Bagong Pilipinas

By Jaime Babiera

Unang pinukaw ng mga katagang “Bagong Pilipinas” ang ating pansin nang inanunsyo ng Malacañang na ito ang magsisilbing governance branding ng kasalukuyang administrasyon. Makalipas ang ilang linggo ay muli natin itong narinig mula sa ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos kung saan binanggit niya sa huling talata ng kanyang talumpati na ’di umano’y “dumating na ang bagong Pilipinas.” Ani ng presidente, naniniwala siya na maayos at patuloy na bumubuti ang lagay ng ating bansa dahil sa pagmamahal na ipinapakita ng taumbayan sa kapwa Pilipino at sa Inang Bayan.

Hindi na ako magtataka kung magkakaiba ang ating mga pakiwari hinggil dito. Nauunawaan ko na ang bawat isa sa atin ay mayroong sariling konsepto ng pagbabago na marahil ay nakadepende sa estado ng ating pamumuhay. Ngunit kung kagaya ko na isang ordinaryong mamamayan ang tatanungin, sa tingin ko ay masyado pang maaga upang makampante tayo at magpakasiguro na ang pinakamimithi nating kaunlaran ay dumating na sa ating bansa. Napakarami pang isyu sa ating lipunan ang patuloy na nakaaapekto sa maraming Pilipino. Una nariyan ay ang presyo ng mga pangunahing bilihin na bagama’t nag-improve na raw ayon sa punong ehekutibo ay hindi maikakailang masakit pa rin sa bulsa ng karamihan. Idagdag pa natin ang climate change na habang tumatagal ay mas nagiging mapaminsala ang epekto hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa buong mundo. Kaya sa ngayon ay masasabi ko na malayo pa ang ating lalakbayin bago natin tuluyang maabot ang inaasam-asam na “Bagong Pilipinas.”

Sa pagkakataong ito, nais kong gamitin ang natitirang espasyo ng kolum na ito upang maghandog ng ilang munting suhestiyon para sa ating gobyerno kaugnay ng adhikain nitong bigyan ng bagong mukha ang ating bansa.

Una ay commuter-friendly na sistema ng transportasyon. Alam nating lahat na hindi biro ang kalbaryong kinakaharap ng mga commuters araw-araw para lamang makarating sa paroroonan at makauwi nang matiwasay. Kaya sa aking palagay ay dapat mas tutukan pa ng gobyerno ang problemang ito at magpatupad ng higit na organisadong public transportation system sa ating bansa.

Pangalawa ay pagsugpo sa mga online scams at iba pang uri ng panggagantso. Hindi maikakaila na bagama’t walang humpay ang babala at paalaala ng mga bangko hinggil sa mga online scams ay napakarami pa ring mga kababayan natin ang nagiging biktima nito. Kaya sa tingin ko ay hindi na ito dapat ipagsawalang-bahala pa at sa madaling panahon ay dapat mabigyan ng tunay na solusyon. Kaawa-awa ang mga taong walang kamalay-malay na ninanakawan ng mga mapagsamantala.

Pangatlo ay paglaban sa disinformation. Sa paglipas ng panahon ay mas nagiging makapangyarihan ang impluwensya ng internet at social media sa mga mamamayan ng ating bansa, lalo’t higit sa mga kabataan. Kaya sa wari ko ay dapat mas pag-igtingin pa natin ang pagbabantay sa hindi maawat na paglaganap ng disinformation sa ating bayan. Nawa ay malaki ang maitulong ng media and information literacy campaign ni Pangulong Bongbong Marcos upang matugunan ang suliraning ito.

Pang-apat at panghuli ay ang aktibong pakikilahok ng sambayanang Pilipino sa mga diskusyong may kinalaman sa ating bansa. Nakatutuwang isipin na sa pamamagitan ng modernong teknolohiya ay nabibigyan ng boses sa ating lipunan ang lahat ng mamamayan. Malaya tayong nakapagpapahayag ng ating kuro-kuro sa mga napapanahong balita at mahahalagang kaganapan sa ating bansa. Kaya sana ay panatilihin ng ating gobyerno na bukas ang kanilang tainga at huwag magsawang pakinggan ang ating mga saloobin.

Email: jaime.babiera@yahoo.com