Ginanap ang hybrid-flexible (hyflex) na pagsasanay sa mga grantee ng proyektong Dokumentasyon ng mga Wika ng Pilipinas noong 3–4 Hulyo 2024 sa MESLA Hall, Malacañang Palace Complex, San Miguel, Maynila. Layunin ng pagsasanay na mabigyan ng karagdagang kaalaman ang mga grantee hinggil sa pagdodokumento ng wika at kultura, pagsukat sa kasiglahan ng wika (language vitality), pagme-metadata, etika sa pananaliksik, at ortograpiya.
Dinaluhan ito ng mga punóng mananaliksik na sina Pablito Gonzales ng Confederation of Indigenous Peoples Organizations in Southern Negros Occidental (CIPOSNO), Leonisa Impil ng Carlos Hilado Memorial State University (CHMSU) para sa wikang Binukignon/Binukidnon, Radji Macatabon ng University of Southern Mindanao (USM) para sa wikang Manobo Kalamansig, at Leonardo Tejano ng Mariano Marcos State University (MMSU) para sa wikang Isneg, kasama ang kanilang mga katuwang na mananaliksik.
Ang gawaing ito ay bahagi ng proyekto ng KWF sa pangangalaga ng mga katutubong wika ng Pilipinas.