By John Iremil Teodoro
PARA kay Phillip Lopate, respetadong manunulat ng sanaysay at director ng panggradwadong programang nonfiction ng Columbia University sa Estados Unidos, mas gusto niyang gamitin ang terminong “literary nonfiction” kaysa “creative nonfiction” dahil wala naman umanong matinong manunulat ang magsusulat ng “uncreative nonfiction.”
Sa kaniyang librong To Show and To Tell: The Craft of Literary Nonfiction (Free Press, 2013) inilatag ni Lopate ang mga paniniwala niya tungkol sa creative nonfiction o CNF. CNF pa rin ang gagamitin ko dahil ito na ang nakasanayang tawag sa pang-apat the genre or porma ng literatura na popular ngayon. Ang maganda lang, na-problematize ni Lopate ang label na ito.
Ginagamit ko naman ang salitang “sanaysay” bilang katumbas ng CNF o ng literary nonfiction ni Lopate. Para sa “personal nonfiction” ay gagamitin ko naman ang “personal na sanaysay.”
Lumalabas sa libro ni Lopate na may limang criteria ng mahusay na personal na sanaysay: (1) Mayaman at malalim na intelektuwal na kamalayan (intellectual consciousness); (2) Nakakaaliw, elegante, at pinag-isipang istilo (literary style); (3) Pinayaman at pinalalim ng pananaliksik (research aspect); (4) Makatotohanan at tapat na personal na pagsasalaysay (truth and honesty); at (5) Paggawa sa sarili bilang karakter (self as character) sa sariling sanaysay.
Ani Lopate, “What makes me want to keep reading a nonfiction text is the encounter with a surprising, well-stocked mind as it takes on the challenge of the next sentence, paragraph, and thematic problem is has set for himself (60).” Sa pagbabasa ng sanaysay mas maganda kung may handog na sorpresa ang sanaysay na nagmumula sa isang manunulat na maraming alam o hitik sa karanasan. ‘Ika nga nila, mayaman sa stock knowledge.
Maganda ang pormula ni Lopate: “Consciousness + Style = Good Nonfiction.” Ang kamalayang ito ay dapat isang kamalayan na mayaman sa kaalaman at karanasan. Kapag may katumbas itong mahusay na istilo sa pagsulat, isang mahusay na sanaysay ang magiging kalalabasan.
Kahit ano namang porma ng literatura, mapatula man, mapakatha, o mapadula, kailangan ng manunulat na gumawa ng pananaliksik. Pero mas lalong kailangan ng pananaliksik sa pagsulat ng sanaysay upang hindi mauwi sa pagsusulat lamang tungkol sa sarili.
Sa pagsulat ng personal na sanaysay wala naman talagang choice ang manunulat kundi magsulat tungkol sa sarili. Ang sariling ito ay nagiging karakter sa sariling kuwento. Pero may payo si Lopate: “So how do you turn yourself into a character? First of all, you need to have—or acquire—some distance from yourself.” Ang magkaroon ng distansiya sa sarili ay mahirap gawin para isang manunulat. Likas na egoistic o GGS (gandang-ganda sa sarili o galing na galing sa sarili) ang mga manunulat. Lagi nating tandaan na kahit tungkol sa atin ang ating personal na sanaysay, ang sariling ito ay ilagay natin sa konteksto ng lipunan upang hindi lalabas na tungkol lamang sa atin ang ating sanaysay. Hindi kaaya-ayang basahin ang personal na sanaysay na mistulang umiinog ang lahat ng bagay sa manunulat at lahat na lang ay tungkol sa kaniya.
Ang magandang halimbawa ng personal na sanaysay na ginagamit ko sa klase ko sa CNF ay ang sanaysay ni Rio Renato Constantino na, “The Year of the Periwinkle.” Nanalo ang akdang ito ng unang gantimpla sa Palaca para sa sanaysay sa Ingles noong 2023. I-Google lamang ito at libreng mababasa at mada-download. Tungkol ito sa pagkakaroon ng cancer ng manunulat na isang mabigat na karanasan para sa isang 23 taong gulang lamang. Pero dahil estudyante siya ng B.S. Biology, pinag-aralan niya ang sarili sakit lalo na ang mga gamot na ginamit sa kaniya ng kaniyang mga doktor.
Ang isang gamot niya ay ang vincristine na galing sa mga dahon ng periwinkle o chicchirica. Base sa kaniyang pananaliksik, ikinuwento pa niya ang kasaysayan ng pagkadiskubre ng gamot na ito ng mga Canadian na scientist sa kanilang laboratory mula sa mga dahon na ipinadala sa kanila mula sa Jamaica.
Maganda ang paghabi niya ng iba’t ibang mga pangyayari, mga nararamdaman niyang sakit at takot, ang mga gamot sa kanser, kasaysayan ng mga gamot na ito, ng lalong pagiging mahirap ng pandemya para sa isang nagpapa-chemotherapy, ng pagpi-field work ng isang estudyante ng biyolohiya, ng pagiging plantito. Magaling ang pag-transform ni Constantino sa sarili para maging karakter sa kaniyang personal na sanaysay. Hindi na nahulog sa bangin ng pag-self pity o sa pagrereklamo ang kaniyang sanaysay. Bagkus naging informative ito lalo na tungkol sa halaga ng mga ordinaryong tanim katulad ng periwinkle na maaaring mapagkunan ng mga mahalagang gamot.
Maganda ang istilo ni Contantino na pag-frame ng kaniyang kuwento sa Quezon City Memorial Circle Plant Center. Dito siya nagsimula, at dito rin siya nagtapos. Sa Plant Center na ito makakabili ng iba’t ibang uri ng halaman at bulaklak. Dito makakabili rin ng periwinkle o Madagascar periwinkle. Maganda ang paggamit ng halamang ito sa sanaysay dahil organic ito sa akda. Sa huling bahagi ng sanaysay, ang dalawang beses na nag-survive sa cancer na may-akda ay bumili ng periwinkle sa Quezon City Memorial Circle Plant Center.
Sa mga pamilyar na sa periwinkle, magkakaroon ng bagong pagtingin sa halamang ito pagkatapos basahin ang sanaysay ni Constantino.
Para sa akin ang pinakamahalagang criteria ni Lopate ay ang pagiging tapat at makakatotohanan ng mananaysay. Ani Lopate, “We may not ever be in possession of the truth, but at least as nonfiction writers we can try to be as honest as our courage permits. Honest to the world of facts outside ourselves, honest in reporting what we actually felt and did, and finally, honest about our own confusion and doubts.” Kitang-kita ang mga katangiang ito sa sanaysay na “The Year of the Periwinkle.”
Pareho kami ni Lopate na naniniwalang hindi makakasulat ng magaling na sanaysay ang isang manunulat na maraming itinatago, malalim ang insecurities na ayaw nitong harapin, na masyadong siniseryoso ang sarili, na mga GGS, at may adyenda na magsinungaling o manlinlang ng mambabasa. Puwede pang magsulat ng tula ang mga sinungaling. Sa katha, hindi halata ang mga manunulat na maraming itinatago at insecurities dahil puwede namang mag-imbento.
Kunsabagay iniisip ko rin, kahit sa tula man o sa katha, mahahalata talaga ng mambabasa kung hindi sinsero at tapat ang manunulat. Pero mas lalong kailangan ang katapatan sa pagsulat ng personal na sanaysay.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong 2024.