By Jaime Babiera
Sa inilathalang Consumer Payment Attitudes Study ng Visa—isa sa mga tanyag na card networks sa mundo, nakita ang higit na pagtangkilik ng mga Pinoy noong 2021 sa cashless modes of payment o mga paraan ng pagbabayad na hindi na kinakailangan ng barya o perang papel gaya ng ating nakasanayan.
Ayon sa nasabing pag-aaral, 60 percent ng mga Pilipino ay hindi na gaanong nagdadala ng cash sa kanilang mga pitaka at mas pinipili na lamang magbayad gamit ang iba’t ibang cashless payment options katulad ng electronic wallet (64 percent), online (52 percent) at in-store (44 percent) card payment, at panghuli ay QR payment (31 percent). Anila, itinuturing ng maraming Pilipino na convenient ang mga nabanggit na paraan ng pagbabayad. Higit pa rito, madali rin para sa mga users ng cashless payment na ma-track ang kanilang mga pinagkakagastusan sapagkat lahat ng transaction ay naka-record sa kanilang mga mobile devices.
Tunay ngang hindi maitatanggi ang mga magagandang dulot ng cashless payment sa kasalukuyang sistema ng ating pananalapi. Gayunpaman, nais ko pa ring ipaalaala sa publiko na bagama’t malaki ang naitutulong ng mga modernong payment methods na ito upang mapabilis at mapadali ang ating mga financial transactions, dapat ay manatili pa rin tayong alerto sa lahat ng pagkakataon at huwag magpakampante sapagkat target na rin ito ngayon ng mga masasamang-loob.
Maaalalang laman ng balita noong mga nakaraang buwan ang ilang indibidwal na naghain ng reklamo sa PNP Anti-Cyber Crime Unit matapos mawala na parang bula ang itinago nilang pera sa isang digital wallet. Ani ng isa sa mga biktima, nagulat na lamang siya nang biglang makatanggap ng SMS confirmation na ’di umano’y nagbayad siya ng halagang P58,000 kahit wala naman siyang ginagawang kahit anong transaksyon.
Ang tawag sa mga ganitong insidente kung saan nako-compromise at nagagamit ng ibang tao ang account ng users ay “unauthorized transactions.” Lahat tayo na gumagamit ng cashless payment ay hindi ligtas sa modus na ito. Maaaring tayo ang maging sunod na biktima kung hindi tayo mag-iingat nang lubusan. Kaya’t laging paalaala ng mga bangko sa atin: Huwag ipagkakatiwala kahit kanino ang mga sensitibong impormasyon tulad ng personal identification number (PIN), one-time password (OTP), card number, at card verification value (CVV) code upang maiwasan na ma-access ng scammers ang ating mga accounts.
Kaugnay nito, hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang mga natutunan kong “preventive measures” sa ilang taon kong paggamit ng cashless payment.
Una, iwasan na mag-iwan ng malaking halaga sa mga digital wallet. Mainit ngayon ang mata ng mga mapagsamantala sa electronic wallets lalo’t sa kasalukuyan ay maraming Pilipino ang gumagamit nito sa ating bansa. Kaya kung ang balak ninyo ay magtago at mag-ipon ng pera, makabubuti kung ilalagak ninyo ito sa bank account kaysa iwan nang matagal na panahon sa digital wallet. Tiyakin lamang na rehistrado sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at kasapi ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) ang pipiliin ninyong bangko upang makasiguro sa seguridad ng perang inyong pinaghirapan.
Pangalawa, gumamit ng virtual card sa online transactions. Suki rin ng “unauthorized charges” ang mga credit cards lalo kung aksidenteng kumagat ang card holder sa mga mapanlinlang na taktika ng scammers at maibigay ang kanyang card details nang hindi sinasadya. Kaya bilang dagdag seguridad, nagpapadala o ’di kaya ay nag-aalok ang mga bangko ng virtual cards. Ito ay extension ng primary credit card na nakatalagang gamitin sa iba’t ibang uri ng online transactions. May sarili itong card number, expiry date, at CVV code, kaya’t kung sakaling makompromiso ay hindi direktang maaapektuhan ang primary credit card. Mababa rin ang naka-assign na limit sa mga virtual cards upang maprotektahan ang credit line ng users laban sa mga magtatangkang i-max out ito.
Panghuli, maging mapanuri sa mga natatanggap na tawag, emails, at text messages. Isa lamang ang maipapayo ko patungkol dito: Siguraduhing lehitimo ang ginamit nilang numero, SMS sender ID, o email address. Kung hindi ay huwag mo na lamang itong pansinin lalo kung humihingi ng mga sensitibong impormasyon. Makatutulong din kung agad kang makikipag-ugnayan sa kinauukulan upang maberipika ang natanggap na mensahe.
Mga kababayan, nawa ang mga tinalakay ko sa itaas ay matulungan kayong mapangalagaan ang inyong mga personal accounts upang hindi ito mapasakamay ng mga oportunistang scammers. Maging listo palagi at maging maingat sa paggamit ng mga makabagong paraang ito ng pagbabayad para hindi kayo manakawan at literal na maging “cashless.”
Email: jaime.babiera@yahoo.com