Ang Putli na Pag-ibig

NI JOHN IREMIL TEODORO

MAY isang sikat na quotation tungkol sa pag-ibig mula sa musical na Moulin Rouge, “The greatest thing you’ll ever learn is to love and be loved in return.” Mula ito sa awiting “Nature Boy” ng Americanong songwriter na si Eden Ahbez. Una itong kinanta ni Nat “King” Cole na naging hit. Noong wala pa akong love life, noong hindi pa kami nagtagpo ng partn er kong si Jay, tumataas ang kilay ko sa quotation na ito.

Noong nakaraang Nobyembre ay nag-50 na ako. Hindi na ako ang tipong kinikilig. Kaya ko nang kontrolin ang aking puso’t isipan. Kapag may matipuhan akong lalaki, umiibig o nagnanasa akong nakatapak ang mga paa sa lupa at dilat ang mga mata. Hindi na ako ang parang gaga na nawawala sa sarili kapag in love. Ngayon talagang masasabi ko nang nagmamahal na ako mula sa aking hypothalamus at hindi mula sa aking puso at puson. Aaminin ko, nami-miss ko rin paminsan-minsan ang pakiramdam ng isang in love na teenager. Iyong tipong in love with love. Kahit one sided love affair ay gorabels lang.

Ngayon masasabi ko na ang pagkilala sa tunay na pag-ibig comes with age. Kailangan ng maturity upang mapagsabay ang paggamit ng puso at ng utak.

Isang kabalintunaan na mula sa isang batang madre ako natuto kung ano ang tunay na pag-ibig. Siyempre hindi ako naniwala sa kaniya noong dahil isa nga siyang madre at ano naman ang alam ng isang madre sa romantic love. Saka batang madre pa. A long time ago pa ito nangyari, noong batang guro pa ako sa University of San Agustin. Special graduate class iyon sa M.A. Literature. Malamang may love story o love poem kaming pinag-usapan na hindi ko na matandaan ngayon.

May cryptic na tula si Cirilo F. Bautista na ang pamagat ay “Ang Tunay na Pag-ibig.” Makikita ito sa libro niyang Sugat ng Salita (De La Salle University Press, 1986). Ito ang ni-recite ko from memory nang magkaroon kami ni parangal sa kaniya sa La Salle sa ika-40 na araw ng kaniyang pagtaliwan noong 2018. May 21 na mga irregular na linya lamang itong tula subalit mapapaisip ka sa mga matingkad nitong imahen na napaka-tragic para sa pinapaksa nito. Ang unang pitong linya o dalawang pangungusap ay, “Ang tunay / na pag-ibig ay kabaong / na walang laman. / Ang nakikiramay / ay dumarating / na may bulaklak sa lalamunan / at luha sa bulsa.” Ayon sa Americanong makata na si Robert Frost, “Poetry provides the one permissible way of saying one thing and meaning another.” Kung gayon hindi talaga tungkol sa kabaong o lamay ang tulang ito kundi tungkol nga sa pag-ibig, at hindi lamang basta pag-ibig kundi putli pa. Kapag tinatalakay namin ito sa klase ko, palagi kong tinatanong sa mga estudyante ko kung ano kayâ ang kuhulugan ng “kabaong na walang laman” kung ihahambing ito sa tunay na pag-ibig. Paulit-ulit, napupunta ako roon sa espasyo ng ideang parang namamatay tayo kapag natagpuan natin ang tunay na pag-ibig. Namamatay tayo para muli namang mabuhay kaagad dahil binago o binabago tayo ng naturang pag-ibig na, finally, natagpuan natin.

Opo, pang-forever ang tunay na pag-ibig. Kapag namamatay ito o nawawala, kagaya ng nangyari sa pagmamahalan nina Bea Alonzo at Dominique Roque (at dapat hindi natin ginagawang katatawanan ito), hindi ito tunay, hindi ito putli. Hindi ko sinasabing hindi pag-ibig ang namagitan sa kanilang noon. Pag-ibig pa rin iyon subalit marupok, hindi nakayanan ang mga alon ng buhay, parang “Kastilyong Buhangin.”

Kapag sinuwerte tayo na matagpuan natin ang the right person, kailangang magtaya tayo. Kailangang hayaan nating maging vulnerable tayo. Hayaan nating may mamamatay sa ating sarili para muling mabuhay para sa putli na paghigugma na natagpuan natin. Huwag tayong magmadali, ang sa akin natagpuan ko sa edad na magkakalahating siglo na ako sa mundo. Higit sa lahat, huwag nating isiping perpekto si Mr. Right o Ms. Right. Tao lang din sila tulad natin at maraming pagkukulang at nagkakamali rin.

