Ni John Iremil Teodoro
NAIIMADYIN ko na ang sasabihin ni Governor Evelio B. Javier, ang martir ng Antique para sa demokrasya at Kalayaan, kung nabubuhay pa siya sa mga nangyayari ngayon sa mga lider ng bansa lalo na sa bangayan ng Puwersa ng Kadiliman (Marcos) at Puwersa ng Kasamaan (Duterte). Tiyak sasabihin niya, lalo na ngayong panahon ng halalan, “Ang puwesto sa gobyerno bëkët bërëgasan, bëkët paranubliën.” Sa ibang salita, ang puwesto sa gobyerno ay hindi pampamilyang kabuhayan showcase.
Ipinagdiwang kahapon, 11 Pebrero 2025, ang ika-39 na anibersaryo ng pagpatay kay Beloy (Tawag sa Antique kay Javier) sa plaza ng San Jose de Buenavista noong 1986. Ang plazang ito ngayon ay tinatawag nang Evelio B. Javier Freedom Park. Binaril siya habang binabantayan ang bilangan ng mga boto sa snap election para kay Cory Aquino na kumalaban sa diktador na si Ferdinand Marcos, Sr. Sa bisa ng Republic Act No. 7601 na naisabatas noong 3 Hunyo 1992, idineklarang special nonworking holiday sa buong Panay ang Pebrero 11.
Napakabata pa ni Beloy nang pinatay siya, 44 taong gulang lamang. Kung tumanda siyang bilang politiko, posible namang nagbago ang kaniyang mga pananaw at paninindigan. Pero maganda pa ring balik-balikan ang sinabi niya noon bilang pinakabatang gobernador hinggil sa puwesto sa gobyerno na hindi isang pampilyang hanapbuhay at bagay na ipinamamana sa mga anak at apo.
Klaro na nakalagay sa 1987 Saligang Batas na bawal ang political dynasties. Sa Article 2 Section 26 nakasaad na, “The State shall guarantee equal access to opportunities for public service, and prohibit political dynasties as may be defined by law.” Ang problema, makakapal ang mukha ng karamihan sa mga konggresman at senador natin kayâ hindi sila gumagawa ng batas hinggil dito dahil apektado nga naman ang kanilang kabuhayan na kadalasan ay paghuhuthot sa kaban ng bayan.
Ayon sa Philippine Center of Investigative Journalism (PCIJ), sa 149 na mga lungsod sa Filipinas 113 dito ay nasa pamamahala ng mga political dynasty. Ibig sabihin, 75% ng mga city mayor ay bahagi ng political dynasty. Ayon sa PCIJ report na nalathala nitong Enero 26, 2025 na sinulat nina Guinevere Latoza, Angela Ballerda, at Gabriel Oliveros, 80 o 53% ng mga city mayor na bahagi ng dynasty ay tumatakbo para sa halalan 2025 para manatili sa puwesto at 27 naman ng mga kasalukuyang city mayor ay mga kamag-anak nila ang tumatakbo para pumalit sa kanila.
Mga city mayor pa lamang ang pinag-uusapan natin dito at paano pa kayâ ang mga maliit na bayan na nagpapalitang ang mag-asawa na maging mayor at vice mayor, o ang mga lalawigan din na nagpapalitan ang mga politiko sa iisang pamilya sa pagiging gobernador, bise gobernador, at konggresman. Hindi na kailangang magbanggit pa ng mga pangalan dahil kilala naman natin ang mga pamilyang ito mapalokal man o mapanasyonal.
Sabi nga ng political scientist na si Dr. Julio “July” Teehankee ng De La Salle University (Dati namin siyang dekano sa College of Liberal Arts) sa interbiyu sa kaniya kamakailan ni Christian Esguerra sa programa nito sa Youtube na “Facts First,” “The political system is now a cesspool of political self-interests.” Nawawala na umano sa isipan ng mga politiko ang national interest. “Nawawalan na rin sila ng delicadeza. Lumalala at isang dambuhala na ito,” dagdag pa ni Dean July.
Samakatwid, sobrang kapal na talaga ng mukha ng mga politikal dynasty sa ating bansa. Sabay-sabay na tumatakbo ang mga magkamag-anak sa Puwersa ng Kadiliman o Puwersa ng Kasamaan man sila nabibilang. Ilang Duterte ba ang tumatakbo ngayong eleksiyon sa Davao? Huwag naman sanang mangyari pero baka magkaroon ng tatlong Tulfo at mananatiling mayroon pa ring dalawang Villar sa Senado. Huwag na nilang dagdagan sana ang dalawang Cayetano. Si Vilma Santos na akala ko noon ay mahusay na mayor at gobernadora at may delikadeza ay kasabay na ang dalawang anak sa pagtakbo sa Batangas ngayon. Bakit? Ang bana niyang si Ralph Recto ang Secretary of Finance ni Bong Bong Marcos ngayon. Sobra-sobra na ang politikal na kapangyarihan nila at hindi naman yata mahigpit ang panangangailangan nila sa pera.
Kapag ganito, sabi pa ni Dean July, hindi na ito demokrasya kundi monopolyo na ng iilang pamilya. “Elite democracy” na ito. Kayâ nga ang palusot palagi ng mga political family, binoboto naman daw sila ng mga tao kayâ hindi nila kasalanan kung pati pusa nila ay may puwesto sa gobyerno. Siyempre binoboto sila dahil namimili sila ng boto sa pamamagitan ng mga kunyaring ayuda. Namumudmod sila ng pera na hindi naman sa kanila. Saka wala silang ginagawa na mapabuti ang buhay ng constituents nila para manatiling mahirap at ignorante para mas lalo nilang mauto at makontrol.
Kung buháy si Evelio Javier ngayon, tiyak kong ayaw niya sa mga pamilya ng politiko sa sabay-sabay na tumatakbo. Tiyak kong ayaw niya ng mga mag-asawa, mag-ama, magkapatid, na palit-palitan lang sa pagiging gobernadora, konggresman, at mayor. Sana tablan naman ng kaunting hiya ang mga trapong bahagi ng political dynasty sa ating bansa lalong-lalo na sa Isla Panay kung saan ipinagdiriwang kada taon ang kaniyang kamatayan para sa bayan.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong 2024.