Ang mga Kuwento ng Pag-ibig ni Mama Felines

Ni John Iremil Teodoro

SINABI ko sa aking introduksiyon sa librong ‘Sa Pagtunod sang Adlaw: Mga Sugilanon / Sa Paglubog ng Araw: Mga Kuwento’ (Central Books, 2011) na kung agî lamang si Magdalena G. Jalandoni mapagkakamalan kong siya ang nagsulat ng librong ito ni Felino S. Garcia, Jr. (Nobyembre 26, 1967 – Agosto 27, 2022). Ganito pa rin ang pakiramdam ko habang muling binabasa nitong mga nakaraang araw ang apat na koleksiyon ng mga maikling kuwento sa Hiligaynon ni Felino na tinatawag kong si Mama Felines.

Sinusulat ko kasi ngayon ang papel kong “Ang Kasingkasing ng Agî na Kuwentista: Introduksiyon sa mga Maikling Kuwento sa Hiligaynon ni Felino S. Garcia, Jr.” na ibabahagi ko sa 2024 Philippine Queer Studies Conference sa Oktubre 25-27, 2024 sa University of the Philippines, Diliman. Nais kong ipakilala sa mas malawak na readership ang mga akda ni Mama Felines. Paraan din ito ng pagbibigay pugay sa buhay at talento ng isang kaibigang manunulat.

Nilalayon ng aking pag-aaral na ito na ipakilala ang mga akda ng agî na manunulat na si Mama Felines lalo na ang kaniyang mga maikling kuwento sa Hiligaynon at ilagay ito sa kontexto ng gay writing sa Filipinas. May apat na libro siya ng mga maikling kuwento: ‘Sa Pagtunod sang Adlaw: Mga Sugilanon / Sa Paglubong ng Araw: Mga Kuwento’ (Central Books, 2011), ‘Idolo: Mga Sugilanon sang Gugma kag Pagbiya / Idolo: Mga Kuwento ng Pag-ibig at Paglisan’ (Central Books, 2012), ‘Nahauna nga Lalaki kag Iban pa nga mga Sugilanon / Unang Lalaki at iba pang mga Kuwento’ (Kasingkasing Press, 2019), at ‘Delubyo: Mga Sugilanon / Delubyo: Mga Kuwento’ (Laureana Cacho Sheppard, 2019). Ang ‘Nahauna nga Lalaki’ ay kalipunan ng mga kuwento mula sa una niyang dalawang libro.

Ang gay writing, ayon sa queer na manunulat at iskolar na si J. Neil C. Garcia (hindi sila magkamag-anak ni Felino) sa kaniyang sanaysay na “Gay Writing vs. National Literature” sa librong ‘Slip/Pages: Essays in Philippine Gay Criticism, 1991-1996’ (De La Salle University Press, 1998) ay, “a kind of writing that attempts to reveal, explore, and advocate the agonized and persecuted side of the sexual divide, [h]omosexuality.” Sa naturang sanaysay ipinaliwanag ni Garcia ang pagkakaiba ng gay writing sa pambansang literatura ng Filipinas na produkto ng isang bansang Filipino na, “colonial, bourgeois, Catholic, lowland, macho—and if I may add, heterosexist—arrogation, which has been symbolically and actually imposed upon an otherwise plural and demonically various humanity.” Si Neil Garcia ay co-editor (Kasama niya si Danton Remoto) sa pag-edit ng historikal na seryeng ‘Ladlad: An Anthology of Gay Writing in the Philippines.’ Magkasama ang mga tula namin ni Mama Felines sa ‘Ladlad 2.’

Ito ang uri ng bansang Filipino at literaturang pambansa na buong tapang na binabangga ng mga bakla o agî na manunulat katulad ni Mama Felines. Isa siyang mahusay na makata sa Ingles na una kong nabasa ang mga tula sa ‘Ani 10 (Isyung Hiligaynon)’ na inedit ni Leoncio P. Deriada, ang mentor ng maraming manunulat ngayon sa Isla Panay. Kasama si Mama Felines sa unang batch ng mga “Deriada Babies” dahil guro niya si Dr. Deriada sa UP Visayas sa Iloilo. Nang nag-uumpisa pa lamang ako na magsulat ng mga tula sa Kinaray-a noong unang bahagi ng Dekada 90, palagi akong pumupunta sa Iloilo City campus ng UPV para magpabasa ng mga tula kay Dr. Deriada. Nasa University of San Agustin kasi ako nag-aaral noon ng B.S. in Biology at napakadaling sumakay ng dyip at pumunta sa opisina ni Dr. Deriada. Kung minsan nag-e-escape pa nga ako mula sa mga laboratory class ko. Bumibisita rin ako kay Manang Nenen, si Maria Milagros Geremia Lachica, na makata sa Kinaray-a upang magpabasa rin ng mga bagong tula ko. Maraming beses na nadadatnan ko si Mama Felines doon dahil magkaibigan sila ni Manang Nenen. Doon kami nagkakilala.

