By John Iremil Teodoro
May limang bagong librong pambata mula sa Lungsod Roxas, Capiz: “Akon Balay/My House” na sinulat at inilarawan nina Shane Martinez at Maru Alayon; “Ang Biyahe ni Paul / Ang Biyahe ni Paul” na sinulat ni Andrew Dumali-Aponesto at inilarawan ni John Paul M. Bansale; “Ang Dalaga nga may Madakmol nga Dapa-dapa / Ang Dalagang may Makapal na Talampakan” na sinulat ni Gary Tabanera at inilarawan ni Rex Randell Namoc; “Lin-ay: The First Babaylan” na sinulat ni Christian George Acevedo at inilarawan ni Aaliaa Sharma; at “Kapid / Twins” na sinulat ni Bryan Mari Argos at inilarawan ni John Alaban.
Ang limang libro ay produkto ng “Ilawod: Five Children’s Book Set” na bahagi ng programang “Roxas City Lunsod Lunsad 2024” ng Department of Trade in Industry at Roxas City Government. Ang gawaing ito ay pinamumunuan ng kaibigan kong Palanca awardee na si Bryan Mari Argos, ang Tourism Officer ng Lungsod Roxas. Inilathala ang mga ito ng Kasingkasing Press, isang aktibong indie publishing house na nakabase sa Lungsod Iloilo.
Ang gawaing ito ay may dalawang magkasunod na workshop na isinagawa noong Setyembre 2024. Una muna, workshop para sa mga illustrator na ang mga naging panelist ay sina Beth Parrocha, Danielle Florendo, Ivan Reverente, at Marx Fidel. Sinundan ito ng workshop para sa mga manunulat at ang naging panelists naman ay sina Marjorie Evasco, Dinah Roma, Ferdinand Pisigan Jarin, at ako. Naging masaya at mabunga ang mga workshop na ito. At para sa mga panelist, na nakalagay ang mga pangalan sa libro bilang mga consultant, pagkakataong kumain nang bongga ng sea food.
Ang “Akon Balay / Aking Bahay” ay kuwento ng hermit crab na si Uma. Isang umaga nabasag ang kaniyang pinamamahayang kabibe. Noong una nahirapan siyang maghanap ng pampalit na bahay dahil maraming basura sa tabingdagat. Sinubukan niya ang plastic straw kaso masyadong maliit ito sa kaniya. Ang sumunod niyang nakita ay ang plastic cup na masyado namang malaki sa kaniya. Mabuti at may isang bata na tumulong sa kaniyang hanapin ang lugar na may maraming kabibe. Doon tinulungan siya ng iba pang hermit crab na maghanap ng perpektong kabibe para sa kaniya.
Isang muling pagkuwento ng alamat naman ang “Ang Biyahe ni Paw.” Isang araw pumunta ang pamilya nina Paw sa isang isla. Hindi masaya si Paw dahil pupunta lang pala sila sa isang ordinaryong isla. Hanggang sa may isang matandang babae na nagkuwento sa kaniya tungkol sa isang higante na umatake sa isla at mabuti na lang ay natamaan ito ng kidlat kayâ sumabog ang katawan. Ang ulo at tiyan nito ay nahulog sa dagat at naging isla. Ito ang Isla Olotayan. Dahil sa kuwentong ito naging masaya na si Paw sa kanilang pamamasyal sa isla.
Alamat naman ng talaba ang “Ang Dalaga nga may Madakmol nga Dapa-Dapa / Ang Dalagang may Makapal na Talampakan.” Sa isang tagong dalampasigan ng Talon nakatira si Lina. Kakaiba si Lina dahil siya lang ang may makapal na talampakan na maaaring umakyat ng mabato na bundok para makapunta sa bayan. Ang mga matalim na bato sa bundok ay mga talaba. Ang problema inaabuso ng mga lasenggo sa lugar nila ang kabaitan ni Lina na gusto nilang umakyat palagi sa bundok para kumuha ng tuba na iinom nila. Kinidnap pa nga ng mga lasenggo ang mga magulang ni Lina para mapilitan itong kumuha ng tuba. Mabuti na lamang at may nakakitang Diwata sa pangyayaring ito at tinulungan si Lina. Pinarusahan nito ang mga lasenggo at biniyak ang bundok upang may daan na mula sa Talon papunta sa bayan. Nadiskubre din ng mga tao na maaari palang kainin ang mga matalim na kabibeng nakadikit sa paanan ng bundok sa sityo nila. Sina Lina naman at ang mga magulang niya ay isinama ng Diwata sa paraiso.
Isang magandang feministang kuwento naman ang “Lin-ay: The First of Babaylan.” Sa puso ng pook ng Madia-as dito ipinanganak at lumaki ang batang si Lin-ay na naging isang babaylan. Madia-as ang tawag ng mga Malay migrant galing Borneo sa Isla Panay at “lin-ay” naman ang tawag sa Kinaray-a at Hiligaynon, ang mga pangunahing wika sa Capiz, para sa magandang dilag. May dinalang sakit ang mga dayong mananakop sa Madia-as at marami ang nagkasakit. Si Lin-ay ang nakahanap ng panlunas sa sakit na ito kayâ siya ay naging unang babaylan.
Para sa akin ang pinakamaganda at pinakamagaling ang pagkasulat sa limang libro ay ang “Kapid / Twins” na siyang retelling ng alamat ng lalawigan ng Capiz. Nagmula sa salitang “kapid” ang Capiz na ang ibig sabihin ay kambal. Ang “Kapid” ay kuwento ng kambal na sina Kapid Katmon at Kapid Kataw. Si Katmon ay allergic sa asin ng dagat samantalang si Kataw naman, na isang sirena (“kataw” ang salitang Bisaya para sa sirena) ay hindi maaaring mainitan at makaahon sa dagat. Ang magkaibang kalagayan nilang ito ang naging sanhi ng di pagkakaintindihan nilang magkapatid. Sa katapusan, nanaig pa rin ang pagmamahalan ng kambal.
Malaking ambag ang limang librong ito sa mga magagamit na libro sa pagtuturo sa una hanggang ikatlong baitang ng elementarya, ang tatlong grades na gumagamit ng mother tongue bilang wikang panturo. Kayâ nga naghihinayang ako na ayaw na ng kasalukuyang namumuno ng Department of Education ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE). Mas gusto ng mga namumuno ng DepEd na wala namang alam sa edukasyon (lalo na ng mga katulad ni Sara Duterte na naging DepEd Secretary lang dahil sa political accommodation) na Ingles ang magiging medium of instruction. Ganito na rin ang ipinatutupad ngayon ni Sonny Angara na siyang bagong DepEd Secretary. Hanggat mga trapo ang mamumuno ng DepEd, lalong bababa ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa.
Gayunpaman, nariyan na ang limang librong ito. Maaari pa rin itong ikalat sa mga mambabasa sa Hiligaynon speaking area. Maaari din itong mabasa ng mga hindi marunong ng Hiligaynon dahil may salin sa Ingles o Filipino. Sa katunayan, sa Ingles naman talaga sinulat ang mga kuwento nina Acevedo at Argos. May MTB-MLE man o wala, isang napakamakabuluhang gawain pa rin ang paglalathala ng mga orihinal na librong pambata dahil malaking tulong ito sa pagpapalawig ng imahinasyon ng mga batang babasa nito.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong 2024.