Ang Aming Bahay sa Maybato

By John Iremil Teodoro

KAILANGAN pang tapusin ang grades na sa darating na Martes ang deadline. Kailangan ding magpahinga para tuluyang mawala ang ubo at hika. May mga kailangan pang gawin para sa opisina dahil hanggang Disyembre 20 pa ang operasyon ng Unibersidad bago tuluyang magbakasyon sa Pasko. Work from home naman pero trabaho pa rin ito.

Pero noong Sabado umuwi na ako rito sa Antique. Alam ko kasing mas mapapadali ang paggaling ko kapag dito na ako sa amin—malapit sa dagat, maraming preskang pagkain, may tatambayang hardin dito sa bahay, at siyempre di hamak na mas sariwa ang hangin dito sa Maybato kumpara sa hangin ng Taft Avenue. Saka nandito ang partner kong si Jay. May mag-aalaga sa akin.

Itong pag-uwi ko ngayon para sa Pasko ay mas relaxing na talaga. Noong nakaraang taon kasi marami akong pinaayos dito sa bahay kayâ napagod ako at naubos ang pera ko. Gusto ko kasing maging kumportable sina Mimi at Evert John sa pagbakasyon nila rito. Pinaayos ko talaga nang bongga ang master’s bedroom hanggang sa nagmukha itong kuwarto sa isang matinong pension house. Napalagyan ko ito ng aircon para talagang makatulog nang maayos ang kapamilya kong Swedish!

Dito kami sa kuwartong ito ni Jay nagtutulog ngayon. Matagal ko nang inilipat ang writing table ko rito kayâ ito na talaga ang working room ko. Marami na akong libro dito sa kuwarto at kumportable na akong magtrabaho rito.

Kapag sinabi kong ang bahay namin sa Maybato, ang tinutukoy ko ay ang bahay na itong pinagawa ng aming mga magulang noong huling bahagi ng dekada 70. Ito ang aming ancestral house dahil ang lupang kinatatayuan nito ay lupang minana pa nina Tatay at Tita Nening mula sa mga lolo’t lola nila. Ngayong wala na sina Nanay at Tanay, at si Tita, hindi ko iniisip na bahay ko ito kundi aware ako na bahay namin itong apat na magkapatid.

Noong Sabado habang papalanding na ang eroplanong sinasakyan ko sa Antique Airport, tahimik akong nagpapasalamat sa Panginoon na may direktang biyahe na mula sa Manila pauwi sa amin. Malaking ginhawa ito. Parang sobrang effort na ang bumaba pa sa Iloilo Airport at saka magbibiyahe ng dalawang oras para makarating dito sa bahay namin sa Antique.

Sa arrival area, kitang-kita na ang halos tapos na bagong airport terminal. Totoong terminal na talaga ito di tulad ng terminal ngayon na kasing laki lang ng barangay hall. Ini-expand na rin ang buong airport at dinudugtungan na ang runway para puwede nang maglanding ang mas malaking eroplano. Mukhang sa mga susunod na taon marami na ang flight pauwi at paalis ng Antique. Sa ngayon kasi ang maliit na eroplano ng Philippine Airlines ay kada Martes, Huwebes, at Sabado lang ang mga biyahe.

Maraming masasaya at marami ding malulungkot na mga alaala sa bahay na ito. Lumang bahay ng pamilya kasi. Paminsan-minsan naaalala ko ang mga pagsubok sa buhay na dinaanan naming pamilya tulad ng mahabang pagkakasakit ni Nanay noon nang ma-renal failure siya, ma-kidney tansplant, at hanggang sa tuluyan siyang pumanaw. Gayundin noong nakulong si Tatay sa United Arab Emirates dahil nagpatayan ang mga tauhan niya sa barko. Namamangha ako kung paano namin nalampasan ang lahat nang iyon. Ni parang walang trauma sa aking pagkatao at ang natira lamang ay ang mas malalim na pag-unawa sa buhay dahil sa mga karanasang iyon. Ni wala nang hinanakit sa aking kasingkasing. Sa halip napupuno palagi ng pasasalamat ang kaibuturan ko sa kabutihan ng Panginoon sa lahat ng biyayang ipinagkaloob niya sa aming pamilya.

