By John Iremil Teodoro
MEDYO mahirap basahin ang mga maikling kuwento ni Charlson Ong pero binabasa ko pa rin dahil nai-exercise ang utak ko at nabubusog ang aking puso’t kaluluwa dahil sa salimuot ng kaniyang imahinasyon at sa ganda ng kaniyang wika. Malapot kasi ang plot ng kaniyang mga kuwento at kumplikado ang buhay ng kaniyang mga karakter dahil namumuhay sa pagitan ng Filipinas at China, ng pagiging Tsino at Filipino, ng dito at mito. Kung gusto nating maunawaan ang buhay at kasaysayan ng mga kababayan nating Tsinoy, magandang panimula ang kaniyang mga kuwento at nobela.
Kayâ hindi ko pinalampas ang imbitasyon na mag-attend ng book launching ng pinakabago niyang libro na ‘Sojourner, Settler, Seer: The Complete Stories of Charlson Ong’ noong Sabado, Oktubre 5, sa Good Intentions Books sa Comuna Building sa Lungsod Makati. Inilathala ito ng Milflores Publications at may introduksiyon ni Ronald Baytan.
Kumpleto ang mga kopya ko ng apat na libro ng maikling kuwento ni Ong: ‘Men of East’ (Kalikasan Press, 1990), ‘Woman of Am-Kaw and Other Stories’ (Anvil 1992), ‘Conversion and Other Fictions (Anvil, 1996), at ‘Of That Other Country We Speak and Other Stories’ (University of the Philippines Press, 2016). Nasa kolehiyo pa ako sa Lungsod Iloilo nang mabasa ko ang unang dalawang libro. At aaminin ko nahirapan akong basahin na mga ito dahil hindi pa handa ang utak ko. Nang makapag-MFA in Creative Writing na ako, nagkaroon na ng kasanayan sa pagbabasa at pagsusulat, at binalikan ko ang kaniyang mga kuwento ay nahalina na ako sa ganda ng mga ito.
Sa katunayan, parang mas madali pa nga para sa akin ang basahin ang dalawang unang nobela niya na ‘An Embarrassment of Riches’ (UP Press, 2000) at ‘Banyaga: A Song of War’ (Anvil, 2006). Hindi ko makalimutan ang isang karakter sa “Embarrassment’ na babaeng anak ng isang tycoon na may-ari ng SM Megamall, na bagamat hindi ito ang pangalan sa nobela ay talagang maiisip mong SM Megamall ang lunan. Itong mall ang naging opisina ng babaeng iyon nang manalo siyang presidente ng bansa. Takot kasi siyang mag-opisina sa Malakanyang dahil baka ma-assasinate siya doon. Ang nobelang ito ay nagwagi ng ikalawang gantimpala sa Centennial Literary Prize. Ang ‘Banyaga’ naman ay magandang saga ng isang mayaman at makapangyarihang pamilyang Intsik sa Binondo. Malaepiko ang kuwentong sakop ng nobelang ito. Sa nobelang ito tila umaawit ang prosa ni Ong.
Pagkauwi ko sa condo noong Sabado, agad kong binalikan ang tatlong kuwento ni Ong na gustong-gusto ko: “Men of East,” “A Tropical Winter’s Tale, at “How My Cousin Manuel Brought Home a Wife.” Mga kuwentong Tsinoy ito. Ang unang dalawang kuwento ay may elemento ng mga mitong Tsino. Ang “Men of East” ay mga espiritung nangunguha ng kaluluwa o katinuan ng isang tao at nakalunan ang kuwento sa isang liblib na nayon sa probinsiya na may operasyon ang militar at mga paramilitar laban sa mga New People’s Army (NPA). Nadadamay ang mga mahirap na mamamayan na napagbibintangang communist sympathizer kung kaya’t nasasaktan sila o namamatay. Ang mag-amang Instik na sina Lim at Ah Beng na may munting negosyo doon ay nalalagay sa alanganin dahil may kaibigan silang sundalo at tumutulong din sila sa mga kaibigan at kakilala nilang biktima ng militarisasyon. Malapot ang pagkukuwento rito na lumilikha ng pagdududa sa isipan ng mambabasa kung ang mitong “men of east” ba at ang mga military o ang mga NPA ba ay iisa.
