Bacolod

By John Iremil Teodoro

MARAMI akong mga kaibigan sa Bacolod City kung kaya’t minabuti kong dumaan muna rito bago ako bumalik ng Manila upang mag-back to work na sa De La Salle University sa unang linggo ng Setyembre. Ayaw kong matapos ang aking sabbatical leave na hindi ko nabisita ang mga kaibigan ko rito.

Mahalaga sa akin ang Bacolod dahil sa mga sumusunod na tao at institusyon: IYAS National Writers Workshop ng University of St. La Salle, Bacolod (Doc Elsie Coscolluela at Atty. Rayboy Pandan); Colegio San Agustin – Bacolod (Fr. Bong Delariarte at Fr. Popoi Vergara); si Manang Isabel Sebullen na naging kaibigan ko dahil magkasama kami sa HomeLife Poetry Workshop sa National Arts Center sa Mt. Makiling noong nasa ikalawang taon pa lamang ako sa kolehiyo early 1990s; at si Jigger Latoza, isang minamahal na kaibigan sa University of San Agustin, Iloilo City na taga-Victorias City at nagtaliwan noong kasagsagan ng Covid 19 pandemic.

Pagdating na pagdating namin noong Sabado mga alas-tres ng hapon dito, agad kaming dumiretso sa Manokan Country sa harap ng SM City Bacolod na malapit lang sa piyer. Gutom na gutom kasi kami ng partner kong si Jay dahil alas-otso ng umaga umalis ang sinakyan naming bus sa San Jose de Bueanavista at mga alas-onse ng umaga kami nakarating sa piyer pa-Bacolod sa Lungsod Iloilo, at ala-una y medya ng hapon pa umalis ang fast craft na sinakyan namin. Wala kaming matino na agahan at pananghalian.

Saka gusto talaga naming makakain sa Manokan Country dahil isasara na ito sa darating na Setyembre 15. Hilera ito ng mga karinderya na bida sa menu ang grilled chicken na “Bacolod style,” yung mananam na juicy. Classic na kainan ang mga ito bago pa man sumikat ang mga chain ng restawran na mga chicken inasal. Di hamak na mas matagal na ang mga karinderyang ito kaysa sa SM City. Pero ngayon nabili na yata ang lupang kinatatayuan ng Manokan Country kung kayâ pinapaalis na sila. May mga na-demolish na actually. Kaunti na lang ang natira.

Naalala ko noong nasa kolehiyo pa ako at nagbabakasyon ako kay Manang Sabel (Sebullen) dito sa Bacolod, kumakain kami rito. Naalala ko nga na ang kinakainin naming manokan noon ay may herbarium na may buhay na manok talaga na naka-display. Bakâ para sa mga customer nila na hindi pa nakakita ng buháy na manok!

Ang gin-book ko na hotel ay ang nasa La Salle Avenue dahil ito ang area sa Bacolod na pamilyar sa akin dahil sa taunang IYAS National Writers Workshop na ginaganap kada tag-araw sa La Salle Bacolod. Naging panelist ako sa workshop na ito mula pa noong 2007 at kalaunan ay ako na ang naging workshop director. Nitong taon (noong Hunyo) ay muling nag-face to face ang workshop matapos nang ilang taon na online lamang ito dahil sa nakaraang pandemya. Sayang at nagkataong nasa Sweden ako. Dahil sa workshop na ito naging kaibigan ko sina Doc Elsie Coscolluela na siyang co-founder ng IYAS (Kasama niya sina Cirilo F. Bautista at Marjorie Evasco na mga propesor ko sa De La Salle University sa Manila) at si Atty. Rayboy Pandan (Palanca awardee) na siyang project director ng IYAS.

Malapit din sa La Salle Avenue ang Colegio de San Agustin kung kayâ matapos naming kumain sa Manokan Country ay nag-check in lang kami sa Sukro (Iyan ang pangalan ng hotel) at agad kong gin-text si Fr. Bong na pupunta na kami sa kanila para magkape. Matagal ko na kasing hindi nakita si Fr. Bong in person. Siya ang provincial treasurer ng Augustinian Province of Santo Niño de Cebu sa Lungsod Cebu sa mahabang panahon. At ngayong buwan lang, na-assign siya na maging president ng Colegio San Agustin dito sa Bacolod. Kasama din niya rito sa Bacolod ang isang pang prayle na love ko, si Fr. Popoi Vergara. Noong nagtatrabaho pa ako sa University of San Agustin sa Lungsod Iloilo, si Fr. Popoi ang University President at si Fr. Bong naman ang Vice President for Student Affairs.

Noong Linggo, binisita namin ang libingan ni Jigger sa Victorias City, mga isang oras ang layo sa Bacolod, at ng mga magulang nito. Si Jigger ang Executive Assistant to the President ni Fr. Popoi noon at boss namin sa University Coordinating Center for Research and Publications (UCRP). Very supportive sina Fr. Popoi at Fr. Bong sa research at publication efforts ng university noon kung kayâ marami kaming nagawa ni Jigger noon. Ito ang panahon na nabigyan ang San Agustin Iloilo ng Autonomous Status ng Commission on Higher Education (CHED).