Minsan nga, naparami yata ang nasulat kong mga bagong tula at ipinabasa ko ito kay Manang Nenen. Mayâ-mayâ ay dumating si Mama Felines mula sa Miag-ao Campus dahil doon siya nagtuturo ng History. Pinabasa sa kaniya ni Manang Nenen ang mga tula ko at hindi ko talaga makakalimutan na tuwang-tuwa si Mama Felines sa aking mga tula at tila kinikilig pa siya. Ang ganda raw at matingkad ang imahen ng mga tula ko sa Kinaray-a. Sabi pa nga niya kay Manang Nenen, baka ako raw ang “l’enfant terrible” ng Kinaray-a literature. Ito ang panahon na wala pang smart phone at hindi puwedeng mag-Google kung ano’ng ibig sabihin niyon. Basta sigurado naman akong papuri iyon mula kay Mama Felines.

Nang magturo ako sa University of San Agustin noong 2001 hanggang 2008, palagi kaming nagkikita ni Mama Felines. Ito na ang panahon na nagsimula siyang magsulat ng mga maikling kuwento sa Hiligaynon. Ang akda niyang “Sa Hingapusan / Sa Wakas” na nanalo ng Palanca ay inilathala ko sa ‘SanAg 8,’ ang dyurnal ng malikhaing pagsulat ng Fray Luis de Leon Creative Writing Institute ng San Agustin. Ako ang editor ng ‘SanAg’ at direktor ng Fray Luis de Leon. Nang inumpisahan ko ang sariling publication label na Imprenta Igbaong noong 2008, inilathala ko ang koleksiyon ng mga tula ng pag-ibig sa Ingles ni Mama Felines na ‘Heartsongs and Other Poems.’

Nagtuturo na ako sa Miriam College sa Quezon City at nagtatrabaho naman si Mama Felines sa isang call center sa Metro Manila (Magaling siyang mag-Espanyol kung kaya’t mabenta siya sa mga call center) nang ilathala niya ang unang dalawang libro niya na ‘Sa Pagtunod’ at ‘Idolo.’ Parehong may introduksiyon ko ang dalawang librong ito. Sa kaniyang paunang salita sa unang libro niya, sinabi niyang matagal niyang pinag-isipan kung sa aling wika niya isusulat ang kaniyang mga kuwento. Sa Ingles ba o sa Hiligaynon na kaniyang kinagisnang wika sa Lungsod Bacolod kung saan siya ipinanganak at lumaki. Nadiskubre niya umano na marami siyang gustong ipahayag na hindi niya kayang gawin sa Ingles. Nang magsimula siyang sumulat sa Hiligaynon, pakiramdam niya parang tubig na umaagos mula sa batis ang mga salita at idea.

Makikita ang sumusunod na mga katangian sa mga maikling kuwento ni Mama Felines sa apat niyang libro: (1) Ginamit ang klasiko at tradisyonal na wikang Hiligaynon ng mga manunulat gaya ni Magdalena Jalandoni sa paglalahad ng mga kuwento tungkol sa pag-iibigan ng dalawang lalaki. Ilonggong ambag ito sa gay writing sa Filipinas; (2) Malawak ang spektrum ng mga karakter na LGBTQ+ sa mga kuwento: may chub chaser, may silahis, may macho gay, may closeta, may maingay na bakla. (3) Sa pang-apat na libro, lumawak na ang tema ng mga kuwento lalo na ang tungkol sa trahedyang dala ng climate change. Maraming kuwento ang wala nang gay character pero nandoon pa rin ang uri ng Hiligaynon na mala-Magdalena Jalandoni na bersiyong agî. Sumusundot na ito sa idea ng post-gay writing na sinasabi ng nobelistang si Edmund White sa kaniyang librong ‘Arts and Letters’ (Cleis Press, 2004).

Sa kongklusyon ng aking papel, sinabi kong dumadami na ang mga kathang Hiligaynon na may temang LGBTQ+ at malaki ang ambag dito ni Mama Felines. Mahalagang maipakilala at mapaalala ang apat na libro niya ng mga maikling kuwento sa Hiligaynon dahil sa dalawang bagay hinggil sa gay writing sa Filipinas: (1) Ang penomena ng seryeng ‘Ladlad’ ay nangyari at na-extend din sa labas ng Metro Manila at umabot ito sa Kabisayaan; at (2) Matapang, subersibo, at makabago ang mga kuwentong agî ni Mama Felines sa kontexto ng konserbatibo, macho, at heterosexist na mundo ng literaturang Hiligaynon.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong Abril 2024.