Ang Halaga ng Pag-aaral ng Philippine Literature

By John Iremil Teodoro

PARANG noong isang linggo lang sinulat ang mga tulang “To Define is to Know” at “Some Big Shots Have Been Using Me” ni National Artist for Literature Cirilo F. Bautista. Lalo na ngayong panahon ng eleksiyon mas naging matingkad ang pagiging bago ng mga imahen, kuwento, tauhan, at lunan nitong dalawang tula.

Nasa pang-apat na linggo ng klase na kami ngayong ikalawang termino. Ang paksa o tema namin ngayon sa GELITPH o Philippine Literature ay “The Nation and Beyond.” Ayon sa common syllabus sa Department of Literature ng De La Salle University (DLSU), ang paksang ito ay tutugon sa tanong na, “What definition(s) of ‘nation’ can account for and address the scope and diversity of Philippine life and culture in the contemporary world?” Mga tula ni Bautista ang tinatalakay namin sa klase lalo na ang dalawang tula na nabanggit sa itaas.

Makikita sa librong Believe and Betray: New and Collected Poems (De La Salle University Press, 2006) ang mga tulang “To Define is to Know” at “Some Big Shots Have Been Using Me.” Ang pangalawang tula ay makikita rin sa Selected Poems (University of the Philippines Press, 2016)

Bago talakayin ang mga tula ni Bautista, pinag-usapan muna namin sa klase ang ibig sabihin ng “nation.” May magadang maikling video sa Youtube na maaaring gamitin para dito: ang “What is Nation” ng PHILO-notes (https://www.youtube.com/watch?v=9hjaA7VEy0s). Dito makikita ang pagpapakahulugan ng Pranses na pilosopo at historyador si Ernest Renan na, “A large-scale solidarity constituted by the feeling of sacrifices that one made in the past and of those that one is separated to make in the future.” Sabi pa niya, “The efforts to obtain national unity, either in the name of civic or ethnic nationalism, involve acts of violence and subsequent forgetting.”

Base sa idea na ito ni Renan, narito ang pagpapakahulugan sa “nation” ng PHILO-Notes: “A community of people formed in the basis of a combination of shared features such as language, history, ethnicity, culture, and territory.”

Makikita rin a video na ito ang pinakasikat na pagpapakahulugan sa konsepto ng nasyon na inilatag ng sikat at impuwensiyal na political scientist na si Benedict Anderson: ang “nation as an imagined community.” Aniya Anderson, “Nation is an imagined political community that is culturally imagined as both inherently limited and sovereign.”

Ang mga persona, ang mga nagsasalita o boses na naririnig natin, sa dalawang tula ay mga ordinaryong mahirap na Filipino. Sa “To Define…” isang taong inaalaala ang batang sarili na kausap ang kaniyang ama. Kuwento niya, “Because we are poor, / my father warned me against / politicians and policemen.” Sina Rodrigo Duterte at Bato dela Rosa agad ang iisipin ng marami. “They live in big houses, he said; / the will shoot you down / if they don’t like your look, he said.” Tokhang agad ang maiisip pagkabasa nito. Pero noong Setyembre 1997 pa sinulat ni Bautista ang tulang ito.

Ang tula ay tungkol sa kahirapan ng isang pamilya at lalo na tungkol sa unti-unti pagkamalay ng isang tao sa kanilang kalagaya bilang mahirap na pamilya na salat sa pera. “[I] did not know / the meaning of ‘poor’ until one day, / at election time, the politicians / and their policemen descended / on our hovel bearing gifts of goof / and money. Look, my father said, / they are giving us back some / of what they took away from us.” Sa isang nasyon na pinamumunuan ng mga magnanakaw na politiko, sinasabi sa ating ng tula na dapat alam natin na ang mga perang ginagamit ng mga politiko na pambili sa ating boto ay pera din naman ng taumbayan.

Sa tula namang “Some Big Shots…” makapangyarihan ang imahen ng isang mahirap na ginagamit ng mga politiko sa pagta-target practice nila: “Some big shots have been using me / for target practice. They call it preparing / for Progress.” Sabi ng persona nakiusap siyang pababain ang buwis, binaril siya ng politiko sa tenga. Nagrali siya laban sa police brutality, pero binarily ang mga daliri niyang may hawak ng plakard. Nang makaiusap siyang babaan ang presyo ng bigas (Sapagjkat may nangako namang gawing PhP20 per kilo ang bigas noong nakaraang eleksiyon), binaril siya sa bunganga. Sa huli sabi ng persona na nawawalan na ng pag-asa, “[O] if they would only / shoot straight and hit me in the heart for a change!” Dalawa ang maaaring kahulugan ang huling linya: una, mas gusto na talagang mabaril na sa puso ang persona para matapos na ang paghihirap niya, o ikawala, puwede namang baguhin ng mga politiko ang ugali nila at mapapasaya nila ang puso ng persona.