Mula sa Victorias ay naimbitahan sina Fr. Popoi na mag-lunch sa bahay sa Talisay City ng isang former faculty member ng Colegio San Agustin na si Mrs. Lydia Sison. Siyempre akay-akay na nila kami nina Jay at Manang Sabel. Ang sarap ng kainan at kuwentuhan! Sabi ni Mrs. Sison hindi raw siya prepared kayâ pagdamutan na namin ang naihanda nilang lunch. Pero naman, may laban sa sarap ang mga inihain niya sa menu ng mga nangungunang restawran sa Bacolod. Paborito ko ang grilled na blue marlin at bangus, at ang adobong pusit! At mula roon sa Talisay ay dumiretso kami ng Bob’s Restaurant malapit sa San Agustin dahil nagkape kami nina Nenelyn dela Fuente at ng bana niyang si Bilson. Si Nenelyn ang kasalukuyang dekana ng College of Liberal Arts, Sciences, and Education ng San Agustin Iloilo. Kasama rin namin siya nina Jigger sa UCRP noon. Taga-Bacolod talaga siya at nandito siya ngayon dahil long week-end.

Noong Lunes, sinundo kami ni Rayboy sa Sukro at dinala niya kami ni Jay sa restawran ng kanilang pamilya na Raymundo’s Diner sa The North District North Point by Ayala Malls sa Talisay City. Masarap ang pagkain doon at old Bacolod ang ambiance. Sarap na sarap kami ni Jay sa backribs nila. Sayang at masama ang pakiramdam ni Doc Elsie kung kayâ hindi siya namin nakasama. Ang maganda, nakapag-update kami sa isa’t isa ni Rayboy tungkol sa mga sinusulat namin. Ang isang nobela niya tungkol sa Negros na nanalo ng grand prize sa Palanca ay nasa presswork na ng Ateneo de Manila University Press. Dating dean ng College of Law ng La Salle Bacolod si Rayboy at ngayon ay semi-retired na siya bilang abogado kung kayâ mas nakakasulat na siya. Patapos na raw siya sa ikaapat niyang nobela.

Magkarugtong ang hininga ng Isla Panay at Isla Negros, lalo na ang Lungsod Iloilo at Lungsod Bacolod. “Sa tabok,” o “sa kabila” ang tawag ng mga old timer na taga-Iloilo at taga-Bacolod sa mga lungsod nila. Parehong Hiligaynon ang wika ng dalawang lungsod na ito dahil maraming taga-Iloilo ang nag-migrate sa Negros. Ang mga haciendero sa Iloilo ay may mga hacienda rin sa Negros. Karamihan sa mga sakada sa Negros ay galing sa Panay. Magandang basahin ang librong History and Society in the Novels of Ramon Muzones (Ateneo de Manila University Press, 2001) ni Ceclia Locsin-Nava para maintindihan ang koneksiyong ng dalawang lungsod. Si Locsin-Nava ay iskolar na taga-Bacolod at si Muzones (na National Artist for Literature na ngayon) ay taga-Iloilo. Take note na ang mga Locsin at Nava ay mga apelyido rin sa Iloilo at Guimaras.

Sa katunayan ang lumang pangalan ng Negros Island ay “Buglas” o “baklas” dahil pinaniniwalaang “binaklas” lang ang isla mula sa Panay at siguro sa Cebu na nangyari noong glacial age. Nang dumating ang mga mananakop na Kastila sa isla noong 1565, nakita nila ang mga ati o ita na nakatira sa isla kung kayâ tinawag nilang Negros ito. Isinailalim ni Miguel Lopez de Legaspi ang Negros sa pamamahala ng gobernador ng Oton sa Panay ang Negros (negros-occ.gov.ph).

May dalawang socio-linguistic group ang Negros. Ang mga Negrense na nagsasalita ng Hiligaynon sa Negros Occidental dahil nakaharap ito sa Iloilo at ang mga Negrense na nagsasalita ng Sebwano sa Negros Oriental dahil nakaharap ito sa Cebu. Wala pa kasing highway sa kabundukan ng Negros noon na nagkokonekta sa Bacolod at Dumaguete. Kapag taga-Bacolod ka mas madaling tumawid pa-Iloilo. Kung taga-Dumaguete ka naman, mas madaling tumawid pa-Cebu. Kayâ ang Negros Occidental ay naging bahagi ng Region 6 o Western Visayas at ang Negros Oriental naman ay bahagi ng Region 7 o Central Visayas. Pero nitong Hunyo 11, 2024 lamang ay isinabatas ang Republic Act No. 12000 na “Negros Island Region Act” na lumikha sa Region 18 na binubuo ng mga islang Negros at Siquijor. Noong panahon ni PNoy may ganito nang attempt pero ipinatigil ni Rodrigo Duterte. Naisabatas ito ngayon sa panahon ni Bongbong Marcos na ang asawa ay taga-Bacolod.

Marami ang naninibago siyempre. Sabi ni Fr. Bong, kapag may kailangan sila sa CHED Regional Office ay madaling pumunta from Bacolod to Iloilo. Isang oras lang ang biyahe. Pero ngayon, masyadong nang malayong puntahan ang CHED sa Dumaguete dahil tatlo o apat na oras na biyahe ito from Bacolod. Minsan din may isang literary event sa Manila at ang mga manunulat mula sa Iloilo ay nag-post sa Facebook ng larawan nila na naka-label na taga-Western Visayas sila. Pabirong nagprotesta si Rayboy kung bakit hindi siya kasama. Kayâ pabiro din akong nag-comment na, “Rayboy, technically, hindi ka na kasama sa Western Visayas. Naghiwalay na kayo ng region!”

Alam naman nating artificial o political division lamang ang mga rehiyon sa bansa. Kahit kailan hindi maihihiwalay culturally ang Bacolod at Iloilo. Para sa akin, bilang manunulat at bilang iskolar ng literaturang Hiligaynon, kailanman ay hindi maghihiwalay ang Negros Occidental sa Western Visayas pagdating sa aking puso’t isipan.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.