Imadyin

By John Iremil Teodoro

WHAT if kung dito sa Filipinas libre ang edukasyon at ang serbisyong pangkalusugan?

Halimbawa, anumang kurso ang gusto nating kunin at saan man gusto nating mag-aral ay kailangan lang ipasa ang entrance exam at maaari na tayong mag-enrol na hindi kailangan ng perang pang-enrol. Halimbawa alam nating maganda ang mga kurso sa computer science, business, o literature sa De La Salle University. High school pa lamang tayo maaari na nating targetin ito. Mag-aral tayo nang mabuti para maging mataas ang ating grades at magkaroon ng sapat na talino para maipasa ang entrance exam. Kapag naipasa na natin ang entrance exam, go na tayo sa La Salle at mag-enrol. Gayundin kung gusto natin ng mga kurso sa social science o philosophy, mag-enrol tayo sa Ateneo de Manila University. Imadyinin natin na kahit sa La Salle o sa Ateneo man tayo mag-aaral, hindi magkakandakuba ang mga magulang natin sa pag-ipon ng pambayad ng tuition dahil libre ito.

Imadyinin ninyo na kung may magkasakit nang malubha sa inyong pamilya, tawag lang kayo sa ospital at susunduin na siya ng ambulansiya at wala kayong babayaran. Heart attack man ‘yan, kanser, renal failure, at kung ano pang grabeng sakit, gagamutin siya sa ospital na hindi ninyo iisipin kung saang kamay ng Diyos kukuha ng pambayad dahil libre ang pagpapaospital. Pag-uwi sa bahay ng kapamilyang naospital, dumadating lang sa mail box o kukunin lang ninyo sa botika ang mga gamot, pati ang maintenance medicine, na wala kayong babayaran.

Siguro naiisip ninyo na ang ganitong buhay ay hanggang sa imahinasyon na lamang. Imposibleng mangyari ang ganito. Halos tanggap na kasi natin na dito sa atin sa Filipinas pangmayaman lang ang mag-aral sa mga unibersidad tulad ng La Salle at Ateneo. Na ang maayos na ospital ay mga pribado lamang (Karamihan nakapangalan pa sa mga santo, dios mio!) at sa down payment pa lang butás na ang bulsa ninyo. Parang tanggap na natin na negosyo ang edukasyon at serbisyong pangkalusugan sa ating bansa. Na pangmayaman lamang ang kalikad na edukasyon at serbisyong medikal.

Napapansin ba ninyo na ang mga politiko at negosyante na kilala natin na kung magkasakit ay luluwas talaga ng Metro Manila para magpagamot? Ang iba nga pumupunta pa sa Amerika para doon magpagamot. Siyempre mas kapansin-pansin ang mga kakilala nating mahihirap na ni pamasahe sa traysikel papuntang ospital ay wala. Kung makarating man ng ospital, hirap na hirap maghanap ng pambili sa niresetang gamot. Maaaring pumila sa opisina ng mga politiko at humingi ng ayuda at siyempre kapalit na nito ang boto ng buong pamilya sa susunod na halalan. Ang iba nga tinitiis na lang ang sakit at hintayin na lang na mamatay sila sa bahay.

Bakit ganito sa ating bansa? Paulit-ulit kong sinasabi ang dahilan: morally and intellectually bankrupt ang political at economic elite, at coopted nila ang educated middle class. Sa simpleng salita, magnanakaw ang mga politiko natin at madaya ang mga negosyante, at ang mga mahirap na nakasampa sa nanlilimahid na sahig ng gitnang uri dahil nakapag-aral sila ay nagiging kasangkapan ng mga politiko at negosyante na pagsamantalahan at apihin ang dukhang pamayanan na pinanggalingan.

Mayroon nga bang bansa na libre ang edukasyon at hospitalisasyon? Na ang pag-aaral at pagpapagamot ay isang karapatan at hindi prebelihiyo ng mga may pera at kapangyarihan lamang? Oo, isa na rito ang Sweden. Hindi kalabisan kung sasabihin ko na langit ang Scandinavian country na ito kung ikukumpara sa Filipinas. Na impiyerno ang Filipinas kung ikukumpara sa Sweden.

Noong nakaraang buwan habang nagbabakasyon ako sa Sweden ay niyaya ako ni Mimi na sasama sa kanila ni Juliet na lumuwas sa Växjö dahil kailangan ni Juliet magpapa-laboratory test at magpakunsulta sa doktor. Pagkatapos daw nito ay kakain kami ng buffet lunch sa isang Asian restaurant (Kanin!) at magsa-shopping sa H&M dahil may sale. Saka gusto rin ni Juliet bumili ng libro sa bookstore doon na siyempre gustong-gusto ko ring gawin.

