By Jaime Babiera
Usap-usapan kamakailan ang nilulutong “Anti-Taray Bill” ni Senator Raffy Tulfo sa senado. Ito ay naglalayong papanagutin ang mga government workers na mapatutunayang nagpapakita ng unprofessional conduct o inappropriate behavior sa mga mamamayang nakikipag-transaksyon sa kanilang tanggapan. Aniya, dapat parusahan ang mga kawani ng gobyerno na nambabastos, namamahiya, naninigaw, at kumakawawa sa ating mga kababayan, imbis na magbigay ng magandang serbisyo. Kung maisasabatas ito, ang lalabag ay mapapatawan ng perpetual disqualification from public office at dismissal from service.
“Every public official and employee shall observe the following as standards of personal conduct in the discharge and execution of official duties: (a) commitment to public interest; (b) professionalism; (c) justness and sincerity; (d) political neutrality; (e) responsiveness to the public; (f) nationalism and patriotism; (g) commitment to democracy; and (h) simple living.”
Iyan ang nakasaad sa seksyon 4 ng Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees kung saan malinaw na nakalista ang wastong pag-uugali na dapat isakilos ng mga government workers sa pagganap ng kanilang sinumpaang tungkulin. Nakalulungkot lamang isipin na may mga insidenteng napapa-ulat na tila nakalilimutan ito ng ilang kapatid natin sa gobyerno.
Isa marahil sa pinaka-angkop na halimbawa nito ay ang kontrobersyal na kaganapang kinasangkutan ng Bureau of Immigration (BI) kung saan isang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang matatandaang hindi umabot sa kanyang flight at nasayang ang biniling plane ticket dahil sa ’di umano’y mahaba at matagal na interrogation ng immigration officer. Ang mga ganitong pangyayari lalo kung magdudulot ng matinding abala sa publiko ay hindi katanggap-tanggap at sa tingin ko ay nangangailangan ng agarang pagtugon.
Malaki ang aking kumpiyansa na ang isinusulong na “Anti-Taray Bill” ni Senator Tulfo ay magdadala ng makabuluhang pagbabago na paniguradong mapakikinabangan ng bawat Pilipino. Kaugnay nito, sa tingin ko ay napapanahon din ngayon na balikan at muling talakayin ang ilang gintong aral na itinuro sa atin sa elementarya patungkol sa pakikipagkapwa at pagpapakatao upang magsilbing gabay hindi lamang para sa mga kawani ng gobyerno kundi pati na rin sa ating lahat.
Marahil ang paggamit ng “po” at “opo” sa nakatatanda ang una nating maiisip kung sakaling tanungin tayo kung anong ibig sabihin ng paggalang sa kapwa. Tama naman ito. Hindi maitatanggi na ito ay malaking bahagi ng ating kulturang Pilipino. Ngunit sa kabilang banda, itinuro rin sa atin na marami pang ibang mga kaparaanan upang maipakita natin ang ating paggalang sa ibang tao.
Una na riyan ay ang pagpapahalaga sa kanilang oras. Ang insidente sa immigration ay isang malinaw na paalaala na dapat ay bigyan natin ng sapat na importansya ang oras ng ibang tao. Kung sila ay kinakailangang sumailalim sa istriktong interogasyon, siguraduhin natin na ang mga katanungang ibabato natin sa kanila ay may kinalaman at kahalagahan sa ginagawang procedure. Hindi natin alam kung anong nakasalalay sa bawat minutong inilalaan nila sa atin, kaya huwag natin itong sayangin at bagkus ay gamitin natin sa mga bagay na may saysay at kapaki-pakinabang.
Sunod ay mabuting pakikitungo sa kapwa. Hindi makababawas ng ating dignidad kung sasanayin natin ang ating sarili na maging magalang at malumanay sa tuwing makikipag-usap sa ating kapwa. Kaya kung tayo ay isang frontline employee—sa tanggapan man ng pamahalaan o sa pribadong kumpanya—marapatin nating pag-aralan ang tamang kilos at asal sa tuwing humaharap sa mga tao. Naniniwala akong posible namang maiwasan ang mga ’di kaaya-ayang tagpo tulad ng sigawan, pamamahiya, at pambabastos kung ang lahat ay magbabaon ng pag-unawa at respeto para sa isa’t isa. Hayaan ninyong ipaalaala ko sa inyo ang ginintuang aral ni Confucius: “Huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin nila sa iyo.”
Bilang miyembro ng isang lipunan na maka-Diyos at maka-tao, lagi nating isadiwa at isabuhay ang mga “basic acts of human decency” na tinalakay ko sa itaas. Nawa ang “Anti-Taray Bill” ay opisyal na maisabatas pagdating ng panahon at maging kabalikat ng sambayanang Pilipino tungo sa kaayusan at kaunlaran ng ating Inang Bayan.
Email: jaime.babiera@yahoo.com