Ang Papel ng Community Press

Larawan ng dalawang libro ni Dr. Teodoro na nanalo sa National Book Awards na koleksyon ng mga column at feature articles nya sa Bandillo ng Palawan.

By John Iremil Teodoro

SA panahong wala nang kuwenta ang national media at hindi na sila maaasahan upang isulong ang mga isyung panlipunan na direktang nakaaapekto sa buhay ng karamihan, lalong nagiging mahalaga ang gampanin ng mga peryodista sa lalawigan o sa labas ng Metro Manila. Kayâ kung tutuusin mas mahirap at mas delikado rin ang gawain ng mga peryodista sa community press dahil kilala sila ng kanilang mga ibinabalita o ginagawan ng komentaryo. Halimbawa, madaling malaman ng meyor o kongresman at ng mga tauhan nila kung saan ang bahay mo. Marami ding pagkakataon na magkasalubong kayo sa mga event. Alam ko ito kasi tatlong taon din akong nag-journalist noong dekada 90 sa Palawan. Naging editor-in-chief ako ng diyaryong Bandillo ng Palawan – Edisyong Filipino na inilathala ng Bandillo ng Palawan Foundation na isang non-governmental at non-profit organization na ang adbokasiya ay pangangalaga sa kapaligiran at pagsulong ng karapatan ng mga katutubo.

Hindi pa uso ang ecocriticism at ang environmental journalism ay ginagawa na namin ito ng mga kasamahan ko sa Bandillo tulad ng environmental journalist na si Yasmin Arquiza at ng ekspertong peryodista sa mga isyung militar ng bansa at sa kapayapaan sa Mindanao na si Criselda Yabes. Halos naikot namin ang buong Palawan (Oo, kasama ang Spratlys, ang Tubbataha, atbp.) para isulat ang maraming balita at kuwentong pangkapaligiran. Kapag kapaligiran ang pinag-uusapan, kadalasan hindi it maihiwalay sa mga isyu ng mga katutubo tulad ng mga Pala’wan, Tagbanua, at Batak.

Basahin mo lamang ang mga headline sa mga national newspaper natin ngayon ay kitang-kita na ang kawalang pangil ng mga ito. Ang ilang diyaryo nga ay parang PR firm ng pamahalaan. Safe ang mga ibinabalita at ayaw maka-offend sa mga makapangyarihang kurap na politiko. Kung babasahin mo naman ang mga opinion column ay wala ring asim ang mga komentaryo at ang mga matatapang (o bastos) ay kadalasang mga bayaran. Ganundin ang mga nangungunang channel ng telebisyon—kapag pinapanood mo ang mga balita sa primetime alam mong rating ang habol nila sa mga headline nila. Halimbawa mas una ang mga patayan, ang rape (mas gusto nila kung incestual pa), o mga kuwentong kababalaghan tulad ng may kakambal na ahas kaysa isyu sa West Philippine Sea.

Ang problema kasi sa national media, mga negosyo ito at palaging nangunguna ang interes ng mga negosyanteng may-ari ng mga ito. Halimbawa, ni hindi man lang ipinagtanggol (Yung tipong lalaban nang patayan) ng mga may-ari ng ABS-CBN ang estasyon nila nang tanggalan ito prangkisa ng mga alipores ni Duterte. Nagkasya na lamang ang ABS-CBN na maging “content creator” dahil tuloy pa rin naman ang negosyo nila kahit na medyo bumaba ang kita. Habang niyuyurakan ang press freedom sa bansa dahil sa nangyayari sa ABS-CBN, nananahimik lang ang GMA7 na kakumpetensiya nila. Ang marangal kasi sanang ginawa ng mga malaking TV station ng bansa habang ginagawa ng mga dutertard sa Kongreso ang paglalapastangan sa malayang pamamahayag sa pamamagitang ng pagtanggal ng prangkisa ng ABS-CBN ay nagtulungan sila na ipagtanggol ang kapuwa nilang estasyon. Pero dahil nga mga negosyante sila lahat ayaw nilang madamay at hindi nila naisip ang totoong layunin at halaga nila sa lipunan: ang maging Fourth Estate. Ang bantayan ang tatlong sangay ng gobyerno at tiyaking ginagawa ng mga ito ang trabaho nila upang mapabuti ang kalagayan ng mga mamamayan ng bansa.

Kayâ natatawa ako sa mga taga-SMNI at mga tagasuporta nito na bukambibig ngayon ang “press freedom” dahil ginagawa sa kanila ngayon ang ginawa sa ABS-CBN noon. Sana kasi isinigaw na nila ang “press freedom” noon habang inaapi ang ABS-CBN ng mga alipores ng BFF ng pastor (na wanted na ngayon ng batas) na may-ari ng network nila. Nakatatawa na ngayon lang nila biglang naisip ang “press freedom.” Nasa loob ng quotation marks ang “press freedom” kapag nababanggit ko ang SMNI dahil dapat ding malaman nila na kasama sa press freedom ng responsableng pamamahayag ang hindi pagpapakalat ng fake news at pangre-redtag.

