23.6 C
Iloilo City
Tuesday, March 17, 2026, 10:36 pm
Home OPINION Rediscovering Cecilia Manguerra Brainard

Rediscovering Cecilia Manguerra Brainard

Ni John Iremil Teodoro

SA isang mountain resort na mala-Ubud, Bali sa San Joaquin, Iloilo ay may maluwang na restawran na yari sa kahoy, kawayan, at nipa na napapalibutan ng mga punongkahoy at mga halamang tropikal. Sa isang gilid may mesitang kawayan na punô ng mga hardbound na libro at sumisigaw sa mga cover ang katagang “literature.”

Masaya ako kapag makakita ng maraming libro. Agad kong nagustuhan ang lugar dahil bukod sa ang pakiramdam ko ay parang nasa isang liblib na ecoresort ako sa Ubud, perpekto ang lugar para magbasa at magsulat. Sayang nga lang at nandoon lang kami para mananghalian. Wala kasi kaming panahon ng partner kong si Jay na mag-overnight doon. Iniisip ko, sa term break sa Agosto, babalik kami roon at mag-stay ng dalawang gabi.

Pinulot ko ang librong Asian American Literature ng Glencoe McGraw-Hill dahil gusto kong tingnan kung kasama ang mga akda ng mga paborito kong mga Asian American na manunulat tulad nina Bienvenido N. Santos at Luisa Igloria. Nang tingnan ko ang table of contents, medyo disappointed ako na wala ang dalawang manunulat na inaasahan kong kasama dapat sa libro. Pero napangiti naman ako sa tuwa nang makita ko ang pangalan ni Cecilia Manguerra Brainard. Binabasa ko kasi ngayon ang nobela niyang Magdalena (University of Santo Tomas Publishing House, 2016) na inilunsad sa amin sa De La Salle University noong 2017. Matagal nang nasa bookshelf ko ang librong ito subalit nitong Hunyo ko lang naisipang basahin.

Ang ganda ng nobelang ito na ang setting ay Ubec at Mactan. Sa mga akda ni Brainard, kapag ang setting ay Cebu kung saan siya ipinanganak at lumaki, ay banaliktad na pangalan ng lungsod at lalawigan ng Cebu. Vietnam War ang background ng nobela dahil may American Base sa Mactan ang mga Americano nang panahong iyon at doon nagri-rest and recreation ang mga sundalo nila na nakadestino sa Vietnam. Fast-paced ang nobela subalit elegante ang wika at prosa ni Brainard. Napaka-lyrical. Gustong-gusto ko halimbawa ang love scene ng chapter na ang pamagat ay “Magdalena’s Monologue (1967)” nang magtalik sa isang cabaña sa tabi ng dagat sina Magdalena at ang batang sundalong Americanong nangungupahan sa bahay niya. “He tastes of the sea this man. He is like a god risen from the sea. I like to cup his face in my palms, touch his neck, his arm, feel his skin against mine. He is always warm, warmer than me: he says it is from desire,” ang sabi sa pambungad na talata.

Una akong nakabasa ng akda ni Brainard noong nag-aaral pa ako ng MFA sa La Salle. Mga 1995 hangga 1997 iyon. Nakabili ako ng libro niyang Acapulco at Sunset and Other Stories (Anvil, 1995) at hindi ko makalimutan ang title story ng librong ito tungko sa isang babae na galing Filipinas at dinala ng bana niyang negosyante sa Acapulco, Mexico. Doon sa kanilang terasa ay makikita niya ang dagat at inaabangan niya ang pagdating ng galyon galing Manila dahil ito ang nagdadala ng mga liham at gamit mula sa kaniyang lupang sinilangan. Sa panahong iyon, inaabot ng ilang buwan ang biyahe ng galyon.

Hindi ko makalimutan ang detalye ng librong iyon kahit na ilang taon nang hindi ko mahanap-hanap ang kopya ko. Malamang nadala ko iyon sa Palawan nang magtrabaho ako roon bilang journalist at pansamantalang nag-migrate ang pamilya namin roon. Matapos nang ilang taon ay muli kaming bumalik sa Antique at naiwan ang marami kong libro sa bahay namin sa Puerto Princesa. Inanay ang mga librong iyon at kung may natira man ay nawala rin nang ibenta na ng mga magulang ko ang bahay na iyon.

Noong Disyembre ng 2024 ay may deadline ako kay Brainard para sa hinihingi niyang sanaysay na “How I Became a Writer.” Noong una ay para lamang ito sa webpage niya pero kalaunan, dahil marami siyang natipon na mga sanaysay mula sa iba’t ibang manunulat dito sa Filipinas at sa Estados Unidos, naisipan niyang i-compile ito bilang isang libro at inilathala nga ito ng Vibal Foundation sa ilalim ng imprint nitong World Nonfictions na iniedit ni Charlie Samuya Veric na guro ko sa PhD noon.

Inilunsad ang librong How I Became a Writer: Essays by Filipino and Filipino American Writers noong Hunyo 7, 2025 sa Brunch Bureau Makati sa Legazi Village sa Lungsod Makati. Nakaka-proud maging kasama sa librong ito dahil ito ang tipo ng libro na pang-required reading sa mga creative writing courses at pati na rin sa Literary History of the Philippines. Siyempre hindi ako puwedeng magsulat ng ribyu para sa librong ito dahil kasama ang akda ko rito.

Dahil nga muli kaming magkikita ni Brainard sa personal, nag-order ako sa Amazon ng US edition ng librong Acapulco at Sunset para makapagpa-autograph ako nito sa kaniya. Huli kaming magkita ay mga isang buwan bago mag-lockdown ang buong mundo dahil sa pandemyang COVID-19, nang inilunsad sa Solidaridad Bookshop ang libro kong Sommarblommor: Poems Written in Europe (University of Santo Tomas Publishing House, 2019). Muli kong binasa ang maikling kuwentong “Acapulco at Sunset” at gustong-gusto ko pa rin.

“Waiting for Papa’s Return” ang pamagat ng maikling kuwento ni Brainard sa librong Asian American Literature na binasa ko sa luntiang restawran na iyon. Tungkol ito sa isang batang babae na namatay ang tatay subalit parang hindi pa niya masyadong naiintindihan. Maikling kuwento lang pero malakas ang dating. Muli napabilib ako sa prosa ni Cecilia Manguerra Brainard.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.