Ang mga Clown sa Senate Inquiry

By John Iremil Teodoro

KAHIYA-HIYA para sa Senado ng Filipinas bilang institusyon ang naganap na senate hearing noong Lunes, Oktubre 28, ng Blue Ribbon Committee, Subcommittee on the Philippine War on Illegal Drugs, Motu Proprio Inquiry, in Aid of Legislation, on the Philippine War on Illegal Drugs. Pinanood ko nang buo ito at dapat ang tawag dito ay “Motu Proprio Inquiry in Aid of Defending Digong, Bato, ang Bong Go on the Extrajudicial Killing in the Philippine Fake War on Illegal Drugs.”

Walang kuwenta ang senate hearing na ito at ipinakita lamang nito kung gaano kabobo at kawalang dangal ang karamihan sa mga senador. Ang maganda lang, dumating si dating Presidente Rodrigo “Digong” Roa Duterte, na ayon sa mga Dutertard ay “The Best President in the Solar System,” dahil siya mismo ang nag-implicate sa sarili niya bilang mamamatay tao. Marami siyang sinabi na pandagdag sa mga ebidensiya sa magiging kaso niya sa International Criminal Court. Sabi pa nga ni Senadora Risa Hontiveros, ang tanging may dangal na senador sa senate inquiry na iyon, sana nakikinig ang Department of Justice para maaari na talagang makasuhan si Duterte.

Clown 1: Koko Pimentel. Nagmukha siyang tanga bilang chair ng Blue Ribbon Sub Committee. Ayaw ko namang maniwala na hindi siya marunong mag-preside ng isang senate inquiry. Pero nagmukha talaga siyang baguhan sa Senado. Ni hindi niya masabihan si Duterte na huwag magmura at huwag paulit-ulit ang sinasabi. Ni hindi rin niya masaway sina Bato at Go na imbes na maging miyembro ng komite na nag-iimbestiga ay wala nang ginawa kundi depensahan si Duterte at ang mga sarili sa mga akusasyon laban sa kanila. Nagkaganito siguro si Pimentel dahil ibinenta niya ang sarili niya kay Duterte noon para maging Senate President siya. Nakakasira talaga sa isang tao ang labis na ambisyon.

Clown 2: Bato dela Rosa. Unang-una hindi na dapat pinayagan ng Senate Blue Ribbon Committee ang senate inquiry na ito dahil katawa-tawang isipin. Bunga lang kasi ito ng violent reactions ni Bato sa mga akusasyon ng maraming witness at resource person sa QUAD Com inquiry sa House of Representatives. Kahit na sabihin nating hindi naman korte at in aid of legislation lang ang mga senate at congressional inquiry, katawa-tawa pa rin ang idea na ang “akusado” ay siyang mag-iimbestiga. Kitang-kita nga ang katatawanang ito sa senate hearing noong Lunes dahil wala nang ginawa si Bato kundi depensahan si Duterte at ang sarili niya.

Clown 3: Jinggoy Estrada. Mabuti nga pinagsabihan ni Sen. Risa Hontiveros ang payasong ito na huwag gawing katatawanan ang usapang EJK at War on Drugs na libo-libo ang pinaslang. Sa senate inquiry pa lamang tungkol sa POGO at human trafficking, napapansin ko na ang pagiging bastos niya sa pagtatanong sa pekeng Filipino na si Alice Guo. Naniniwala naman akong sinungaling si Guo pero hindi ko nagustuhan ang pagtatanong ni Jinggoy tungkol sa diumanong boyfriend at love life ni Guo. Ang bastos ng dating nito at nagmukhang manyakis si Jinggoy. Dapat kasi sa hearing pa lamang na iyon pinagsabihan na siya ni Hontiveros dahil siya naman ang chair noon. Namihasa tuloy. Saka ang bastos niya magtanong kay dating Sen. Leila de Lima. Pagsabihan ba naman niyang “incompetent” daw ito. Kunsabagay, panahon ni De Lima bilang Justice Secretary nang makasuhan si Jinggoy at marami pang iba ng plunder dahil sa pork barrel scam. Na-acquit man siya ng Sandiganbayan sa kasong plunder pero nahatulan naman siya ng direct bribery at indirect bribery. May pinaghuhugutan ang clown from San Juan City.

Clown 4: Robin Padilla. Maiiyak ka na lang talaga sa kabobohan niya. Pero in fairness, consistent siya pag-defend kay Duterte na sponsor niya kung kayâ siya naging senador ngayon at sinusuwelduhan mula sa binabayad na tax ng mga tulad ko kahit wala siyang ambag sa Senado. Ang mas lalong nakakaiyak, maraming botante talaga ang may gusto sa kaniya.

