Boracay again

By John Iremil Teodoro

PANGATLONG bakasyon ko na ito sa Boracay ngayong sabbatical leave ko. Parang nagugustuhan ko na talaga uli ang islang ito. Lalo na ngayong Agosto na medyo kaunti ang mga turista, lalo na ang mga turista mula sa Europa dahil summer ngayon doon sa kanila. Saka dito uli kami sa Canvas Inn sa Bulabog area nakatira ng partner kong si Jay. May hardin at Bali feels ang kuwarto namin.

Ang totoo niyan, kailangang kong sumali sa Lasallian Retreat at Team Building ng mga bagong administrador ng College of Liberal Arts ng De La Salle University ngayong linggo mula Lunes hanggang Miyerkoles dito sa Boracay. Bago kasi ang dekano namin at ang karamihang mga department chair at center directors. Na-reappoint akong direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center kung kayâ kahit naka-sabbatical pa ako hanggang ngayong Agosto, may mga aktibidad at mga miting na akong kailangang daluhan.

Para makapag-relax pa kami ni Jay, naisip kong three days before punta na kami rito. Kapag nagmi-message nga o nag-re-react sa FB posts ang ilang kaibigan ko sa La Salle kung bakit masyado akong maaga, sabi ko, para maibabad ko na ang mga berde kong kaliskis sa tubig-dagat! Naisip ko rin, noong nakaraang Disyembre at Enero nang magbakasyon kami rito nina Mimi at Evert John, may yaya duties kami ni Jay. Ngayon kami lang dalawa. Parang nagha-honeymoon uli kami.

Ang nakakaimbudo lang sa pagpunta rito sa Boracay ay ang kaguluhan sa piyer sa Caticlan pasakay sa mga pumpboat patawid rito sa Boracay. Hindi organized. Sa halip na mga staff ng piyer ang sasalubong sa ‘yo para giyahan ka kung saan at paano bumili ng ticket papuntang isla ay sa halip mga agresibong porter at mga mala-fixer na sisingilin ka nang mahal para sa environtal fee, pamasahe sa pumpboat, at land transfer pagdating sa Boracay.

Ito ang hindi maganda sa mga mala-fixer na ito. May organisasyon pa yata sila dahil naka-uniform. Kayâ aakalain mong ang mesa nila sa bungad ng building ng piyer (sa parehong Caticlan at Tabon Jetty Port) ay ang legit na registration counter dahil ipapa-register ka nila sa logbook nila. May vlog ako ng isang foreigner na napanood sa Youtube na ipinapakita na ang hindi magandang scheme na ito. Noong kasama namin sina Mimi, nag-ganito kami sa mga mala-fixer na ito dahil ang buong akala talaga namin sa kanila talaga dapat magpa-register. Pero ngayong dalawa lang kami ni Jay, hindi kami nagpabudol sa kanila. Dumiretso kaming pumasok sa building. Nandoon ang totoong registration counter. Ang nakakainis, sa pagpila para magbayad ng environmental fee, magulo ang pila. Walang staff na nag-aayos ng pila. Nakikipag-unahan pa ang mga mala-fixer na iyon at siyempre ang dami nilang binabayaran kasi nga grupo-grupo ang nabubudol nila sa labas. Nagtalak ako siyempre. Sinabihan ko ang mga nasa counter na ayusin nila dapat ang pila at dapat may sariling counter na i-assign sa mga mala-fixer kung lehitimo naman ang mga ito. Ang ibig kong sabihin ng lehitimo, sanctioned ito ng Munisipyo ng Malay o ng barangay ng Caticlan. Dapat kasi may mga staff ng piyer na inaayos ang pila.

Hindi nakapagtataka na hindi na Boracay ang top local destination para sa mga banyagang turista ngayon. Ayon sa balitang sinulat ni Estrellita Faustino na lumabas sa esquiremag.ph noong Abril 16, 2024, ayon mismo sa Department of Tourism mas mataas ang bilang ng international travellers sa Palawan at Pampanga kaysa Boracay. Sa data rin ng Malay Municipal Tourism, 27% lang ang foreigner sa 538,603 na tourist arrivals mula Enero hanggang Marso 2024 sa isla. Sa katulad na panahon noong 2019, umaabot ang foreign tourist arrival ng 60%. And guess what kung ano sa tingin ng ilang eksperto ang dahilan? Ang magulong piyer sa Caticlan!

Sa interbyu ni Faustino kay Joe Clemente III na presidente ng Rajah Tours Philippines, sinabi ng huli na, “[P]robably one of the biggest factors why tourists, and even the travel trade [buyers], now prefer other destinations, aside from too many fees, more significantly, there is the hassle of passing through the small and chaotic jetty port in Caticlan.” Saka napansin ko, ang pangit ng Caticlan mismo. Dikit-dikit ang mga pangit na building, nakakadiri ang bus station, at lubak-lubak ang mga kalsada at maputik kung umuulan. Halatang hindi nagkaroon ng master plan.

