Ni John Iremil Teodoro
PINALAD ako at nakasali sa isang napakagandang palabas na “CCP Himig Hiraya: Mga Awit mula sa Tula ni Rio Alma, National Artist for Literature” noong Linggo ng hapon sa Corazon Aquino Hall sa St. Scholastica’s College sa Manila. Isa itong pagtatanghal ng mga tula ni Rio Alma na nilapatan ng musika ng Greg Zuniega.
Ang palabas na ito ay inihandog ng Cultural Center of the Philippines sa ilalim ng Cultural Intertextual Division na nirerepresenta ng makatang si Bebang Siy. Isinagawa ito sa pakikipagtulungan ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) sa pamumuno ng tagapangulo nitong si Michael Coroza; Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) sa pamumuno ng president nitong si Joti Tabula; at ng St Scholastica’s College Manila sa pamumuno ng presidente nitong si Sr. Rosario Obiniana, OSB.
Ang galing ng mga musikerong nakasama namin na taga-National High School for the Arts (NHSA) at St. Scholastica’s College kung saan propesor ng musika ang kompositor na si Greg Zuniega na tumugtog ng grand piano sa palabas. Kasama niya sina Billy Joel del Rosario sa flute at Sim Zuniega sa violin. Ang mga bata at magagaling na mang-aawit ay sina Ginger Karganilla, Nicole Pugeda, Yvette Parcon, Etienne Quiminales, Isaac Iglesias, ar Vincente Sy. Nakita ko sa Facebook na karamihan sa mga mang-aawit na ito ay kasapi ng grupong Battig Chamber Singers. May dalawang estudyante rin mula sa NHSA na nagbigkas sa malikhaing paraan ng isang tula na sina Ralph Onrubia at Marcuz Bracia.
Ang direktor ng palabas ay ang premyadong manunulat, na isa ring abogado, si Nicholas Pichay. Tiyak kong nahirapan siya sa aming mga manunulat na kasali sa programa dahil kakarampot ang karanasan sa pagtatanghal sa entablado. Terror director siya sa mga musikero pero mabait siya sa aming mga manunulat. Kung okrayin man niya kami ay may kasamang lambing. Kasali kaming walong manunulat na taga-UMPIL at LIRA para magbigay ng maikling pagtalakay sa mga tula bago ito awitin. Kasama ko sina Abner Dormiendo, Clarissa Militante, Jazmin Llana, Mikka Ann Cabangon, Nikka Osorio Abeleda, Paul Castillo, at Susan Lara.
Ang vision ni Nick bilang direktor ng palabas ay gawin namin itong isang pagpupugay kay Sir Rio bilang hinahangaan at minamahal na manunulat at guro. At gusto niya, magkuwento kami ng something personal tungkol kay Sir Rio bago ang aming close reading ng tula. Kayâ nang ipinakilala ko ang akong sarili ay sinabi kong ako ang “aksidental na anak na bading ni Rio Alma.”
Ikinuwento ko siyempre na nangyari ito nang maging kinatawan kaming tatlo—Sir Rio, Kristian Cordero, at ako—ng Filipinas sa ASEAN Literary Festival sa Jakarta, Indonesia noong 2015. Isang linggo kaming nandoon at medyo maluwag ang iskedyul. Isang tanghali bago mananghalian, pumunta kami sa Jalan Surabaya kung nasaan ang nakahilerang mga kiosko na nagtitinda ng mga souvenir item na wood carving, brass, at porselana. May mga puppet din para sa wayang kulit at mga peynting. Dahil weekday at tanghaling-tapat, parang kaming tatlo lang ang namimili doon kayâ nasa aming tatlo ang atensiyon ng mga nagtitinda roon. Naghiwa-hiwalay kami. Nang mapadaan ako sa isang kiosko, lumabas ang isang matandang tindero at hinila ako papasok sa tindahan niya at may itinuturo sa akin. “Your father said beautiful. Buy! Buy!” sabi niya sa akin. Na-jar ako nang bongga. Father? E nang panahong iyon may isyu kami ng totoong tatay ko dahil may bago siyang asawa. And then biglang nagliwanag sa akin na ang tinutukoy niyang father ko ay si Sir Rio!
