Paglipad Patungo sa Dilim

By John Iremil Teodoro

LITERAL ito. Alas-nuwebe ng umaga umalis ang eroplanong sinakyan ko mula sa Dubai at pagkatapos ng siyam na oras na biyahe ay dumating ako sa Manila alas-diyes ng gabi. Dapat alas-sais ng hapon lang ang dating dito sa Filipinas pero dahil apat na oras ang abanse ng oras dito sa atin kaysa Dubai, gabing-gabi na ang paglapag ng eroplano. Literal na lumipad kami mula sa liwanag patungo sa dilim.

Puwede rin namang metaporikal. Mula sa maayos na airport ng Dubai, at pati na rin sa airport ng Copenhagen kung saan ako sumakay ng anim na oras para makarating mula sa pine forest ng Scandinavia papuntang disyertro, ay lumapag ako sa paliparan ng bayan nating sawi, NAIA Terminal 3 to be specific, at tila dumating ako sa madilim na bungad ng impiyerno—nagsisiksikang mga tao sa passport control ng immigration na walang mga taga-airport o taga-Bureau of Immigration na nagga-guide sa mga tao kung saan pipila. Sa mga nakaranas nang dumaan sa mga internasyonal na paliparan ng Singapore o Bangkok, marami silang staff na nag-aayos ng linya sa mga immigration counter nila kayâ hindi magulo ang pila.

Nakipagsiksikan ako at nakapuwesto sa parang isang linya at salamat sa Diyos at linya nga ito at may nadaanan akong dalawang airport security o tauhan ng immigration na ang isa nakatayo at ang isa nakaupo at parang tulala silang pinapanood ang chaos. Naisip ko baka antok na rin sila kasi maghahating-gabi na. At least ako may jet lag. Pakiramdam ko late afternoon pa lamang dahil iyon ang oras sa Sweden, ang naging oras ko sa loob ng isa at kalahating buwan.

Pinigilan ko ang sarili na magsuplada. Inalo ko na lamang ang sarili at sinabihan ng, “Ano ba, Gurl parang hindi mo naman alam na worst airport in the world itong airport n’yo. Wala kang dalang pastillas kayâ tiisin mo ang magulong linyang ito kesehodang pagod ang katawan mo sa halos isang araw na pagbiyahe mula Europa. Kung super yaman sana ang pinagmulan mong angkan o corrupt politicians ang parents mo, I’m sure makapag-short cut ka. But since ordinary Filipino citizen ka magdusa ka! Saka hello, nagbakasyon ka na nga sa Europa na malalangit, tanggapin mo na balik-impiyerno ka na sa bansa natin.” Kaloka! Sana hindi malakas ang pagkasabi ko nito sa sarili ko kagabi habang naiinis na pumipila.

Nagkaroon ng bonggang glitch sa computer system ng maraming airport sa buong mundo noong Biyernes. Kayâ siguro sobrang dami din ng tao sa airport kagabi dahil maraming flight ang nakansela o naleyt. Buti hindi affected ang mga flight sa Copenhagen Airport. Sabado pa ng alas-tres ng hapon ang flight ko pa-Dubai at Biyernes pa lamang ng umaga ay nasa Copenhagen na kami ni Mimi. Gusto naming gumala pa sa Copenhagen at nag-overnight kami sa isang hotel sa harap lang ng airport. Parang wala naman akong napansing kaguluhan sa airport noong Biyernes dahil doon kami bumaba sa tren mula sa Växjö.

May pogi at sexy na Swedish akong katabi sa eroplano mula Copenhagen patungong Dubai. At least six footer siya, malaki at maskulado ang kaha ng katawan, mahaba ang mga maskuladong binti na kulay ginto ang balahibo, at mukha siyang mabait na Viking. Peaky blinder (Gin-Google ko lang po) ang tabas ng buhok at parang kay sarap haplusin ang manipis na balbas niya. Ang tangos ng ilong at deep-seated ang mga mata.

Noong una akala ko suplado. Sa harap na upuan kasi namin may mag-asawang Pinoy na selfie nang selfie sa upuan nila. Pag-upo pa lang nila at umaakyat pa ang ibang pasahero, selfie galore na sila. Napapansin ko na tinatakpan nitong poging Swedish (na hindi ko pa alam na Swedish, basta puti siya) ng mga kamay ang mukha niya kung pakiramdam niya nahahagip siya ng selfie ng dalawa. Ako dedma lang kunwari. Itong is Adrian (Iyan ang pangalan ng Swedish na nalaman ko habang lumilipad na ang eroplano ang nagkukuwentuhan na kami.) ay nakaupo sa may bintana. Ako ang nasa aisle seat. Kung ang flight ko ay mga isang oras lang naman tulad ng pauwi sa Antique o Iloilo, sa window seat ako umuupo. Pero kapag ang biyahe ay internasyonal na sobra sa tatlong oras, aisle seat ang pinipili ko para madaling pumunta ng CR. Kapag umiinom ka kasi ng metformin tulad ko, talagang mapapa-CR ka palagi.

