By Jaime Babiera
Ano ang gusto mong maging paglaki mo?
Marami akong naiisip sa tuwing itinatanong ito sa akin noong bata pa ako. Madalas ang sagot ko ay balang araw gusto kong maging isang doktor o ’di kaya ay nurse sapagkat iyon ang palagi kong naririnig sa aking mga kaklase. Minsan sinasabi ko na gusto kong maging isang piloto dahil nakikita ko sa telebisyon na maganda ang kanilang uniform at magara ang pananamit. Ngunit nang sumali ako sa campus journalism noong high school, doon ko napagtanto kung ano nga ba talaga ang gusto ko—maging isang mamamahayag.
Wala akong malalim na dahilan kung bakit sa murang edad ay nabuo ang interes ko sa propesyon na ito. Sa katunayan ay hindi ko pa nga lubusang nauunawaan noong mga panahong iyon ang tunay na kahulugan nito. Marahil ay bugso ng damdamin ang pangunahing nagdikta sa akin sapagkat sa tuwing naaatasan akong sumulat ng article at nakikita kong nailalathala ito sa aming school paper ay walang pagsidlan ang nararamdaman kong kaligayahan. Sa isang musmos na bata ay hindi na ito kataka-taka sapagkat naalaala ko noon na ang bukod-tanging konsiderasyon na palagi kong isinasaalang-alang sa tuwing kailangan kong magdesisyon ay ang aking personal na kasiyahan. Ika nga ay dun ka kung saan ka masaya.
Sa pagkakataong iyon ay buo na ang aking loob na gusto kong maging isang mamamahayag pagdating ng panahon. Kaya nang tumungtong ako sa kolehiyo ay napagpasyahan ko na kumuha ng kursong maaaring makapaghatid sa akin tungo sa katuparan ng munti kong pangarap na ito. Bachelor of Arts in Communication ang aking napili. Wala akong gaanong choices noon sa kurso at paaralan sapagkat limitado lamang ang budget ng aking mga magulang para sa aking pag-aaral. Gayunpaman, hindi ako nagsisi sa naging pasya ko dahil marami sa mga asignatura na nakapaloob sa curriculum ng BA Communication ay may direktang kaugnayan sa pamamahayag gaya ng Introduction to Mass Communication, Journalism Principles and Practices, Media Laws and Ethics, at Desktop Publishing.
Unti-unti ay mas naging pamilyar ako sa larangang ito. Natutunan ko kung ano nga ba ang akademikong depinisyon ng journalism, ano nga ba ang mahalagang papel na ginagampanan nito sa ating lipunan bilang Fourth Estate, at ano nga ba ang mga responsibilidad ng isang mamamahayag sa mga mamamayan ng ating bansa. Habang mas lumalawak pa ang aking kaalaman tungkol sa pamamahayag ay napansin kong mas nagiging desidido pa ako na tapusin ang kursong ito upang kalauna’y maging isang ganap ako na journalist. Higit pa rito ay nadiskubre ko na rin sa wakas ang rason kung bakit ito ang gusto kong maging noong bata pa ako. At iyon ay upang makapaglingkod sa taumbayan bilang tagapag-hatid ng mga napapanahong balita at mahahalagang kaganapan sa ating bansa.
Subalit dala ng matinding pressure na makahanap agad ng trabaho at magsimulang kumita, pinili kong maging praktikal sa aking desisyon. Nang makatanggap ako ng job offer mula sa isang digital marketing firm dito sa Batangas ay kaagad ko na itong tinanggap. Pansamantala ko munang isinantabi ang paghahangad ko na tuparin ang aking childhood dream at isinaalang-alang ang aking responsibilidad bilang breadwinner ng pamilya.
Totoo ang madalas ipaalaala sa atin ng mga guro natin noon na ibang-iba ang buhay sa labas ng paaralan. Marami tayong maaaring madiskubre tungkol sa “real world” pagkatapos nating maka-graduate at magsimulang maghanap ng trabaho. Kaya sa aking palagay ay normal lamang na kagaya ko ay magkaroon ang mga fresh graduates ng last-minute changes sa kanilang mga plano.
Isa lamang ang nais kong ipaalaala sa mga magsisipagtapos ngayong taon sa kolehiyo: Hindi isang karera ang pagtupad sa ating mga pangarap. Kung magkataon na piliin nating isakripisyo muna pansamantala ang ating childhood dreams dahil nakahanap tayo ng ibang trabaho na nag-aalok ng higit na malaking sahod o ’di kaya naman ay masyadong mataas para sa isang fresh graduate ang hinahanap na kwalipikasyon ng ating pinapangarap na trabaho, tandaan ninyo na hindi ito isang kabiguan. Bagkus ay ituring natin ito bilang isang magandang pagkakataon upang mas mapagyaman pa ang ating kakayahan at mas mapalawak pa ang ating kaalaman. Panigurado, ang karagdagang karanasan na ito ay malaki ang maitutulong upang balang araw ay maabot natin ang ating pinakamimithing childhood dreams.
Email: jaime.babiera@yahoo.com