Ang pinakamalungkot na linya para sa akin sa tulang “Some Big Shots…” ay ang, “Democracy is a tiresome habit–.” Lalo na ang demokrasya natin dito sa Filipinas na hindi na talaga demokrasya kundi bansa tayong pinamumunuan ng mga korap na mga dinastiya ng mga politiko at mga mandarayang negosyante. Ang patronage politics—kasama rito ang hayagan at pasimpleng vote buying—ay hindi na talaga demokrasya. Ang mga persona sa dalawang tula na ito ay mga naitsapuwerang kasapi ng nasyong Filipino. Parang hindi sila isinama, o isinama lamang upang gamitin para sa interes ng iilan, sa iniimadying bansa ng mga makapangyarihan. Muli, mukhang bago itong tula pero noong Disyembre 1995 pa ito sinulat ni Bautista.

Ang DLSU ay isa na lamang sa mangilan-ngilang nagtuturo pa ng Philippine Literature bilang general education (GE) subject. Kasama kasi ito sa tinanggal sa bagong kurikulum ng Commission on Higher Education nang mag-K to 12 program. Naging option na lamang sa mga kolehiyo at unibersidad kung isama o idagdag pa ito sa kanilang mga kurikulum.

Napakadelikado ng pagbabagong ito sa kurikulum sa higher education. Sa mga subject ng literatura tulad ng Philippine Literature natutuhan ng mga estudyan kung paano magbasa nang maayos dahil sa ginagawang close reading ng mga akda. Nade-develop din ang kanilang critical thinking skills dahil sa iba’t ibang mga teorya na ginagamit na lente sa pag-unawa sa kahulugan at mensahe ng mga akda. At sa Philippine Literature, mas lalo nating mauunawaan ang pagkatao nating mga Filipino at ang kasaysayan ng ating bansa para maiwasan na nating ulitin ang mga kamalian ng mga naunang henerasyon. Kapag na-appreciate na natin ang henyo ng ating mga manunulat, mas madali nating ipagmalaki ang ating pagka-Filipino.

Nakikita na natin ngayon ang resulta ng kawalang pagpapahalaga natin sa literatura lalo na sa sarili nating mga akdang pampanitikan. Mahina na ang karamihan sa reading comprehension. Tamad na ring magbasa ang marami na hanggang meme na lamang ang kayang basahin. Marami ang madaling mauto ng mga troll at hirap ma-distinguish ang mga fake news sa totoong balita. Marami ang nauuto ng mga politiko at ng mga propagandista nila, at marami ang mga naniniwala sa mga bulaang propeta. Mas naniniwala tayo sa mga peke at abusadong religious leader kaysa ating mga makata.

Kayâ palagi kong sinasabi sa mga estudyante ko, lalo na sa unang araw ng klase, na sa pagbabasa ng ating literatura at sa pag-appreciate ng ating mga likhang-sining, pinapakain at binubusog natin ang ating imahinasyon. Sinasabi ko sa kanila na hindi malayo ang mararating ng mga engineer o scientist na mahina ang imahinasyon. Sino ba ang nakaisip, o nakaimadyin, na maaari tayong makalikha ng eroplano? Di ba si Leonardo da Vinci na mas kilala bilang pintor? Isa ring engineer, mathematician, architect, at musician si Da Vinci at nakanotaryo ang mga idea niya. Kayâ masaya ako na may mga estudyante ng biomedical engineering at biochemistry ngayon sa klase ko sa Philippine Literature.

Ang mga tulang mahusay ang pagkasulat ay laging bago sa pandanig ng mambabasa. Wala naman kasing dudang isa si Cirilo F. Bautista sa mga pinakamagaling nating makata sa Filipinas at maging sa buong mundo. Marami tayong matutuhan kung paano natin maaayos ang ating bansa kung makikinig tayong maigi sa mga akda ng mga dakilang manunulat natin kagaya niya.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong 2024.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here