Ang Pagsulat ng Literaturang Pambata

Ni John Iremil Teodoro

HINDI biro ang pagsulat ng literaturang pambata at isang seryosong gawain ito dahil kinabukasan ng mga batang mambabasa ang nakasalaylay dito kayâ malaki ang kinalaman sa pagpanday ng kinabukasan ng ating bayan. Malaking kasalanan na gamitin ang literaturang pambata para sa isang makasariling adyenda tulad ng paggamit nito para makapagkulimbat ng pera sa kaban ng bayan o para gawing campaign materials para sa susunod na halalan.

Nandito ako ngayon sa Roxas City sa Capiz para maging isa sa mga panelist sa workshop na “Ilawod: Five Children’s Book Set” na bahagi ng programang Roxas City Lunsod Lunsad 2024 ng Department of Trade in Industry. Ang gawaing ito ay pinamumunuan ng kaibigan kong Palanca awardee na si Bryan Mari Argos, ang Tourism Officer ng Lungsod Roxas. Kayâ masayang-masaya ako na maiwan nang kahit tatlong araw lang ang Taft Avenue para makauwi rito sa Isla Panay at makalanghap ng sariwang hangin at makakain ng sariwang seafood habang abala sa gawaing panliteratura. Sa ibang salita, work with pleasure sa ngalan ng nation building!

Dalawang araw (Setyembre 24 to 25) na workshop ito ng limang librong pambata na ang mga awtor at dibuhista ay taga-Roxas City. Layunin ng proyektong ito na makapag-ambag sa publikasyon ng mga librong pambata na magagamit sa mga paaralan at inaasahang makatutulong sa kasanayan sa pagbabasa ng mga estudyante.

Sa mga nagsusulat, may balak na magsulat, at gustong pag-aralan ang literaturang pambata sa Filipinas, may dalawang libro na magandang konsultahin. Ang “Bumasa at Lumaya: A Sourcebook on Children’s Literature in the Philippines” (Anvil, 1994) na inedit nina Virgilio Almario, Ma. Elena Paterno, Ramon Sunico, ar Rene Villanueva, at ang “Panitikang Pambata sa Filipinas: Mga Gunita, Tala, Puna’t Pansin sa Kasaysayan” (Anvil, 2010) ni Almario. Klasiko na ang dalawang librong ito tungkol sa kasaysyan ng literaturang pambata sa bansa at mga mungkahi sa mabisang pamamaraan kung paano magsulat.

Ang tip ni Paterno na isa sa mga pioneer ng pagsulat at pag-aaral ng literaturang pambata sa bansa, “Only one thing sets the children’s story writer apart from other fictionists and it is this:  The children’s story writer spends a lot of time eavesdropping on children’s conversations. He does it in supermarkets, shopping malls, school canteens. He talks to children, sometimes children of strangers, in bookstores, movie queues, playgrounds.” Kailangan makinig at makipag-usap sa mga bata para malaman ang niloloob nila at magaya ang kanilang boses sa pagsusulat ng mga kuwentong pambata.

Ang mga batang mambabasa ang puno’t dulo ng paglikha ng literaturang pambata. Sa kaniyang sanaysay na “Why Do We Want to Write Children’s Books?,” sinabi ng Swedish na manunulat na si Astrid Lindgren na, “But thank goodness there is another readership, the right, the wonderful, the incomprehensively enthusiastic children! They are the ones who so willingly take a book’s poor words and from them shape a fantasy paradise which the authors themselves don’t know anything about, a paradise where they freely and happily socialize with fictional friends just as if they were flesh and blood… This paradise lies out of reach of all adults, because none of them, not even writers, have a key. They had it once when they were children themselves. But they’ve lost it since.” Maaari tayo umanong sumulat para sa mga guro, kritiko, at magulang pero mas mahalagang dahilan pa rin ang magsulat para sa mga kabataan.

