Akda ni Hen. Antonio Luna, tatalakayin sa 11 Hunyo 2021

Pangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino ang talakayan sa sanaysay na “Mga Unang Impresyon Ko (Sa Madrid)” na sinulat ng bayaning Hen. Antonio Luna.

Itinatampok ito sa proyektong Onlayn Talakayan sa mga Babasahín sa Kulturang Filipino na serye ng mga libreng sesyon sa pagbása at diskusyon hinggil sa kulturang Filipino.

Ang nasabing sanaysay ay bahagi ng aklat na Impresiones na lumabas sa pahayagang La Solidaridad at nalimbag bilang aklat sa Madrid noong 1891.

Inilathala naman bilang KWF Aklat ng Bayan ang Mga Impresyon, ang salin sa wikang Filipino ni Dr. Teresita Alcantara na nagwagi sa timpalak na Sali(n) Na.

Kilala si Luna (1866–1899) bilang magiting na heneral sa digmaang Filipino-Americano. Bago ito, kasapi siya ng Kilusang Propaganda na nagsulong ng mga reporma para sa Filipinas.

Bukás at libreng magpatala sa talakayan. Kinakailangan lámang magpatalâ ang mga interesado sa https://forms.gle/y9cvrfABdTzc1mAa9. 30 kalahok ang pipiliin ng KWF para sa nasabing talakayan.

Sa 6 Hunyo ang hulíng araw ng pagpapatalâ at sa araw ding ito ilalabas ang mga napiling kalahok.

Magkakaroon pa ng ibang talakayan sa mga sumunod na buwan tampok ang iba’t ibang akda ng mga bayaning manunulat ng Filipinas. Para sa karagdagang detalye, maaaring magpadala ng email sa rrcagalingan@kwf.gov.ph, o bumisita sa kwf.gov.ph.