Itatampok sa libreng onlayn talakayan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang “Ang Tunay na Dekalogo” ng bayaning si Apolinario Mabini sa kaniyang ika-157 anibersaryo ng kapanganakan sa 23 Hulyo 2021.
Tinatawag ang proyekto na Onlayn Talakayan sa mga Babasahín sa Kulturang Filipino at serye ito ng mga libreng sesyon sa pagbása at diskusyon. Layon nitó na magpasigla ng kultura ng pagbabasá at pagbabahagi ng kaalaman sa madla.
Kinakailangan lámang magpatalâ ang mga kalahok sa https://forms.gle/NYDquHh3oExP31fJ7. Pipiliin ng KWF ang 30 kalahok para sa nasabing talakayan.
Ipababása sa mga kalahok ang nasabing teksto at pagkakalooban ng gabay ng video na magpapaunlad ng kanilang danas sa pagbása. Matapos nitó ay lalahok sila sa isasagawang talakayan na gagabayan ng mga kawani ng KWF.
Tatanggap ang mga makatatapos ng sesyon ng katibayan ng paglahok.
Si Apolinario Mabini (23 Hulyo 1864–13 Mayo 1903) ay itinuturing na bayaning intelektuwal na nag-ambag sa paghubog ng unang republika sa Asia gámit ang kaniyang haraya at malalim na pag-unawa sa batas.
Isa sa kaniyang mahahalagang akda, ang Ang Rebolusyong Filipino, ay inilathala ng KWF Aklat ng Bayan noong 2015.
Sa mga nagdaang sesyon, natalakay na ang mga akda ng mga bayaning manunulat na sina Emilio Jacinto (“Pahayag”) at Antonio Luna (Mga Impresyon). Magkakaroon pa ng ibang talakayan sa mga sumunod na buwan tampok ang iba’t ibang akda ng mga bayaning manunulat ng bansa.
Para sa karagdagang detalye, maaaring magpadala ng email sa rrcagalingan@kwf.gov.ph, o bumisita sa kwf.gov.ph.