Nang gin-announce na isasara na ang pinto ng eroplano at bakante pa rin ang upuan sa pagitan namin, ngumiti siya sa akin kayâ tumayo ako at umupo sa tabi niya sabay hawak sa kaniyang kamay. Char lang. Magagalit ang partner kong si Jay sa akin! Pero totoo na ngumiti siya sa akin at inilagay ang nakabalot pa sa plastic na airline kumot at unan niya sa bankateng upuan. “I guess this seat is ours now,” sabi niya sa akin. “Yes, it is ours. Our flight will be very comfortable,” sagot ko at siniguradong ang ngiti ko ay parang ngiti ni Gloria Diaz nang manalo siya ng Miss Universe. Ngiting panalo pero sweet at dignified. Gustong-gusto ko ang tunog ng, “It is ours.” Inilagay ko rin ang aking kumot at unan sa bakanteng upuan sa tabi ng kumot at unan niya. Metaphysical conceit kumbaga.

Gaya ng inaasahan, naghiwalay kami ni Adrian sa pintuan ng eroplano paglapag namin sa Dubai.  “So I guess this is good bye,” masaya niyang sabi bago kami tumayo sa aming upuan. “Enjoy your vacation here in the dessert,” sagot ko naman. At sabay pa kaming natawa nang gin-announce na 37 degree celcius ang temperatura sa labas. Sila kasing mga Swedish, 24 degrees lang nagrereklamo na silang mainit. “Oh don’t worry the hotels and malls are airconditioned,” sabi ko. “Yes but I guess I have to hydrate well when I’m outside right?” sabi niya. “Yes, you should drink a lot of water. Hope to see you in the Philippines,” ang huling sinabi ko sa kaniya.

Siyempre alam kong nakakahiyang mag-imbita ng European sa bansa natin, lalo na ng isang Swedish. Pero alam kong magaganda ang beach natin. Alam kong maraming Filipino pa rin ang maganda ang ugali.

Madilim man ang kasalukuyang sitwasyon ng Filipinas ngayon dahil intellectually and morally bankrupt ang political at economic elite ng bansa at coopted nila ang educated middle class, uuwi pa rin ako rito. Magtatrabaho pa rin ako nang ilang taon pa rito sa Manila at mag-e-early retirement para makauwi ng Antique para mas maraming oras na magsulat at maghardin sa Maybato, Iguhag, at Aningalan.

Habang sinusulat ang sanaysay na ito, nabasa ko sa Facebook feed ng aking poging [Note: Do not edit this out! Hehehe…] editor ang isang e-poster na nagsasabing, “People settle for a level of despair they can tolerate and call it happiness. – Søren Kierkegaard.” Well, well, well… Kagagaling ko lang sa Copenhagen kung saan ipinanganak at namatay ang Christian existentialist philosopher na si Kierkegaard. Kung sinasabi ko mang mala-langit ang Sweden, hindi naman talaga perpekto ito. May mga nakita at may mga nalaman din akong kakulangan. Pero kung ikukumpara ito sa Filipinas, magmumukha ngang langit itong bansa nina Juliet at Evert John.

 

Malaimpiyerno ang buhay natin dito sa Filipinas—mahal ang mga bilihin, mahal ang edukasyon, mahal magkasakit, mahal magkaanak, mahal mamatay dahil maliit ang suweldo at marami ang walang trabaho. Ang pera ng gobyerno ay ninanakaw pa ng mga politiko at mga opisyal ng pamahalaan. Gayunpaman maganda ang Filipinas at kaya kong maging masaya sa isang bansang naghihirap dahil siguro sinuwerte akong maging privilege kahit papaano, simple lang naman ang mga materyal kong pangangailangan, at mababaw ang aking kaligayahan—ang magbasa at magsulat ng literatura, at maghardin. Tama si Keirkegaard, nato-tolerate ko ang aking despair, ang mga despair ng aking kababayan, kayâ nakakaya ko pa ring maging masaya kahit papaano.