Ang Sabi ni Rebecca Solnit

By John Iremil Teodoro

“NGAYONG araw ay araw din ng paglikha ng mundo…at hanggang ngayon ay naniniwala pa rin ako na lumilikha pa rin tayo ng bagong daigdig. Naniniwala ako na sa maraming mahalagang aspekto ay mas maganda ito.” Ito ang sabi Americanang manunulat, historyador, at feminista at environmental activist na si Rebecca Solnit sa kaniyang bagong chapbook na Today is Also the Day of Creation (Constellation Project, 2024). Maliit at manipis na libro ito subalit napakalaki ng sinasabi tungkol sa kinabukasan ng ating daigdig na ngayon ay nasa panganib.

Radikal ang unang idea na ipinagdiinan ni Solnit sa lektura niyang ito sa Harvard Memorial Church noong Abril 12, 2023 bilang bahagi ng Harvard Divinity School’s Climate Week: Mali ang Genesis. Isang bitag ang Paraiso. Isang kalunos-lunos na batayan ng pagkaperpekto na ang lahat ng bagay ay magkukulang.

Problematiko umano kapag tinitingnan natin ang kapaligiran na may “virgin” o “ruined.” At ito ang sinasabi ng creation story sa Bibliya na sina Adan at Eva ay nasa Eden na isang perpektong hardin kaso nagkasala sila sa Diyos kayâ sila pinalayas, naging “fallen from grace.” Sabi ni Solnit, kapag tinitingnan natin ang daigdig bilang “ongoing improvisation,” hindi tayo maniniwala sa paraiso na magiging isang hindi maaabot na batayan dahil nga perpekto. Ang pag-iisip na may paraiso ang nagiging dahilan kung bakit hindi nakikita ng mga kolonisador ang mga katutubong nakatira sa inaangkin nilang lupain, at kung nakikita man nila ang mga katutubo ay mababa ang tingin nila sa mga ito at binubura nila ang kanilang kasaysayan. Kapag may konsepto tayo ng paraiso at sirang kapaligiran, pinipili lamang natin ang mga lupain o teritoryo na gusto nating panatilihing “virgin” at ang iba naman ay maaari nating pagsamantalahan at laspagin.

Sa ngayon atat na atat na naman ang pamahalaan na buhayin ang Bataan Nuclear Power Plant. Isa ito sa mga white elephant na proyekto ni Ferdinand Marcos, Sr. na lalo lamang naglibing sa utang sa ating bansa. Ngayong admistrasyon ng kaniyang anak na si Bong Bong Marcos ay puspusan nang isinusulong ang pag-operate nito upang makatulong sa pag-stabilize ng koryente sa bansa. May mga nagsasabi ring mas malinis na electric power ito kaysa mga diesel powerplant. Pero siyempre hindi talaga natin maiaalis ang panganib na dala nito. Halimbawa nakita na natin ang nangyari sa Fukishima Nuclear Power Plant sa Japan na nag-meltdown dahil sa tsunami sanhi ng lindol. Malaking trahedya kung magkataong mangyari ito sa Bataan Nuclear Power Plant.

Ito ang sinasabi ni Solnit na kailangan nating gamitin ang kapangyarihan ng ating imahinasyon upang makapag-imadyin tayo ng isang alternatibong uri ng pamumuhay na hindi mailagay sa alanganin ang kapaligiran at ang buhay nating mga tao at iba pang nilalang. Aniya, “We need to change how we live, and that means not just electrical power but the power of imagination. Ideas and values brought us to this crisis, and we need ideas and values that are themselves lifeboats away from extractivism, capitalism, colonialism, institutionalized inequality, and other aspects of what I call the ideology of isolation.”

Dito inilatag ni Solnit ang mga sanhi ng pagkasira ng ating kapaligiran, kung bakit lumalala ang global warming, at kung bakit napakalayo ng agwat ng mga mayaman at mahirap sa mundo. Di hamak na mas marami siyempre ang mga mahirap lalo na dito sa Filipinas. Bagamat sa resulta ng 2024 Tugon ng Masa survey halimbawa, 42% ng mga respondent ang naggrado sa sarili na mahirap sila. Ibig sabihin may 48% na hindi mahirap ang tingin sa sarili. Pero ayon sa Philippine Institute for Development Studies, para masabing mayaman ang isang Pinoy, dapat kumikita ito ng PhP219,140 kada buwan at mas kaunti pa kaysa 1% ang may ganitong kita. Sa 118.8 milyon na mga Filipino, 117,000 lang ang masasabi nating mayaman talaga. Ang ganitong agwat ng pamumuhay ay pinapalala pa ng pagbabago sa ating klima. Kitang-kita naman na sa pagdaan ng malalakas na bagyo at matinding pagbaha, madaling maka-recover ang mga mayaman at ang mas apektado ang buhay at kabuhayan ay ang mahihirap.

“In light of the climate crisis, it is perhaps also says that we and our world can never be what we were, but we can still be, and still be beautiful, a powerful model for post-traumatic growth. Our world has been shattered, and we are now trying to reassemble a version of it that works for as many people, species, systems and places as we can,” ang sabi ni Solnit hinggil sa mga bagay na maaari pa nating gawin para maisalba ang ating daigdig.

Ano ang dapat nating gawin? Kailangan natin ng mga kuwento, mga tula, mga naratibo, na magpapaalala sa atin sa kagandahan ng ating daigdig at mag-udyok sa atin na ipaglaban ito. Ani Solnit, “We need stories that remind us how change really works, how campaigns for rights, for humanism, and for nature, so often begin in the margins and only end with courts and legislatures, how heroism is not the muscular violence of superhero movies but the tenacity, dedication, strategic intelligence, and moral compass of the real changemakers.”

Kailangan nating magsulat, magbasa, at magsabuhay ng mga kuwento tungkol sa kapangyarihan ng kalikasan at sa kapangyarihan nating mga tao na protektahan ang ating mundo upang magkasama nating mapreserba at mapakinabangan ang likas na kagandahan ng ating daigdig. Ang mga naratibong ito ang ating kaligtasan.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong 2024.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here