By John Iremil Teodoro
GUMISING ako nang alas-singko ng madaling araw noong Huwebes, Nobyembre 14, para magtsek ng mga sanaysay ng mga estudyante ko sa Swedish Literature. Nangako kasi ako noong linggo bago ang aking kaarawan na ibabalik ko na ang kanilang papel. Nakakahiya na papasok ako na walang ibabalik na nagraduhang mga papel. Nagklase talaga ako face to face nang umagang iyon.
Hindi naman talaga ako sanay na may malaking handaan para sa aking kaarawan. Kayâ okey lang para sa akin na magklase sa birthday ko. Buong buhay ko yata, noong nag-seven saka noong nag-21 lang ako naghanda ang aking mga magulang. Kapag sinabi kong handa, may kinatay na isang baka at dalawang baboy. Dalawang baboy kasi nililitson ang isa. Ganito magpa-party sina Nanay at Tatay noong mga bata pa kami sa baryo namin sa Maybato. Ito ang panahon na hindi pa uso ang catering kayâ malaking production number talaga ang party na ganito na ang tawag namin ay punsiyon. Kailangang mag-hire ng mga magkakatay at kusinero/kusinera, at humingi ng tulong sa mga kamag-anak sa paghahanda.
Talagang malalaki ang handaan sa ikapitong kaarawan naming apat na magkapatid. Ang paniniwala kasi ng aming mga magulang, kailangang i-celebrate nang bongga ito upang suwertihin kami sa aming buhay. Hindi naman sa pagmamalaki pero mukhang epektibo nga ito. Maayos ang kalagayan naming magkakapatid ngayon.
Simula nang may trabaho na ako, mukhang nagtatrabaho talaga ako sa aking kaarawan. Kahit nga naka-sabbatical leave ako noong nakaraang taon, panelist ako sa San Agustin Writers Workshop sa Lungsod Iloilo nang mag-50 ako. Inimbitahan ko lang ang ilang kaibigan sa Iloilo sa isang hapunan sa Hotel del Rio. Paboritong hotel ko ito sa Iloilo at biro nga naming magkakaibigan, ito ang “The Official Iloilo Residence of the Sirena.”
Noong Nobyembre 13, birthday ni San Agustin, ay nag-breakfast kami ng La Salle BFF kong si Ronald sa Manila Hotel, ang katuwaan din naming tinatawag na “The Official Manila Residence of the Sirena.” May appointment kasi siya sa doktor niya the next day kayâ nag-advanced celebration na kami. Ang isa pang La Salle BFF namin na si Shirley ay hindi nakasama sa amin dahil may trangkaso. Ang isa pang La Salle BFF ko na si Dinah ay nilibre ako kinagabihan ng bonggang Chinese dinner sa David’s na malapit lang sa La Salle. Dahil sa walang humpay na kainan, concious ako na limitahan ang pagkain ng kanin at minarapat na mas gulay at prutas ang lalantakan.
Noong kaarawan ko na mismo, may Kapihan kami sa Departamento ng Literatura. Isang itong impormal na huntahan hinggil sa pananaliksik at paglalathala habang nagkakape. Ang nakatokang maging lead discussant ay ang dalawang University Fellow sa aming departamento. Sina Dr. Marjorie Evasco at Dr. Dinah Roma. Actually, noong nakaraang buwan pa dapat ito. Na-postpone lang dahil din yata sa bagyo. Nang malaman kong ililipat ang iskedyul nito sa Nobyembre 14, agad akong nagmensahe sa aming research coordinator na si Dr. Kathrine Ojano na ako na ang bahala sa pagkain dahil maghahanda ako para sa aking birthday. Nang malaman ito ng aming Department Chair na si Dr. Carlos Piocos III, nag-message siya sa akin na dahil nandodoon na rin lang ako ay idadagdag na niya ako bilang isa sa mga lead discussant. Talagang impormal na tsikahan lang daw at hindi ko kailangang maghanda ng papel o Powerpoint. Pag-uwi ko, may bitbit akong sosyal na cake mula kay Dr. Evasco. Nag-Sharon din ako ng sariling handa dahil marami ang natira sa golden pancit, chicken lollipops, at tuna sandwich.
Noong Linggo, sumaglit ako sa bahay namin para mag-lunch kahit na paparating si Bagyo Pepito. Makulimlim ang kalangitan pero paambon-ambon lang. Birthday lunch ko kasi kasama sina Sunshine at ang dalawang aso niyang sina Biscuit at Hari. Pansit ng Eng Bee Tin ang espesyal naming handa. Talagang nag-eat ang run lang ako dahil baka maabutan ako ng bagyo sa Pasig. Mga 11:00 ng umaga kumain na kami at mga 12:00 ng tanghali nag-book na ako ng GRAB pabalik dito sa Taft Avenue.
