Back in Manille

By John Iremil Teodoro

NATAPOS nang ganun-ganun na lang ang 29 na araw ko bilang Visiting Professor/Scholar sa Mahidol University sa Thailand at balik na ako rito sa Filipinas. Sa halos isang buwang pananatili ko roon, lalo kong napagtanto na masyado na talagang napag-iiwanan ang ating bansa at parang alam ko na kung bakit kulelat ang ating mga unibersidad kumpara sa mga unibersidad sa Thailand.

Kung pagbabasehan natin, halimbawa, ang Times Higher Education (THE) World University Ranking 2024, parehong nasa 601-800th na puwesto ang Chulalongkorn University at Mahidol University ng Thailand samantalang nasa pang-1201-1500th na puwesto ang University of the Philippines (UP) at 1501+ naman ang De La Salle University (DLSU). Mga ranking ito ng mga “research intensive universities” at bahagi ng criteria nila ang ang “teaching, research environment, research quality, industry (knowledge transfer), at international outlook (staff, students and research (timeshighereducation.com).” Masyadong malayo ang mga nangungunang unibersidad natin sa mga nangungunang unibersidad sa Thailand.

Kung titingnan naman natin ang QS World University Ranking na ang criteria ay, “Sustainability, employment outcomes, at international research network (topuniversities.com),” kulelat pa rin tayo. Ang Chulalongkorn ay pang-211 at pang-382 ang Mahidol. Ang UP ay pang-404 at ang DLSU ay pang-681-690.

Sa 2024 EduRank survey naman ng 14,131 na mga unibersidad sa 183 na mga bansa, kalunos-lunos din ang ranking ng mga unibersidad sa bansa natin. Ang criteria naman nito ay nakabase sa “scholarly paper data base with 93,302,198 scientific publications and 2,149,512,106 citations” at sa over-all ranking ay kasama na ang “non-academic prominence and alumni popularity indicators (edurank.org).” Pang-475 ang Mahidol at pang-476 ang Chulalongkorn. Ang UP Diliman (Hiwalay ang ranking ng iba pang UP campuses) naman natin ay pang-1,367 at pang-1,752 ang La Salle. Over-all ranking ang mga ito kasi segregated pa per discipline ang EduRank survey.

Siyempre hindi ko naman sinasabi na itong tatlong mga world university ranking ang ultimate na sukatan ng pagiging magaling na unibersidad. May mga nagkukuwestiyon din siyempre sa survey methods nila. Halimbawa, masyadong biased pagdating sa reputation. Yung mga may pangalan nang unibersidad ay may edge na talaga. May mga nagsasabi rin na paraan lamang ito ng mga Westerner upang palabasin na sila ang nangunguna pagdating sa edukasyon. Pero gayunpaman, marami tayong matutuhan sa resulta ng mga survey na ito. Maaari natin itong gamitin sa paggawa ng mga polisiya kung paano mapaunlad ang sektor ng edukasyon. Imbes na maging bitter agad, maaari nating tingnan, lalo na ng mga politiko at mayayamang negosyante na may kakayahang tumulong sa mga unibersidad natin, kung ano ba ang magagandang ginagawa sa mga karatig-bansa natin sa Southeast Asia tulad ng Singapore, Malaysia, at Thailand kung bakit di hamak na mas mataas ang ranking ng mga unibersidad nila kaysa atin.

Sa maikling pananatili ko sa Mahidol, nasisilip ko na kung bakit mataas ang ranking nila at malaking bahagi nito ang pera, ang badyet. Marami din kasi tayong masisipag at matatalinong propesor sa bansa ngunit bugbog lang sa teaching loads at limitado ang badyet para mag-research. Public university ang Mahidol at mukhang binibigyan sila ng malaking badyet ng kanilang gobyerno. Sa unang pasok ko pa lang sa campus nila nakita ko na agad na mayaman silang unibersidad. Masakit mang aminin, pero nagmukhang mahirap ang La Salle at Ateneo natin kung ikukumpara sa Mahidol. Noong Agosto ng nakaraang taon nang tinanggap ko ang S.E.A. WRITE award ay nagsalita ako sa isang forum sa Chulalongkorn University at nakita ko rin ang pagiging mayaman nila. Siyepre, private universities ang La Salle at Ateneo at nakasalalay lang ang badyet sa makokolektang tuition fee at donation mula sa pribadong sektor.

