21st San Agustin Writers Workshop

By John Iremil Teodoro

NAKAUWI na naman ako sa Iloilo City noong nakaraang linggo upang maging panelist sa ika-21 na San Agustin Writers Workshop (SAWW), ang palihan na itinatag namin ng kaibigan kong si Jigger S. Latoza, sa supporta ng university president noon ng University of San Agustin na si Fr. Rodolfo M. Arreza, O.S.A., mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas.

Ang sampung fellow ngayong taon ay sina Neil Lorilla Ibañez, Al Jeffrey Gonzales, Michelle Bayaua, Jorvelyn Jaruda-Espinosa, John Paul Lopez Araneta, Richard Olano, Jr., Klara Domagotoy Espedido, Hazel Ann Cesa, Noel Abada Pahayupan, at Jemuel Barrera Garcia, Jr. Bongga ang listahan ng mga fellow ngayong taon. Ang ilan sa kanila ay nanalo na ng Palanca. Halimbawa si Klara ay nanalo na ng Palanca para sa Kabataan Essay. Si Jeffrey ay kapapanalo lang noong nakaraang Nobyembre ng Palanca para sa kaniyang maikling kuwento sa Hiligaynon. Si Niel naman ay halos napanalunan na ang lahat ng patimpalak sa Western Visayas tulad ng sa Hubon Manunulat at Bantugan sa Panulatan sa Kinaray-a.

Para talaga sa mga taga-Western Visayas ang SAWW at ang mga tinatanggap na manuskrito ay nakasulat sa Hiligaynon, Kinaray-a, Filipino, at Ingles. Hindi na muna kami tumatanggap ng manuskrito sa Aklanon ngayon dahil walang may eksperto sa wikang ito sa mga regular na panelist. Kahit na hiwalay na rehiyon na ang Negros Island, kasama pa rin sa idea namin ng Western Visayas ang Negros Occidental kayâ may fellow pa rin kami galing Negros. Paminsan-minsan tumatanggap kami ng aplikanteng fellow mula sa labas ng Rehiyon 6 basta ang fellow na ito ang bahala sa kaniyang pamasahe papunta at paalis ng Iloilo. Sagot naman ng palihan ang tirahan at pagkain habang nagwo-workshop. Noong pandemic dahil nag-online kami, binuksan talaga namin para sa mga taga-ibang rehiyon ang palihan dahil sa Zoom lang naman ginawa ito. Ngayong taon, may fellow kaming mula sa Cebu at Bicol.

Ang mga kasama ko namang panelist ay sina Isidoro Cruz, Noel Galon De Leon, Early Sol Gadong, Elvie Victonette Razon-Gonzalez, Isabel Sebullen, at Eric Divinagracia. Simula noong ika-20 SAWW, si Noel na ang pumalit sa akin bilang Workshop Director. Deputy Workshop Director naman ang opisyal kong titulo at si Isidoro naman ang Deputy Project Director. Kasabay kasi ni Noel, si May Anne Jaro na rin ang naging Project Director. Sa huling araw ng palihan na umupo si Eric bilang lead panelist sa mga manuskrito sa dula. Theater director at manager kasi si Eric ng USA Little Theater. Siya ang eksperto sa pagkritik ng mga dula.

Nakakatuwa at nakakataba ng kasingkasing na isiping ang mga kasama naming panelist na sina Noel, Sol, at Elvie ay mga dating fellow ng SAWW. Mga award-winning authors na sila ngayon. May mga Palanca award sila. Si Elvie, isang gastroenterologist at clinical epidemiologist, ay nanalo rin sa Dr. Arturo B. Rotor Memorial Awards for Literature na isang patimpalak sa malikhaing pagsulat para sa mga medical doctor. Ang biro ko kina Sid at Manang Isabel, si Elvie talaga ang totoong doktor sa panel samantalang kaming tatlo ay mga quack doktor sa aming PhD.

Ginanap ang SAWW noong January 12-15 sa The Learning Commons sa Fray Luis de Leon Hall ng San Agustin. Sosyal na venue na ito na nagsisilbing research hub para sa mga guro at estudyante. Nasa ikalimang palapag ito at ito ang dating opisina ng University Coordinating Center for Research and Publications na mas kilala bilang UCRP at si Jigger ang direktor nito noon. Nasa ilalim ng sentrong ito itinatag ang Fray Luis de Leon Creative Writing Desk na kalaunan ay naging Fray Luis de Leon Creative Writing Institute. Si Luis de Leon ay isang Espanyol na makata at prayleng Agustino. Isa rin siyang teologo at akademiko. Kinikilala siya ng mga kritiko bilang nangungunang makata sa “Renaissance of Spain” noong ika-16 na siglo.