Habang kumakain kami ay tinutukso namin ni Kristian si Sir Rio. Sabi namin, “Naku, Sir ikaw ang pinagtatawanan nila doon. Siguro naiisip nila, kawawa naman ang mamang ito. May dalawang anak na bading at kinukunsinti pa ang hilig sa dolls at puppets!” Tumawa lamang si Sir Rio. Kinagabihan noon nakasulat ako ng isang sanaysay na ang pamagat ay “May Dalawang Anak na Bading si Rio Alma sa Jakarta!” Pinabasa ko ito kay Sir Rio over breakfast at nagpaalam akong i-publish ko ito sa blog ko na <jieteodoro.com>. Pumayag siya. As of today, ito pa rin ang pinakapopular na sanaysay sa blog ko. Mahigit 10,000 reads na ito as of today. May mga guro yatang nire-require itong basahin sa mga klase nila.
Pabiro ko ring sinabi noong Linggo na kayâ siguro pang-bading din ang tulang nakatoka sa akin. Tula ito tungkol sa mga bulaklak! At heto ang ibinahagi kong pagbasa sa nasabing tula:
Binubusog ng mga kulay ng tulang “Kung ang Tula ay Bulaklak” ang mata ng ating isipan dahil ang pangunahing teknik ng makata dito ay ang pagpipinta gamit ang mga salita. Ang unang apat na saknong ay may tig-iisang bulaklak bilang sentral na imahen. Bawat bulaklak ay may angking natural na kulay: ang dapdap – pula; ang banaba – biyoleta; ang asanâ – dilaw; at ang kampupot – puti.
Sa kamay ng isang baguhang makata, lalo na ang isang umiibig, madaling mahulog sa kumunoy ng labis na pagiging romantiko ang pagsulat ng tula tungkol sa mga bulaklak. Ang sunod-sunod na pagbanggit ng mga bulaklak sa tula ay mistulang cataloguing lamang o paglilista ng mga imahen. Pero sa tulang ito, maingat ang makata sa pagsalansan ng mga bulaklak sa mga taludtod. Pinag-isipan ito.
Kung titingnan natin sa hierarchy ng mga kulay pagdating sa tingkad, dapat lamang na mauna ang pula dahil pinakamatingkad ito, na susundan ng biyoleta dahil subdued ang tingkad nito, ang dilaw naman ay sakto lamang ang tingkad, at ang puti ay kawalan ng kulay.
Kung ang kahulugan naman ng bawat ang kulay ang titingnan, pula talaga ang dapat na mauna dahil kulay ito ng marubdob at umaapoy na pag-ibig. Ang biyoleta naman ay tahimik na kulay ng sawing pag-ibig. Ang dilaw ay magiting na kulay, ang kulay ng maharlikang pag-ibig na hindi maaantig ng buhawi at bagyong banyaga na sumisimbolo sa kolonyalisasyon. Ang puti naman ay simbolo ng kalinisan ng ulay na pag-ibig.
Sa ikalimang saknong ihahayag ang pagkakatulad ng apat na bulaklak. Mga bulaklak itong nakaugat sa katutubong lupa. Mga katutubong bulaklak ito. Ang mga talulot ng mga ito ay punô ng samyo ng diwang mapagpalaya. Sinasabi rito na “kahit bulaklak ang tula / Ang ugat ay katutubo” at may “taal na bait ang punò.” Ibig sabihin, ang tula na nakaugat sa ating pagka-Filipino ay may sariling paninindigan—ang tumindig para sa “diwang mapagpalaya.” Mapagpalaya dapat ang tula na isang marikit na sining na may taglay na angking ganda at bango gamit ang banal na kapangyarihan ng salita. Dahil kung hindi mapagpalaya ang tula, wala itong pakinabang. At kung ang tula ay mapagpalayang bulaklak, malalanta agad ito.
Sa pagtatanim, sa pag-aamoy, sa pagtutula sa mga katutubong bulaklak na dapdap, banaba, asanâ, at kampupot ay mga mapagpalayang gawain dahil ipinagdiriwang natin ang sariling atin.
Samakatwid, ang “Kung ang Tula ay Bulaklak” ay hindi lamang isang oda para sa mga katutubong bulaklak, isa rin itong ars poetica—isang tula tungkol sa sining ng pagtula na makabayan. Ang pagtula, kung babalikan natin ang sinabi ng alter ego na kritiko ni Rio Alma na si Virgiliio S. Almario, kailangang ang pagtula natin ay dapat isang “pagbabalik sa tinubuang lupa” at may birtud ng “musa insurekta.” Sa ganitong paraan ang tula tungkol sa katutubong bulaklak ay nagiging makapangyarihan.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong Abril 2024.