Dahil wala tayong maaasahan masyado sa national media na pagnenegosyo ang inuuna, kailangang pag-igihan ng community press ang pagsisilbi nila sa interes ng nakararami sa pamamagitan ng pagbabalita at pagkokomentaryo sa mga isyu hindi lamang sa sariling isla, probinsiya, o lungsod kundi pati na rin sa mga isyung pambansa na direktang nakakaapekto sa mga tao sa rehiyon.

Batid ko rin na delikado para sa isang community journalist na maging masyadong kritikal. Naranasan namin iyan sa Palawan noon dahil kami lang ang diyaryo na hindi pag-aari ng politiko o negosyante. Palaging iba ang headline namin sa headline ng iba pang mga diyaryo sa Lungsod Puerto Princesa City. Naranasan naming ma-harass sa mga radyo na kulang na lang murahin kami gabi-gabi. May politiko pang nagbabayad ng mga kolumnista sa mga pahayagan at mga TV reporter sa Manila upang siraan ang aming publikasyon at i-red tag kami. Natatawa nga kami ngayon kasi ang isang bayarang TV reporter ng isang major network na pumunta ng Puerto Princesa noon para gumawa ng balita at ipinalabas na mga komunista kami at front ng NPA ay guro na ngayon ng journalism sa isang nangungunang unibersidad at tungkol na sa environment at mga balitang simbahan ang kino-cover ngayon.

Siyempre may mga matinong news agency din naman na national ang coverage. Halimbawa nandiyan ang Rappler at Vera Files na pinapatakbo ng mga totoong journalist. Pero tingnan mo naman ang ginagawa sa kanila ng mga politiko at negosyante—hina-harass sila gamit ang batas sa libelo at taxation. Paborito rin silang i-demonize ng mga bayarang troll ng mga kurap na politiko dahil bini-verify ang mga kasinulangan nila.

Kahit na ilang beses ko nang sinabi at sinulat na wala nang pag-asa ang Filipinas at pabagsak na talaga itong bansa natin dahil morally at intellectually bankrupt ang political at economic elite natin at madali namang ma-coopt ang mga intellectual elite, may kaunting pag-asa pa rin naman akong nasisilip. Kung sana matuto lamang mag-isip nang kritikal ang kabataang Filipino upang hindi sila mauto at malinlang mga sinungaling na politiko na pagnanakaw talaga ang tunay na motibo at nagkukunwari lang na magsisilbi sa taong-bayan, bakâ makakabangon ang bansa sa pagkakalugmok nito ngayon. Ang tumulong sa pagkatuto at pagkakaroon ng critical thinking skills ang mga mamamayan lalo na ang mga katabaan ay ang maaaring isa sa magiging papel ng community press.

Siyempre naiisip ko rin na tila walang pag-asang maisakatuparan ito kung ang pagbabasehan natin ang dalawang taon nang nasa bottom 10 ang Filipinas sa reading comprehension, mathematics, and science sa Program for International Student Assessment (PISA) test. Ang totoo hindi nagbabasa ang karamihan sa mga Filipino. Isa itong failure ng educational system natin. Wala tayong reading culture. Systemic ang problema dahil nagsisimula ito sa basic education natin. Mahigit dalawang dekada na akong nagtuturo at may mga kilala akong mga estudyante at guro ng literature, Ingles, at Filipino na hindi nagbabasa o tamad magbasa!

Ano ngayon ang mainam na gawin ng community press? Kailangan lumabas ng newsroom ang mga journalist at bumabad sa komunidad, sa mga paaralan. Kailangang manguna o tumulong sa mga literacy program—magmula sa pagturo sa mga hindi talaga marunong magbasa at magsulat, pagbibigay ng reading comprehension modules tulad ng silent reading activity (SRA) namin sa Assumption noon, campus journalism write shop, creative writing workshop, social media literacy, financial literacy, at marami pang iba. Ginawa namin ito sa Palawan noon. Nagbibigay kami ng mga basic journalism workshop sa mga munisipyo at mga paaralan sa pakikipagtulungan sa mga ahensiya tulad ng Palawan Tropical Forestry Protection Programme, Evelio B. Javier Foundation, Philippine Center for Investigative Journalism, Center for Media Freedom ang Responsibility, at Philippine Press Institute.

Alam kong masyado nang mabigat na dagdag ito sa mabigat nang trabaho ng community press. Alam ko ring masyadong mababa ang mga suweldo o honoraria ng mga community journalist kung meron man. Pero kailangan kasi nating bumuo ng readership, bumuo ng komunidad ng mga mambabasa natin. Mga mambabasa na naiintindihan ang binabasa at kayang mag-isip nang lohikal para sa sarili para magampanan ang pagiging responsableng mamamayan ng ating bansa.