Gayunpaman, madaling makalimutan agad ang naranasang chaos at ang mga nakitang kapangitan sa piyer patawid ng isla. Kasi kahit na mabilis na nasisira ang kapaligiran ng Boracay, maganda pa rin ito.

Masarap maglakad sa Bulabog Beach, sa buhangin sa dalampasigan man o sa mahabang esplanade. Kaunti kasi ang mga tao lalo na sa umaga. Alas-sais ako nag-a-alarm at naglalakad ako mag-isa dahil mga alas-nuwebe o lampas pa nagigising si Jay. Magandang pagmasdan ang puting dalampasigan na may niyugan pa habang pataas nang pataas ang sikat ng araw. May pocket gardens sa harap ng mga resort at kitesurfing schools after ng esplanade at bago ang buhanginan. Nagsisilbing panangga sa hangin ang mga harding ito.

Noong Linggo ng umaga matapos naming mag-breakfast, nagrenta kami ng e-trike papuntang Puka Beach. May kalsada na talaga papunta roon. Noong estudyante pa kasi ako sa University of San Agustin noong early 1990s at hanggang sa maging guro ako noong early 2000s, kapag pumupunta kami ng Boracay ng mga kaklase ko at kalaunan ay ng mga staff ng USA Student Pulcations dahil ako ang moderator nila, kailangan pa naming mag-arkila ng bangka mula sa Station 2 para marating itong Puka Beach dahil walang kalsada papunta roon.

Needless to say na mas prestine at halos walang tao sa Puka Beach noon. Actually noong Disyembre narinig ko na na puwede nang mag-e-trike o sumakay sa Hop-on, Hop-in e-bus papunta roon. Naisip ko na rin na masyado na itong accessible at siyempre hindi maganda para sa kapaligiran. Pero iyon nga, sa Boracay Newcoast kami nagsi-stay noon at parang tanggap ko na na unstoppable na ang pagkasira ng kapaligiran ng isla sa ngalan ng economic progress at mga gintong diyos ng kapitalismong sistema. Oo nga’t nag-e-enjoy ako rito sa Boracay pero may constant kurot sa aking kasingkasing dahil alam kong it is a matter of time tuluyang masisira ang kalikasan at kapaligiran nitong isla, at kasama ako bilang bakasyunista na sumisira nito.

Sakay ng e-trike mula sa Tambisan Jetty Port (Doon nagadungka ang mga pumpboad kapag habagat season) pagdating namin noong Biyernes, may nakita kami ng legit na Balinese gate! Na-excite kami at nangako sa isa’t isa na paggising namin the next day, magwo-walking kami papunta roon para tingnan ito. Ginawa nga namin the next day. Tirta Spa pala ito. Isang high end na spa na nakakahilo ang presyo ng mga serbisyo. Pero sa tingin ko sulit din dahil pagpasok mo pa lamang sa gate, mata-transport ka agad sa Ubud, Bali. Dahil nga favorite destination ko ang Bali sa Southeast Asia at nakapunta na rin si Jay doon, agree talaga kami na parang nasa Bali kami. Legit ang mga stone works at estatwang palamuti nila sa hardin. Pero dahil nga kuripot ako, kahit afford ko namang magpa-massage doon ay hindi ko gagawin!

Masarap din ang food trip sa Boracay. Talagang imposibleng hindi ka mag-overeating sa islang ito. Buti na lang nakaka-more than 10K steps a day ako palagi rito dahil lakad kam nang lakad ni Jay. Ang magandang discovery namin ay ang buffet lunch ng Boracay Mandarin Resort & Spa sa Station 2 ng white beach. Sa halagang PhP828 per head, sulit na sulit ito dahil maganda ang lugar at masarap ang barbicue, isaw, dinuguan, at black lechon nila.

Masyadong maraming masasayang alaala ako rito sa Boracay.

Ang suki naming kuwarto ni Jay dito sa Canvas Inn ay pakiramdam namin parang bahay namin dito sa isla. Masarap maglakad sa dalampasigan, sa puting buhangin kung saan napipisa ang maliliit na alon, sa white beach man o sa Bulabog. Gustong-gusto kong maligo sa Puka Beach. Tuwang-tuwa akong mag-window shopping sa D’Mall. Manamit mag-food trip.

Sabi ko kay Jay, at least once a year, dapat magbakasyon kami ng isang linggo rito sa Boracay. Pilit ko ngang iwinawaglit sa aking isipan ang tuksong bumili ng condo rito sa isla. Kapag sinasabi ko ito kay Jay, nire-remind niya ako na “ibuhos” na lamang namin ang aming pera para sa pagpapaganda sa mga hardin namin sa Iguhag at sa Aningalan. At dahil siya naman talaga ang mas tito hardinero sa aming dalawa, susundin ko ang payo niya

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.