Ang “A Tropical Winter’s Tale” naman ay kuwento nina Bei Xiong at Li Hua na pumunta dito sa Filipinas mula Tsina para dito maghanap-buhay at manirahan. Masalimuot ang kuwento dahil masalimuot din ang buhay ng mga karakter. Desperado si Bei Xiong na magkaanak at nagdagdag siya ng mas batang asawa para masigurong mabuntis ito subalit hindi ito naging matagumpay.
Una ko namang nabasa sa magasing ‘Philippine Graphic’ ang “How My Cousin Manuel Brought Home a Wife.” Agad itong nakatawag ng aking pansin dahil hango ang pamagat nito sa klasikong maikling kuwento na “How My Brother Leon Brought Home a Wife” ni Manuel Arguilla. Magkalayo siyempre ang kuwento nitong mga akda. Seryosong kuwento ang kay Arguilla at nakakatawa naman itong kay Ong. Kuwento ito tungkol sa pinsan ng tagapagsalaysay na matagal nang nawala at umuwi ito galing Brazil na may kasamang asawang itim na isang malaking babae na isang manggagamot o psychic healer. Naging isang malaking eskandalo ito sa pamilya at kakilala nila.
Medyo madugo ang ilang katapusan ng mga kuwento ni Ong. Halimbawa sa “A Tropical Winter’s Tale,” kinatay at niluto (ginawang siomai) ni Li Hua ang abusadong bana na si Bei Xiong. Sa kuwentong “The Dog Trainer” naman ay pinalapa sa aso ang isang karakter. Sa mga kuwento ni Ong, may mga surpresa sa plot na hindi naman talaga hindi inaasahan dahil punô ang exposition na bahagi ng mga detalye na magiging lohikal ang mga katapusan subalit nakakagulat pa rin.
May pagka-magic realist ang estilo ni Ong. Isang uri ng magic realism na may pagtitimpi dahil mas lamang ang pagiging makatotohanan ng kaniyang mga kuwento. Siguro dahil masalimuot ang buhay ng kaniyang mga karakter at kung ano mang paghihirap at pagpapasarap na nararanasan nila ay tila ang sanhi ay isang mahika o isang kababalaghan.
Naalala ko noong fellow ako sa University of the Philippines National Writers Workshop noong 2011 na ginanap sa Club John Hay sa Lungsod Baguio at panelist si Charlson, habang magkaharap kaming kumakain, sinabi ko sa kaniya na para sa akin ang nobela niyang ‘Banyaga: A Song of War’ ang pinakamagandang nobelang Ingles nating mga Filipino. Nagpasalamat siya na medyo embarrassed at tumatawang nagsabi ng, “Sabihin mo ‘yan sa kanilang lahat sa session natin ha,” na ang tinutukoy ay ang workshop.
Noong Sabado ganito rin ang sinabi ni Andrea Passion-Flores, ang publisher ng Milflores, nang ibinalita niyang muling nilang ilalathala ang ‘Banyaga’ dahil gusto umano niyang ibenta ito sa labas ng bansa at para sa kaniya ang ito ang pinakamagaling na nobela natin sa Ingles. Sa talakayan sa pagitan nina Ong at Sarge Lacuesta na isa ring magaling na manunulat (at naging estudyante pa ni Ong sa Unibersidad ng Pilipinas), nabanggit ang pagiging mangangatha ni Ong na nahanap ang kaniyang paksa—ang karanasan at buhay ng mga Tsinoy. Mahalaga sa isang manunulat na mahanap itong subject na pag-uukulan nila ng kanilang panulat. Mas maagang mahanap, mas maganda.
Sabi nga ni Ronald Baytan sa kaniyang introduksiyon sa librong ‘Sojourner, Settler, Seer,’ “There is only one Charlson Ong—and this book is proof of singularity of his vision and the magnificence of his imagination.” Sabi pa niya si Ong ay isang “storyteller of the highest order” dahil “Good writers resort to myths and retell them to say something about our world. But the great ones—and that includes Charlson Ong—retell them in a manner so ingenious and hypnotic that the myths become their own.” Oo, nakaka-hypnotize talaga ang mga kuwento ni Ong. Ganito ang pakiramdam kapag binabasa mo ang kaniyang mga akda.
Bumili na ng librong ito at pasukin ang makulay ngunit komplikado, ang maganda ngunit madugo, at ang maligaya subalit malungkot na mundo ng mga maikling katha ni Charlson Ong.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.