa baba ay may bulletin board na may larawan ng Khao Khlang Nok noong ini-excavate ito dahil natabunan na ng lupa at mga punongkahoy at mukhang maliit na bundok lamang ito.

Ayon sa dalawang guide, ang mga guhong na-excavate sa Si Thep Historical Site ngayon ay mga monumento o dating mga templo ng Mahayana o Theravada Buddhism na nagmula pa sa India. Ngayon muling ipinamukha sa akin ng lakbay-araw na ito kung gaano ka Westernized ang aking edukasyon. Masyadong kumplikado para sa akin ang kasayasayan ng Buddhismo at Hinduismo, na mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Asya. Kailangan ko pang magbasa hinggil dito.

Sa interbyu namin sa tagapangulo ng Provincial Cultural Council ng Petchabun na Dr. Wisan Kosittanon sa kaniyang opisina sa ilalim ng isang higanteng itim na Buddha, sinabi niya na inabot ng pitong taon ang aplikasyon nila sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) para ideklarang World Heritage Site ang Sinaunang Bayan ng Si Thep. Malaking bahagi ng gawaing ito ang ipaalam sa mga taga-Phetchabun mismo ang halaga ng mga archeological site nila.

Ayon pa kay Dr. Wisan ito ang dahilan kung bakit ang konseho nila ay nanguna sa pagtatag ng mga museo sa kanilang lalawigan: mayroong sampung museo sa city center nila at may 17 museo sa buong lalawigan. Kailangan daw kasing malaman ng mga tao ang kanilang kultura para kapag alam at kilala na nila ito mas lalo nilang pahahalagahan ang kanilang lungsod at probinsiya. Kapag mahal na ng mga tao ang kanilang lugar, maipagmamalaki na nila ito sa mga bisita at turista. At dahil pinapahalagahan na nila ang kanilang cultural heritage, mapapangalagaan na nila ito.

Naisip ko tuloy kung may ilang museo kayâ ang Lungsod Iloilo na tungkol sa kulturang Ilonggo? Di hamak na mas malaking lungsod ang Iloilo kay sa Phetchabun. Naiisip ko siyempre ang Museo Iloilo, University of the Philippines Visayas Museum of Art and Cultural Heritage, National Museum-Western Visayas Regional Museum, Museum of Philippine Economic History, at Museum of Philippine Maritime History. Nandiyan din ang literary museum ng manunulat na si Rosendo Mojica sa Molo. Sayang nga at nasa pribadong pag-aari na ngayon ang bahay ni Magdalena Jalandoni sa Commission Civil Road sa Jaro. Parang museo din ito noon. Matagal ko nang sinasabi na bukod sa pagiging UNESCO City of Gastronomy, maaari ding maging UNESCO City of Literature ang Iloilo City dahil sa maraming mga manunulat nito. Sana nga magkaroon ng bahagi ng museo ng UPV na ilalaan sa mga memorabilia ni Leoncio P. Deriada. Nitong nakaraang Biyernes lang, ginanap sa UPV ang Leoncio P. Deriada Conference on Literature and Cultural Work na inaasahang magiging taunang kumperensiya na.

Ang nakakalungkot para sa akin ay ang Antique. Walang museo sa capital town ng San Jose de Buenavista, lalo na ang tungkol sa kasaysayan at kultura nitong aming probinsiya. Although ang naririnig ko, magkakaroon, o i-revive, ang museo sa na-restore na Old Capitol Building. Maganda na ang Provincial Library doon at sana nga magkaroon din ng maayos na museo tungkol sa Antique. Alam kong may museo ang University of Antique sa Sibalom subalit hindi ko pa napupuntahan ito. Sana makausap ng mga opisyal ng lalawigan ang mga katulad ni Dr. Visan ng Phetchabun para malaman nila ang halaga ng pagkakaroon ng mga museo sa Antique.

Gabi na ng Linggo kami nakabalik ng Salaya. Pagod man dahil masyadong nabilad sa araw at natorta ang utak dahil sa information overload, nagpasalamat ako kina Dr. Morakot at Dr. Somrak na isinama ako dahil marami akong natutuhan hindi lamang tungkol sa Si Thep, sa Thailand, kundi pati na rin sa kultura ng Southeast Asia sa kabuoan. At least ngayon, nasisilip ko na ang mga koneksiyon ng mga nakita ko sa Bali at Cambodia sa Thailand. Malakas ang kutob ko na mauunawaan ko rin balang-araw pati ang koneksiyon ng mga ito sa kulturang Panaynon at kulturang Filipino sa kabuoan.