Dahil mga bata ang pangunahing mambabasa ng panitikang pambata, kailangang maunawaan ng mga manunulat ang psychological development ng isang bata. Ayon sa librong “Discovering Children’s Literature” (Prentice Hall, 1995) ni Judith Hillman, may apat na sikolohikal na antas ang kabataan: (1) Infancy through Preschool (ages birth to four); (2) Early Childhood (ages five to eight); (3) Middle School (ages nine to twelve); at (4) Adolescence na mula edad trese hanggang desiotso. Sa unang antas halimbawa, ito ang edad na nagsisimula pa lamang matuto ng wika ang bata kayâ mas mainam na picture books na lamang muna ang ibigay sa kanila. Sa pang-apat na antas naman, ito ang edad na nae-establish na ng isang bata ang kaniyang sexual identity kung kayâ maaari nang ipabasa ang mga librong pambata na tumatalakay sa mga isyung pangkasarian. Mas mahaba na ang teksto at mas kaunti ang mga larawan. Muli, makikita natin na hindi biro ang magsulat ng librong pambata.

Kayâ nakatatawa si Bise Presidente Sara Duterte na sumulat daw at naglathala ng sariling librong pambata na ipinamimigay sa mga estudyante ng Department of Education (DepEd). Sa budget deliberation ng taong ito, nalaman ng budget committee sa Kongreso na humihingi ng 10 million na budget ang kaniyang opisina para makapagimprenta ng 200,000 ng kopya ng kaniyang libro. Ang problema, hindi naman siya trained sumulat ng libro. Nang i-review ito ng ilang manunulat, napakaraming kamalian ito sa grammar at nilalaman, at mukhang kopya pa ang kuwento sa isang librong nalathala sa Estados Unidos. Dumaan ba ito sa screening sa DepEd? Kung base sa mga kahinaang napansin sa librong ito, mukhang hindi ito karapat-dapat gastusan ng pera ng bayan. Ang kapal lang din na sa huling pahina ay may larawan ni Sara na tila nangangampanya na para sa pagkapresidente. Nagagalit pa siya kapag may senador o kongresista na magtanong tungkol sa kaniyang libro at pati na rin sa kabuoan ng badyet ng Office of the Vice President lalo na tungkol sa confidential funds. Napakabastos ng kaniyang inaasal sa mga budget hearing na nagpapakita lamang na hindi siya transparent at accountable pagdating sa paggasta ng pera ng gobyerno. Mabuti na lang nag-resign siya bilang DepEd Secretary dahil hindi talaga siya magandang halimbawa sa mga estudyante.

Sa museo sa farm na kinalakhan ni Astrid Lindgren sa bayan ng Vimmerby sa probinsiya ng Småland sa Sweden, may nabili akong ref magnet na may larawan niya at quotation mula sa kaniya na: “If I have brightened up one single sad childhood, then I have at least accomplished something in my life.” Naisip ko tuloy ang sarili kong librong pambata na lumabas kamakailan lang—ang “Ako, si Klawni ng Tubbataha, Nananalangin” na inilathala ng Tubbataha Protected Area Management Board at ipinamimigay sa mga estudyante ng mga paaralan sa Palawan. Tungkol ito sa pangangalaga sa karagatan. Nananalangin ako na sana may kahit isang bata lang sanang mapasaya ni Klawni na isang clownfish at makumbinsing huwag magtapon ng basura sa dagat.

Isang bata lang. Napakasimple ng layunin ni Astrid Lindgren na siyang pinakasikat na manunulat ng panitikang pambata mula sa Sweden. Ang kaniyang mga librong pambata tulad ng “Pippi Longstocking” ay naisalin sa maraming wika sa mundo. Ang adbokasiya niya hinggil sa pagprotekta sa mga karapatang pambata ay naging saligan ng mga batas sa children’s rights sa Sweden at sa maraming pang bansa sa mundo.

Kayâ hindi biro ang pagsulat ng literaturang pambata dahil makapangyarihan ito. Seryosong responsabilidad ito para sa mga manunulat at dibuhista at hindi dapat pinaglalaruan lamang o binabastos ng isang tradisyonal na politikong gaya ni Sara Duterte.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.