Obvious na binubuhasan ng pera ng pamahalaan nila sa Thailand ang kanilang mga unibersidad. Sa Salaya kung nasaan ang Mahidol, may dalawa pang malalaking unibersidad doon na malalawak din ang campus at magagara ang mga gusali. Dito sa atin sa Filipinas tinitipid ng pamahalaan ang badyet ng UP at ng mga state university. Kailangan pang magsipsip ng mga university president sa mga senador, sa mga kongresman, sa first lady, at sa presidente para magkaroon sila ng mga bagong building. Ito kasing mga politiko natin ay ang kakapal ng mukha, nag-aasta silang pera nila ang pera ang bayan. Saka sa kalakaran ngayon sa gobyerno, malamang kumikita rin ang mga politikong ito sa mga proyekto nila.

Hindi ko rin sinasabi na hindi kurap ang mga politiko sa Thailand. May mga corruption scandal din naman sila. Pero siguradong hindi kasing sungak-sungak at garapal magnakaw tulad ng mga politiko natin na malaking isyu ang mga confidential fund nila. Ultimo pambili ng mga bakuna at mga medikal na gamit para sa pandemya ay pagkakakitaan pa talaga nila.

May naging kaibigan ako na M.S. Microbiology student doon sa Mahidol. Na-PM siya sa akin sa Messenger dahil nakita raw niya ang mga post ko na nasa Mahidol ako. Noong high school daw siya sa Silay City, nag-attend siya sa creative writing workshop na ibinigay ko roon labinlimang taon na ang nakalilipas! Nag-volunteer siya na maging interpreter at tour guide ko, kung kakayanin ng kaniyang iskedyul dahil nakababad siya sa laboratory, dahil alam niyang mahihirapan ako dahil sa language barrier na totoo nga. Sikat ang Mahidol sa medical programs nito at may full scholarship siya. Noong kararating lang daw niya sa Thailand ay nagkasakit siya. Kailangan niyang magpa-ospital para magpakonsulta at magpa-laboratory. Sinabihan daw siya sa hospital na dalhin niya ang kaniyang mga resibo kasama ang mga gamot na bibilhin niya na pang-isang linggo sa medical clinic ng Mahidol para ma-reimburse ito dahil covered ito ng insurance niya bilang estudyante. At ni-reimburse nga ng Mahidol ang mga ginastos niya sa pagpapagamot!

Minsan habang lumalamon kami (o baka ako lang!) ng Thai food sa isang mall, naitanong ko sa kaniya kung ano ang plano niya sa kaniyang karera. Naghi-Hiligaynon kami siyempre. Sabi ko mag-PhD na siya agad para pagbalik niya sa Filipinas upang magturo ay bongga na siya. “Ay, Sir hindi na siguro ako babalik sa atin para magturo. Mahirap maghanap ng trabaho sa atin at saka kung meron man maliit ang suweldo,” sabi niya. Hindi ako nagulat. Sabi ko, “Tama ka. Maghanap ka ng trabaho rito sa Thailand. Or better, mag-migrate ka sa Canada o sa Europe.” Tumawa siya at sinabi sa akin na iyon ang plano nila ng boyfriend niyang afam. Magyo-Europe sila. Sabi ko pa sa kaniya, “Tama ‘yang plano ninyo. Wala nang pag-asa ang Filipinas. Tingnan mo ang mga politikong namumuno sa atin ngayon. Tiyak na talaga ang pagbagsak ng bansa natin.” Iyon din daw ang iniisip niya.

Sabi ko sa kaniya, bata pa siya at matalino at maaari pang mag-build ng career sa isang bansang mas maayos ang pagpapatakbo ng pamahalaan. Binanggit ko siyempreng halimbawa sa kaniya ang Sweden na isang welfare state. Ako kasi matanda na. Too late nang mag-migrate pa sa Europa. Saka maayos naman ang trabaho ko sa La Salle kung saan pinalad akong maging full professor. Saka may kaunting minana ako mula sa aking mga magulang kung kaya’t may kaunting leverage ako sa finances pag-retiro ko. Saka hindi naman kami magkakaanak ng partner kong si Jay. Ang balak namin tumira sa isang maliit na bahay at magtanim ng mga gulay at prutas na kakainin namin. Simple lifestyle lang kami sa probinsiya pero marangal. Hindi kami magnanakaw sa kaban ng bayan o manloloko ng ibang tao o mang-agaw ng lupa para lang magkapera at magkaroon ng buhay na marangya.

Ang totoo niyan, tinatamad na sana akong pumunta ng Mahidol. Pero ngayon, nagpapasalamat ako sa ilang kaibigan na nagpayong pumunta ako roon. Sa loob ng 29 na araw ng pananatili ko sa Thailand, marami nga akong natutuhan.