Minsan dumalaw sa amin unannounced sa Maybato ang anak-anakan kong si Fabienne na isang journalist sa Palawan. Estudyante ko siya sa San Agustin noon at isa sa mga magaling na campus writers para sa The Augustinian (newspaper) at The Augustinian Mirror (magazine). Kasama niyang bumisita ang bana niyang si Melvin. Kinagabihan, habang nagtsitsismis kami ni Fabienne sa balkonahe, naisip kong kailangan nang maghanda ng hapunan. Sinabihan ko si Jay na magsaing na, maggisa ng corned beef na may maraming sibuyas, at initin ang paksiw na bantalaan. Pagtalikod ni Jay para magluto na, pabulong na nagtanong sa akin si Fabie: “Mommy, inuutus-utusan mo lang siya?” na ang expression ng mukha ay, “I can’t believe it!” Mommy ang tawag sa akin ng maraming staff members of student publications ng San Agustin noon. Hanggang ngayon, Mommy o Mamu pa rin ang tawag nila sa akin.

Natawa ako sa tanong ni Fabienne. Sabi ko, hindi ha! Siya ang magluluto kasi ako ang maghuhugas ng mga pinggan mamaya. Allergic si Jay, ang kanilang Daddy (char!), sa dishwashing liquid. Sabi ko pa, “Tingnan mo maya-maya, kakalat ang mga hugasin sa kusina habang nagluluto siya at ako ang maghuhugas.” Tumawa na rin si Fabienne at nangakong sa gabing iyon, siya ang maghuhugas ng pinggan.

Ang “putli” ay isa sa mga magandang salitang Hiligaynon na hindi na ginagamit sa daily conversation. Sa mga binalaybay na lamang ito makikita. Actually, makikita rin ang salitang ito sa iba pang mga wikang Bisaya. Sa sikat na Sebwanong awiting “Matud Nila,” may linyang, “Gugmang putli, mao day pasalig (Busilak na pag-ibig ang siyang ipinapangako).” Sa Hiligaynon-English na diksiyonaryo ni John Kaufmann, ang “putli” ay “Pure, virginal, unsullied, unstained, chaste, clean, unspotted, lily-white (419).” Parang ako! Char uli.

Natagpuan ko na ba ang putli na paghigugma? Ang sagot ko ngayon, at babalikan ko ang sinabi ng estudyante kong madre (Sori, Sister, nakalimutan ko talaga ang pangalan mo!), hindi ko natagpuan. Kasi kung natagpuan, parang aksidental lamang. Parang di sinasadya, nakita mo lang. Oo, natagpuan namin ni Jay ang isa’t isa. Pero pagdating sa putli na pag-ibig, nagdesisyon ako na ito na ito, na diz iz it! Tama si Sister, kahit sino o ano pa man ang iibigin natin—mapa-Diyos, mapakapatid, mapakaibigan, mapatrabaho, mapaaso o pusa, o mapadyowa pa man—isa itong desisyon na pipiliin natin na umibig nang busilak. Kailangang pagdesisyunan dahil ang tunay na pag-ibig hindi puro sarap lamang, hindi puro halakhak at orgasm lang, may mga insecurities din itong kasama—baka maagaw sila ng iba, baka magkasakit sila, baka madisgrasya, baka iiwan ka, baka mamatay sila.

Sabi nga ng karakter ni Nida Blanca na gumaganap na ina ni Mariele na karakter naman ni Sharon Cuneta sa pelikulang Madrasta, “Kayâ ka nasasaktan kasi nagmamahal ka.” Ang i-allow mo ang sarili mo na masaktan o mangamba ay isang desisyon. Pero siyempre di hamak na mas marami ang masasarap na kapalit nitong pagdesisyon na umibig: may mainit na katawan kang katabi sa kama lalo na sa gabing maulan (o masyadong malamig ang aircon), may kasama kang kumain, may makakasama ka sa mga biyahe, may kasama kang magsimba, may hihilot sa paa mo kapag pagod ka, may makikinig sa mga pagtatalak mo, may magtatanim ng mga gulay at bulaklak para sa ‘yo, may gagawa ng koi pond sa hardin mo, may makakasama kang gagawa ng hardin sa Aningalan.

Wala kaming plano ni Jay ngayong Valentine’s Day. Baka as usual, magdidilig pa rin kami ng mga halaman sa hardin namin sa Maybato. Pero sabi niya noong isang araw, kailangan daw naming magpa-register na sa COMELEC ngayong Miyerkoles at umuo naman ako. Nagsimula na kasi ang voter’s registration noong Lunes dahil may halalan next year. Nagkataon lang na Valentine’s Day kami pupunta sa munisipyo. Pero why not coconut? Ang pagboto ay isa rin namang gawain para sa pagmamahal sa bayan. Sabi nga ni Andres Bonifacio sa isa niyang tula, “Aling pag-ibig pa ang hihigit kayâ / Sa pagkadalisay at pagkadakila / Gaya ng pag-ibig sa Tinubuang Lupa?” Alam na natin siyempre na mahirap mahalin ang Filipinas dahil sa maruming politika at mga korap na institusyon ng bayang ito, pero nagdesisyon pa rin tayong mahalin ito.