Ang ganda na ng hardin namin. Salamat kay Jay na mahilig maghardin. Noong maliit ako mahilig na ako sa fishpond. Ngayon may tatlong fishpond na rito sa bahay. Yung dalawa ay gawa ni Jay. Noong Sabado pagdating ko may dalawang kalabasa sa mesa. Dahil gusto kong magsabaw ng gulay, kumuha din siya sa hardin ng mga sitaw. From garden to table talaga ang peg!

Paminsan-minsan naaalala ko si Tita Nening. Naisip ko kasi na siguro mas maganda pa ang hardin namin kung buháy pa siya dahil mahilig ding mag-garden iyon. Naalala ko rin si Tatay kapag mapagmamasdan ko ang malalaking bato sa hardin. Siya talaga ang nanghakot ng mga ito. Kinuha niya ang mga ito sa mga panambak habang ginagawa ang widening ng highway sa tapat ng bahay namin. Parehong mahilig maghardin sina Tita at Tatay.

Excited na kami ni Jay magpatayo ng bahay sa Aningalan. Noong Oktubre fully paid na ang lote namin doon. Dalawang taon din naming hinulugan iyon. Maliit lang na property, 780 sqm, pero sapat na para sa tiny house na plano namin. Gusto naming gawing hardin talaga ito at lagyan lang namin ng maliliit na bahay. Titirhan namin at yung iba ay parerentahan sa mga artist at manunulat na gusto ng tahimik at magandang lugar upang makapaglikha sila ng kanilang sining. Tatawagin namin itong Hardin Milagros—para sa alaala ni Nanay at para din ipagdiwang ang maliliit at malalaking himala sa buhay na mangyayari doon.

Ang isa sa mga paborito naming pinapanood ni Jay sa Youtube ngayon ang mga dokumentaryo ni Bryce Langston na “Living Big in a Tiny House.” Ang gaganda ng mga maliit na bahay na isa nang movement sa Australia at New Zealand ngayon. Environment friendly ang maliliit na bahay dahil madaling mamuhay nang off-grid dito—may sariling water at electricity system. Saka sa kaso ng mga mayamang bansa, paraan itong tiny house na magkaroon ng bahay na hindi malilibing sa utang o ang magbayad ng amortization hanggang sa pagretiro.

Ito ang maganda sa plano namin ni Jay sa Aningalan. Bayad na namin ang lupa. Ngayong 2025 ay uumpisahan na namin ang pagpapatayo ng tiny houses namin. Ang balak namin apat. Unti-unting pagpapatayo para hindi namin kailangang mangutang. Sa pag-early retirement ko mula sa trabaho ko sa Manila five years from now, dapat wala kaming utang para iwas sa mga alalahanin. Ang hirap mamuhay nang tahimik kapag may iniisip na babayaran.

Kahapon nilinis namin ni Jay ang buddha belly bamboo sa tabi ng estatwa ni Mother Mary. Masyadong kasing makapal ang puno. Habang nagkakape kasi kami sa terrace binubuklat ko ang cofeetable book ng tropical garden. May isang hardin na maganda ang larawan ng buddha belly nila. Sabi ni Jay bakit hindi ganoon ka ganda ang buddha belly bamboo namin? Sabi ko kasi well-maintained ang nasa larawan. Saka siyempre lilinisin at i-curate nila iyon nang bongga para maging pang-coffee table book!

Budda belly bamboo ang tawag dito dahil ang ang sanga nito ay parang mga tiyan ng isang buddha. Sabi nila pampasuwerte raw ito. Pinaniniwalaan din na magandang may kawayan sa hardin dahil ina-absorb daw nito ang mga negatibong elemento.

Matapos naming maglinis ng buddha belly bamboo namin ay kitang-kita na nga ang ganda nitong kawayan sa tabi ni Mother Mary na lalong gumanda ang puwesto. Actually si Jay lang talaga ang nagbawas ng mga dahon at nagbalat ng puno ng kawayan. Ako nakaupo lang at nag-uutos. Hindi ko pa kayang tumuwad at yumuko.

Kayâ excited na rin ako na tuluyang mawala ang hika at ubo ko. Marami akong gustong gawin sa hardin. Ngayong mahigit isang taon nang inaayos namin ni Jay ang hardin dito sa bahay namin sa Maybato, natutuhan at tanggap na namin na walang katapusang gawain ang paghahardin. Kailangan ng tuloy-tuloy na pangangalaga dito. At napapawi naman ang lahat ng pagod kapag may makita kaming paruparo at tutubi na bumibisita at naglalaro sa aming mga halaman.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong Abril 2024.