Pagdating ko ng condo nag-ring ang iPhone ko. GRAB delivery. Nang kunin ko ito sa front desk, isang tray ng sosyal na paella! Padala ng kaibigan at idolong makata na si Joi Barrios Leblanc. Nakalimutan kong nagtanong pala siya sa Messenger noong Sabado kung ganoon pa rin ang address ko. Magpapadala raw siya ng birthday gift. Nasa Tate siya pero pinapadalhan niya ako ng mga regalo. Kada may lumabas akong libro, nagpapadala siya ng wine. May inoorderan siya rito sa Manila at pinapa-GRAB lang sa akin.
Fifty-one na ako. Ang binabalak kong early retirement sa La Salle ay sa edad na 55. Apat na taon na lang kung tutuosin. Gusto ko na kasi talagang umuwi sa Antique for good. Ang paghahanda para dito ang isa sa mga mahalagang regalong maibigay ko para sa aking sarili. Nitong Nobyembre lamang nabayaran ko na in full ang lupa namin ng partner kong si Jay sa Aningalan sa San Remigio. Ito ang magiging retirement home namin na isang maliit na permaculture garden at resort (apat na small houses lang ang balak namin). Ang target namin para sa taong 2025 ay mabakuran na ito at makapagtanim na kami ng fruit trees at makapagpatayo na rin ng una naming cottage. Ang lupa naman namin sa Iguhag sa Anini-y ay nabili ko iyon nang cash noong may pandemic at may naitanim nang mga rambutan at lansones si Jay doon. May existing na malaking puno ng mangga at mga puno ng niyog ang lupang iyon. Balak din naming magpatayo ng kubo doon.
Nagsimba ako noong birthday ko sa Pearl of Great Price Chapel sa loob ng La Salle. Sabi ko kina Lord at Mother Mary, hindi muna ako hihingi nang kahit ano sa araw na iyon. Gusto ko lang magpasalamat sa lahat ng biyayang natanggap ko sa loob ng limampu’t isang taon. Hindi perpekto ang buhay ko, maraming kulang, at marami ding pinagdaanang mga pagsubok. Pero ang lahat ng ito ay ginawa akong matibay at matinong tao.
Siyempre marami pa akong gusto. Gusto ko ng mas maraming pera. Gusto ng mas maraming libro. Gusto ko ng mas maraming award. Pero alam ko rin na sobra na sa sapat ang mga materyal na bagay sa buhay ko ngayon. Sobra-sobra na rin ang na-achieve ko bilang manunulat. Mahigit dalawampu na ang mga libro ko. Marami na rin akong award at nabigyan pa nga ng S.E.A. WRITE Award na noong nagsisimula pa lamang akong magsulat ay ni hindi ko naisip na makakamtan ko ito balang-araw. Full Professor 7 na rin ako sa ngayon. Kayâ kailangan ko nang makuntento. Nakakahiya na sa Diyos kung marami pa akong hihingin. Ang importante maging mabuting tao ako. Nakita ko na kasi kung paano nagiging masama at katawa-tawa ang isang tao kapag masyadong maraming gustong ma-achieve, o gustong maging bida lagi, maging pinakamagaling, maging pinakasikat, maging pinakamayaman, o maging pinakamakapangyarihan. Ayaw kong ipagpalit ang kaluluwa ko para sa pera at medalya.
Ang hiling ko lang sa Panginoon ngayon ay ang maayos na kalusugan at ligtas na pamumuhay para sa mga kapatid ko at pamangkin. Sana marami pang pagkakataong magsama-sama kami dahil nakakalat kami ngayon. Si Mimi nasa Sweden, si Gary nasa Qatar at Bataan, at si Sunshine ay nasa bahay namin sa Pasig. Kayâ nga gusto kong may magandang lugar kami ni Jay sa Aningalan para anumang oras na gusto nilang magbakasyon doon ay nandoon lang kami. Gayundin ang dasal ko para sa amin ni Jay. Mapalad ako na nakilala ko siya at pareho kami ng gusto: ang mamuhay nang tahimik sa probinsiya at hindi namin kailangang maging mayaman para maging masaya. Simple at sapat na pamumuhay lang ay okey na kami. Ang mahalaga namumuhay kami ng marangal at maligaya sa piling ng isa’t isa. Mahalaga rin para sa amin na wala kaming tinatapakang tao. Gusto rin namin ng uri ng pamumuhay na hindi masyadong nakakasira sa kapaligiran.
Napakalaking biyaya na para sa akin na ganito na akong mag-isip sa edad na 51. Ayaw na ayaw ko kasing tumanda nang paurong.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong Abril 2024.