Ang Sangay ng Salin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay patuloy na nagbibigay ng de-kalidad na serbisyong pampagsasalin sa publiko.
Ang serbisyong pampagsasalin ay bukas at libre sa lahat.
Para sa mga ahensiya at lokal na yunit ng pamahalaan, ang ipinagkakaloob na serbisyo ay pagsasalin at balidasyon ng salin ng mga dokumentong pampamahalaan.
Para sa mga nasa pribadong sektor, ang ipinagkakaloob na serbisyo ay balidasyon ng salin lamang. I-click ang http://tinyurl.com/KWFSS2024 para sa mga detalye.
Bukod sa mga serbisyong pagsasalin, patuloy rin ang Sangay ng Salin sa pagbibigay ng pagsasanay at seminar ukol sa pagsasalin sa pamamagitan ng proyektong Salinayan 2024: Pagsasanay sa Batayang Pagsasalin. Layunin nitong hubugin ang mga kasanayan ng mga kawani ng pamahalaan at hikayatin ang mas malawak na partisipasyon sa larangan ng pagsasalin.
Saklaw ng programang ito ang pagbibigay ng seminar-training ng mga kawani ng Sangay ng Salin tungkol sa Ribyu sa mga Tuntunin ng Ortograpiyang Pambansa (FAQs sa Ortograpiyang Pambansa), Batayang Pagsasalin, Pagsasalin para sa mga Kawani ng Pamahalaan, at Oryentasyon sa Pagsasalin ng Gabay ng Mamamayan ng mga ahensiya ng pamahalaan. Inaasahan na makabubuo ng mga pauna at iiral na mga salin sa Filipino ng mga Gabay ng Mamamayan (Citizen’s Charter) ang mga piling ahensiya ng pamahalaan na opisyal na naging kalahok sa pagsasanay.
Sa pamamagitan ng mga proyektong ito, umaasa ang Sangay ng Salin ng KWF na maipamalas ang kahalagahan ng wikang Filipino at mga wikang katutubo sa komunikasyon, edukasyon, at pag-unlad ng bansa.
Para sa karagdagang impormasyon, puntahan ang KWF Website na www.kwf.gov.ph o mag-email sa komfil@kwf.gov.ph o kwf.salin@kwf.gov.ph.
Tungkol sa Komisyon sa Wikang Filipino: Ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay isang ahensiya ng gobyerno ng Pilipinas na may layuning paunlarin, palaganapin, at pangalagaan ang wikang Filipino at iba pang mga wika sa Pilipinas. Ang Sangay ng Salin ay isang bahagi ng KWF na nakatuon sa pagsasalin ng mahahalagang akda, pagbibigay ng mga serbisyong pampagsasalin, at pagdaraos ng mga pagsasanay sa pagsasalin.