Clown 5: Bong Go. Nandoon lang talaga siya sa hearing para ipagtanggol si Duterte at ang kaniyang sarili. Mula noon hanggang ngayon, ito lang ang role niya sa buhay—ang maging pathetic na sidekick ni Duterte. Kahit senador na siya, mukha pa rin siyang alalay ni Duterte. Kayâ defend to death siya sa kaniyang amo dahil kung ano man ang kabulastugang ginawa ni Duterte, at marami ito, damay siya.

May mga minor clown tulad ni Cynthia Villar na pinakaunang nagsalita matapos ni Duterte. Wala raw EJK sa War on Drugs dahil nagpatayo sila ng drug rehabilitation center sa Las Piñas City na sinuportahan na Duterte. Mabuti at iyon lang kontribusyon niya sa usapan at hindi na siya narinig pa sa nasabing hearing pagkatapos niyon. Kayâ minor clown lang siya. Consistent lang siya sa paniniwala niyang matalino siya pero galit sa research.

May mga silent clown din sa entourage ni Duterte. Si Salvador Panelo halimbawa ay nasa tabi ni Duterte at pangiti-ngiti at patawa-tawa kapag nagmumura si Duterte. May ilang tao ring nakaupo sa likod ni Duterte na nakikita sa camera na parang on cue para tumawa sa mga hindi nakakatawang joke ni Duterte.

Siyempre needless to mention na si Rodrigo Roa Duterte ang pang-anim na clown at the greatest clown of them all. Paulit-ulit niyang sinasabi na naging “propesor” daw siya sa isang police academy noon at criminal law ang itinuturo na hindi naman obvious. Nasa quotation marks ang “propesor” dahil academic rank ito. Sa amin sa De La Salle University ay hindi mo maaaring tawagin, o tawagin ka ng iba, na “propesor” kung hindi naman full professor ang rank mo. At ang hirap maging full professor sa La Salle o saan mang unibersidad. Sigurado akong hindi full professor si Duterte. At kung ang pagbabasehan ay kung paano siya magsalita—sa nagdaang senate hearing at noong president pa siya—mukhang hindi naman siya abogado.

Ang maganda lang kay Duterte sa senate hearing na iyon, ilang beses siyang na-pin down ni Risa Hontiveros sa pag-amin na may Davao Death Squad nga at nasa polisiya niya bilang meyor at presidente ang extra-judicial killing. Kayâ iritang-irita siya kay Hontiveros. Katawa-tawa si Bato sa pagdepensa kay Duterte. Nagbibiro lamang daw ang dating presidente. Abogado si Duterte (at “propesor” pa nga raw ng criminal law) at may PhD si Bato. Kayâ alam nila dapat na hindi puwedeng magbiro sa isang senate hearing.

Again, balik tayo doon sa pagiging walang kuwenta bilang presiding chair ni Pimentel. Ilang beses na si Duterte na ang nagtatanong kay Bato upang ipagwalang-sala ang sarili. Napakainutil pagdating dito ni Pimentel.

Kung ang purpose nina Bato sa senate hearing na ito ay ang linisin ang pangalan nilang tatlo nina Duterte at Bong Go, mukhang hindi ito nakatulong. Mukhang lalong nabaon silang tatlo. Lalo na si Duterte. Sa mga pinagsasabi niya, marami ang pandagdag na ebidensiya sa ICC. Hindi na ako magugulat kung hindi na masusundan ang hearing na ito. Dahil kung ipagpapatuloy pa nila ito, lalong mababaon sa kumunoy ng kahihiyan ang Senado. Kunsabagay, karamihan sa mga senador (at mga politiko sa pangkalahatan) ay mga walang hiya naman talaga.

Ayon nga sa isang lumang kasabihang Turkish na naging popular na rin na meme sa social media ngayon, “When a clown moves into the palace, he doesn’t become a king. The palace becomes a circus.” Ganiyan ang nangyari nang maging presidente si Duterte at tumira at nagtrabaho sa Palasyo ng Malakanyang. Ganito rin ang nangyayari ngayon sa Senado nang maluklok bilang senador ang mga tulad nina Jinggoy Estrada, Robin Padilla, Bato dela Rosa, Bong Go, Cynthia Villar, Koko Pimentel, at marami pang iba na, salamat sa Diyos, hindi dumalo sa senate hearing noong Lunes.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong Abril 2024.