May napansin agad akong kakaiba sa lakad na ito. Magpapakunsulta at magsa-shopping? Naalala ko noong first year high school ako at nagka-rhuematic fever, kailangang sa Lungsod Iloilo magpa-check-up kada buwan dahil doon lang may cardiologist at hindi kaya ng mga pasilidad dito sa Antique ang mga test na kailangan ko. Magastos iyon—pamasahe pa-Iloilo, pambayad sa doktor, pang-laboratory, at pambili ng niresetang gamot. Hindi na puwedeng mag-shopping dahil wala nang ekstra na pera. Pero masuwerte pa rin ako sa lagay na iyon. Afford ng parents ko na ipagamot ako sa isang pribadong ospital sa Iloilo.

Malaki ang Växjö Hospital na malapit sa train station. Nasa tabi ng lake ito at napapalibutan ng mga punongkahoy at instagrammable ang mga bulaklak nila sa parking lot at munting plaza sa harap. Sabi ni Mimi, nang manganak siya kay Evert John noong Nobyembre 2021, may view ng lake ang kuwarto niya. Habang nagpapa-laboratory si Juliet, nagpaiwan lang ako sa lobby. Siguro mga isang oras din akong naupo roon at nag-o-obserba.

Parang hindi ospital ang ambiance ng lobby ng Växjö Hospital. Hindi rin amoy ospital at maaliwalas. Parang walang mga taong problemado. Siyempre may mga taong pumapasok na halatang may sakit. Paika-ika, ngimingiwi ang labi sa sakit pero nakangiti pa rin, may mga matandang naka-wheelchair na palabas na ng ospital, may lumabas sa pinto na halos katabi ng kinauupuan ko na nakasimento ang kamay at yung isa naman ang paa, pero manayanaya ang mukha nila. Wala akong nakitang pasan ko ang daigdig ang drama di tulad sa mga lobby ng mga ospital natin dito sa Filipinas. Naisip ko, ganito pala ang ospital kapag hindi mo kailangang magdala ng pang-down payment at lalo na ng pambayad dahil nga libre. Ganito pala kapag magkasakit ka o ang kapamilya na hindi ninyo iniisip kong saan kukuha ng perang pambayad sa doktor, pang-laboratory, at pambili ng gamot. Hindi stressed ang itsura ng mga tao doon. Ngayon sabihin ninyo na hindi mala-langit ang ganitong sitwasyon.

Kuwento sa akin ni Mimi noong nanganak siya at hilong-hilo pa at parang nagdedeliryo, nang inilagay ng nurse si Evert John sa dibdib niya at tinanong niya si Jonas kung normal ang bata at nang masigurong okay ang bata ay sinabihan niya ang bana ng, “Babe, we must go home as soon as possible. Our bill will become bigger!” Ang iniisip kasi ni Mimi ang babayaran lalo na’t apat na doktor ang nasa delivery room noong nanganganak siya. “What bill are you talking about, Babe?” tanong ni Jonas na nalilito. “Our bill! The payment for the hospital!” pasigaw na sagot ni Mimi. Saka na-gets ng Swedish niyang bana na wala pa siya sa tamang katinuan. “Babe, Babe relax,” sabi ni Jonas kay Mimi. “You are not the Philippines. You are here in Sweden. We will not pay anything.”

Sa unang pagbisita ko sa Sweden noong 2016 may na-meet akong kaibigan ni Mimi, si Abud. Refugee siya mula sa Iraq. Naalala ko nade-depress siya dahil sa mga katrabaho niyang racist sa isang home for the aged. Para mabigyan siya ng Swedish citizenship, kailangan niyang makapagtapos ng nursing. Nag-aaral siya ng nursing (libre siyempre) at nagpa-part time bilang care giver. Sabi ni Mimi matalino raw itong si Abud na kaklase niya sa Swedish language class nila noong kararating pa lamang ni Mimi sa Sweden.

Nitong bakasyon ko roon ay tinanong ko si Mimi kung kumusta na si Abud. Nasa Stockholm na raw nakatira at nag-aaral na ng medicine proper, at Swedish citizen na ito. Dalawang taon na lamang daw at magiging doktor na ito. Refugee na matalino at masipag, at nakapag-aral nang libre ng nursing at medicine. Dito sa Filipinas, kailangang mangutang, mag-OFW ang parents, o magbenta ng lupa para makapag-aral ang anak ng nursing at lalo na ng medicine.

Isang linggo matapos ng lab test ni Juliet tumawag ang doktor niya kay Mimi. May kailangan daw inumin na gamot si Juliet. Kunin na raw ito sa Apotek (botika) sa kanilang barangay sa Lenhovda para maumpisahan nang inumin nang araw na iyon. Oo, may botika sa Lenhovda pero hindi sila nagtitinda ng gamot kundi nagdip-dispense lamang ayon sa instruction ng mga doktor. Imadyinin natin na kung kailangan natin ng gamot ay pupunta lang tayo sa pinakamalapit na branch ng Mercury Drug at kunin na walang bayad ang kung ano mang gamot na kailangang natin.

Hindi lamang Sweden ang ganito. Maraming bansa rin na hindi korap o hindi masyadong korap ang mga politiko ang ganito. Imagine that. Imadyinin natin ito.