By John Iremil Teodoro
KAMI ang may unang TV sa Maybato noong maliit pa ako. Ito ang TV na nasa loob ng parang kabinet at siyempre black and white pa. Kailangan pang maglagay sa bubong namin ng antenna. Kayâ alam talaga ng lahat kung may TV kayo at status symbol ito. Ang paborito naming teleserye noon ay ang “Flor de Luna” na ang bida ay si Janice de Belen. Ang paboritong ko namang palabas na cartoons ay ang “Ran Ran Flower Angel” dahil may mga bulaklak sa palabas na ito at kahit na black and white ay makulay ito sa aking isipan.
Ongoing ngayon ang “Asian TV Drama and the Popular Mind in Southeast Asia Conference” sa De La Salle University (DLSU) sa Taft Avenue, Manila. Tatlong araw na hybrid (may in-person at online sessions) na international conference ito na inorganisa ng DLSU at Chulalongkorn University ng Thailand. Ang kaibigan kong si Shirley Lua (Assistant Dean for Research and Advanced Studies ng College of Liberal Arts ng DLSU at chair ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino o URIAN) ang conference convener kayâ kahit naka-sabbatical leave ako ay nag-volunteer akong sumamang sumundo sa airport ng mga bisita mula Thailand noong Linggo at nag-attend ako ng opening ceremonies noong Lunes ng umaga. Nagkataon kasing nandito ako sa Manila ngayon dahil nagpo-process ako ng visa ko pa-Sweden.
Informative at thought provoking ang dalawang keynote address nina Dr. Shin-Dong Kim ng Hallyn University (South Korea) at Dr. Suradech Chotiudompant ng Chulalongkorn University (Thailand).
Ang talumpati ni Dr. Kim ay pinamagatang “Homo Narrator: Living in the Prison of Narratives” na nagsasabing lahat tayo ay may naratibo o kuwentong kinikilingan at kinakapitan. Dahil dito mistula tayong nakakulong sa ating biases, sa katigasan ng ating mga ulo at puso. Dahil din sa pinaniniwalaan nating naratibo, kung minsan nagiging malupit tayo sa ating kapuwa tao. Ito ang dahilan kung bakit may mga giyera. Halimbawa sa nangyayari sa Gaza ngayon, magkaiba ang naratibong pinanghahawakan ng karamihan sa mga taga-Israel at sa naratibong pinaniniwalaan ng mga kasapi ng Hamas kayâ nagpapatayan sila at marami sibilyan ang nadadamay sa gulo.
Nakikita ni Dr. Kim ang pag-asa sa global television. Maaaring magbukas ito ng panibagong espasyo kung saan maaari tayong humabi ng mga bagong naratibo ng kapayapaan at paninirahan sa mundo na magkakasama na hindi nag-aaway. Kung gusto raw kasi nating baguhin ang hiniharap ng sangkatauhan, kailangan nating palitan ang mga mapangwasak nating naratibo ng mga naratibong nakabase sa ating mga pagkakatulad.
Naisip ko, magandang lente itong idea ng homo narrator upang maintindihan natin ang mga nangyayari ngayon sa ating bansa. Tayong nakapag-aral at mga nag-iisip, nagtataka kung bakit may mga taong hanggang ngayon ay naniniwala pa rin sa mga Duterte at mga Marcos. Halimbawa, alam naman ng lahat na walang nangyari sa mga ipinangako ni Duterte noon nang mahalal siya bilang presidente na bigyan lang siya ng anim na buwan, mawawala na ang droga at masasawata na ang rice cartel. Alam na rin ng lahat na walang nangyari sa pangako ni Bong Bong Marcos na magkaroon ng bigas na mabibili sa PhP20 kada kilo. Alam na rin natin na pang-eleksiyon lang ang UNITY team ng mga Marcos at Duterte at nag-aaway na sila ngayon dahil ang iniisip na nila ang presidential election sa 2028. Pero bakit pagdating sa mga survey kitang-kita pa rin ang suporta ng karamihang Filipino sa kanila? Kasi bilanggo sila sa naratibong ipinalunok sa kanila sa pamamagitan ng fake news sa social media. Kitang-kita rito ang matagumpay na trabaho ng mga bayarang troll upang ipakalat ang mapanlinlang na naratibong magaling na presidente si Duterte, at hindi nagnakaw ang mga Marcos at walang human rights abuses sa panahon ng Martial Law.