Medyo nostalgic ang datíng sa akin ng workshop venue dahil bumuhos ang mga alaala. Stressful and office namin na iyon dahil napakaraming trabaho pero marami ring mga masaya at magandang alaala. Nalulungkot talaga ako na wala na si Jigger. Katabi rin ng UCRP noon ang opisina ng USA Publications, ang naglalathala ng pang-estudyanteng newspaper na The Augustinian at magasin na The Augustinian Mirror, na ako ang moderator. Kayâ napakarami talagang alaala ang lugar na iyon sa akin.

Itinuro ko nga sa partner kong si Jay, na siyang volunteer photographer namin sa SAWW at nag-donate ng tote bags (Siya talaga ang may-ari ng Sirena Books), ang bintana kung saan banda  nakapuwesto ang mesa ko noon. Ikinuwento ko rin ito sa Opening Remarks ko sa Closing Program ng palihan. Pitong taon din akong nagtrabaho bilang Research Associate at guro sa Department of English noon sa San Agustin.

Labis akong natutuwa na naglaan ng oras si Rev. Fr. Arnel Dizon, OSA, ang bagong presidents ng University of San Agustin, upang magbigay ng Welcome Remarks sa pag-umpisa ng palihan. Sinabi niyang masaya umano siya na nagpapatuloy ang SAWW at kinuwento pa niya na minsan, noong hindi pa siya presidente, ay naatasan siyang magbigay din ng Welcome Remarks. Masaya ako dahil ang palihang ito ay nakapangalan kay San Agustin ng Hippo na isang Doktor ng Simbahan at isang mahusay na manunulat. Ang kaniyang Confessiones ay binabansagang “prototype of an autobiography” sa larangan ng literature at malikhaing pagsulat. Nararapat lamang na suportado ng mga paring Agustino ang palihang nakapangalan sa kaniya.

Ilang taon nang mayroong The Leoncio P. Deriada Award for Literature at Jigger S. Latoza Award for Socially Relevant Literature. Pagpupugay at pag-aalaala ito kina Dr. Deriada bilang regular panelist nang magsimula ang SAWW hanggang sa magkasakit na siya at pumanaw noong 2019, at kay Jigger bilang isa sa mga co-founder ng palihang ito. Ginagawa ang paligsahang ito sa workshop mismo at sumusulat ang mga fellow ng mga bagong akda at ang mga panelist ang judge. Inspired ang contest na ito ng pakontes ni Dr. Deriada noon kada workshop at ang premyo niya ay ang lollipop. Ngayon may premyong lollipop na, may cash prize pa! Ang mga kategorya sa tula at flash fiction ay nakapangalan kay Dr. Deriada at ang creative nonfiction naman ay nakapangalan kay Jigger dahil isa siyang mahusay na columnist at opinion writer. Nalathala sa Philippine Daily Inquirer ang mga komentaryong sinusulat niya noon para sa John J. Carroll Institute on Church and Social Issues na nakabase sa Ateneo de Manila University. Sa Ateneo nag-M.A. in Communications si Jigger.

Pinakabongga sa mga nanalo ay si Jemuel Garcia, Jr. na nanalo ng dalawang unang gantimpala para flash fiction at creative nonfiction. Bongga rin si Klara Espedido na may tatlong premyo! Unang gantimpala para sa tula, dalawang pangalawang gantimpala para sa flash fiction at creative nonfiction. Si Richard Olano naman ay nanalo ng pangalawang gantimpala para sa tula. Sadyang walang pangatlong gantimpala sa tatlong kategorya sa rules ng patimpalak.

Nasa University of San Agustin ako nagtatrabaho sa mga taong 2001-2008. Ibang-iba na ang San Agustin at ang Lungsod Iloilo sa ngayon. Lalo na noong estudyante pa lamang ako sa kolehiyo rito noong 1991-1994. Umunlad na itong tahimik na lungsod noon. Dumami ang malls, ang mga sasakyan, at ang mga tao. Walang kapantay ang ganda ng Iloilo Esplanade sa magkabilang pampang ng Iloilo River.

Banayad ang hagod sa aking puso ng saya at ganda habang kumakain sa Welcome Dinner and Orientation ng 21st San Agustin Writers Workshop sa Mestizo by Emilion dahil nakikita ko ang Iloilo Esplanade habang papalubog ang araw. Bago kami pumunta roon para mag-dinner, namasyal muna kami nina Jay at Manang Isabel Sebullen sa Iloilo City Garden of Love sa kabilang pampang ng Esplanade. Napakaraming bulaklak! Sari-sari. Parang mga manunulat na dumaan sa SAWW sa loob ng dalawang dekada. Parang hindi napipigilan ng anumang unos at pandemya ang pagdami at ang pamumukadkad nila.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong 2024.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here