By Jaime Babiera
Noong bata pa ako, marami akong itinuturing na mga senyales o palatandaan na malapit na ang kapaskuhan. Una nariyan ay ang literal na paglamig ng simoy ng hangin. Sa aking pagkakaalala ay nag-uumpisang magbago ang temperatura sa kalagitnaan ng Oktubre kung saan napipilitan akong magpa-init ng tubig na pangligo sa umaga.
Paglipas ng ilang linggo, napapansin ko na ang mga kapitbahay namin ay nagsisimula nang maglagay ng dekorasyon sa kani-kanilang mga tahanan. Nariyang nagkakabit na ng LED Christmas lights ang katapat naming bahay at sinisimulan na itong pailawin tuwing gabi at madaling araw. Sa kabilang dako naman, hindi papatalo ang aming landlady na si Ate Tess na sa aking gunita ay may napakalaking inflatable Santa Claus sa kanilang asotea. Kung hindi ako nagkakamali ay tinali na nila ito kalaunan sapagkat may mga pagkakataong lumalakas nang bahagya ang ihip ng hangin sa aming lugar.
Walang pinagkaiba ang mga tagpo sa aming paaralan tuwing nalalapit ang pagsapit ng kapaskuhan. Pagpasok ng unang linggo ng Disyembre, makikitang abala na agad ang mga guro at Parents-Teachers Association (PTA) officers sa pagkakabit ng mga parol at iba pang Christmas decorations sa paligid ng campus habang kami namang mga estudyante ay nagsisimula nang mag-ensayo para sa aming Christmas party field presentation. Noong mga oras na iyon, nag-uumapaw na sa tuwa at galak ang aming mga puso dahil batid namin na malapit na ang pinakahihintay naming bakasyon.
Sa kasalukuyan ay hindi na ito ang mga palatandaang hinihintay ko tuwing pasko sapagkat marami nang nagbago sa aking buhay simula nang makapagtapos ako ng pag-aaral at makapagtrabaho. Kung dati-rati ay isa lamang akong musmos na bata na mahilig mangapitbahay kina Cole at makipaglaro ng Plants vs. Zombie habang nag-aantay ng Noche Buena, ngayon ay kami na ng aking kababata ang mismong abala na mamili o ’di kaya ay magplano ng aming ihahanda sa sari-sarili naming tahanan.
Ngayong tumanda na ako ay tsaka ko lamang napagtanto na tunay nga ang sinasabi ng karamihan na ang pasko ay para sa mga bata. Kaya kung mabibigyan ako ng pagkakataon na bumalik sa pagkamusmos at maranasan muli ang munti ngunit napakasayang kapaskuhan, sa wari ko ay hindi ko ito papalagpasin.
Email: jaime.babiera@yahoo.com / X: @jaimebabiera