Katabi ko si Clarissa Militante, ang kasalukuyang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center, nang umagang iyon ng Lunes. Sa open forum nagtanong siya kay Dr. Kim: Saan tayo magsisimula kung gusto nating baguhin ang naratibo? Ang sagot ng pantas mula sa South Korea, hindi madaling sagutin ang tanong na ito dahil kailangan ng panahon para maisagawa ang ninanais na pagbabago. Masyado na umanong malakas ang mga “metanarrative” tulad ng “narrative of modernity” na halos lahat tayo ay naniniwala. Kayâ aniya kailangan nating linangin at patibayin ang ating cultural capital upang makakapili tayo ng mas makatarungan at makabuluhang naratibo.
Naisip ko, ito ang halaga ng mga sikat na palabas sa TV tulad ng teleserye. Maaari itong maging paraan upang isulong ang mga universal value tulad ng katotohanan at katarungan. Kunsabagay matagal nang sinabi ni National Artist Bienvenido Lumbera na paaralan din ang pelikula dahil maaari itong magturo ng mga halagahan sa mga manonood.
Ang talumpati naman ni Dr. Suradech ay tungkol sa mga seryeng zombie, “Unvieling Asian Undead: Unraveling Ideological Encounters in Korean Zombie Narratives.” Ang pinakaideya ng presentasyon ni Dr. Suradech ay ito: ang inaakala ng marami na ang mga zombie narrative sa mga pelikula at serye ay mababaw lamang at mayroon lamang entertainment value, ay isang uri pala ng “critique of society” kapag suriin natin ito.
Ang binigay niyang unang halimbawa ay ang “Train to Busan” na isa raw critique ng kapitalistang lipunan. Ang “Happiness” ay isang critique sa pagiging profit oriented ng mga pharmaceutical company. Ang “Kingdom” naman ay tungkol sa halaga ng kapangyarihan at mabuting pamumuno. Dito pinapaalalahanan ang mga manonood hinggil sa mga “unethical desire for wealth, power, and recognition.” Ang “All of Us are Dead” naman ay tungkol sa halaga ng empathy, ng pagdamay sa kapuwa, na siyang naghihiwalay sa atin sa pagiging zombie. Sa seryeng ito, makikitang may kakayahang mag-empathize ang isang zombie kayâ parang half-zombie lang ito.
Ang pinakagusto ko sa natutuhan ko sa keynote address ni Dr. Suradech ay mga “cautionary tales for being too materialistic or too self-centered” ang mga kuwentong zombie. Ang pagiging gahaman sa kapangyarihan, kayamanan, at kasikatan ang siyang nagiging dahilan ng pagiging zombie nating mga tao. Agad kong naisip sina Enrile at Duterte. Kapag mapanood ko sila sa TV, para talaga silang mga zombie. Ang mga tulad nina Bato dela Rosa at Harry Roque ay papunta na rin doon.
Nang pag-aralan ng kritikong si Soledad Reyes ang mga popular na nobela at komiks sa Tagalog, sinabi na niyang kailangang basahin at pag-aralan ang mga ito dahil maraming sinasabi ang mga ito hinggil sa ating lipunan. Halimbawa, laging may kumukontra sa pag-iibigan ng isang mahirap at isang mayaman. Sa mga teleserye natin, marami din tayong matutuhan na mga naratibong makakatotohanan at makakatarungan.
Hindi na ako nanonood ng mga teleserye ngayon dahil antok na ako pagkatapos ng balita sa prime time. Pero ang partner kong si Jay ay adik sa “Abot Kamay ang Pangarap” na lumalabas sa GMA7 kada 2:30 ng hapon. Kung magkasama kami, wala akong choice kundi makinood o kung hindi man, naririnig ko ang mga dialogue habang ako’y nagsisiyesta. Kayâ kahit papaano nasusundan ko ang kuwento ni Analyn, ang batang doktor na genius pero anak sa labas kayâ inaapi-api ng legal na asawa ng kaniyang tatay na may-ari ng hospital. Ang ilan lang sa mga katotohanan hinggil sa ating lipunan na makikita sa teleseryeng ito ay: 1.) Magastos magkasakit dahil mahal ang gamot, bayad sa doktor, at bill sa hospital; 2.) Negosyo ang serbisyong medikal sa ating bansa; 3.) Matapobre ang mga mayaman; 4.) Hindi ka basta-basta makukulong kapag may pera ka kahit makagawa ka pa ng krimen; at 5.) May palakasan kahit saan.
Natawa si Clarissa nang sinabi ko sa kaniya na wala akong napanood sa mga pelikula at seryeng binanggit ni Dr. Suradech. Akala niya nagbibiro lang ako. Sabi ko sa kaniya wala kasi akong Netflix account. Hayan, pinag-iisipan ko na tuloy kung magda-download na ako ng apps ng Netflix sa iPhone ko o hindi. Gusto ko nang manood ng mga pelikula at seryeng zombie. Mukhang guwapo kasi yung lalaki sa video clip ng “Train to Busan” na ipinakita sa lektura.